(1857-1899) Dakilang Pintor
Si juan Luna ay ipinanganak sa Badoc, Ilocos Norte noong Oktubre 23, 1857, kapatid niya si Antonio Luna. Ang mga magulang nila ay sina Joaquin Luna at Laureana Novicio.
Taong 1874 ng magtapos siya ng pag-aaral sa Ateneo de Manila ng kursong "Bachiler de artes'. Likas ang hilig niya sa pagpipinta kaya nag-aral din siya sa Academia de Dibujo y Pintura sa Maynila na pinamamahalaan ng mga bantog at kilalang kastilang pintor.
Nagtungo siya sa Espanya taong 1877 upang magpakadalubhasa.
Pumasok siya sa tanyag na Escuela de Bellas Artes sa Madrid. Dahil sa husay niyang magpinta ay umani si Juan Luna ng paghanga at papuri. Nahirang din siyang pensiyanado sa Europa ng pamahalaang Pilipino. Siya ay pinagkalooban ng taunang pensyon sa loob ng apat na taon, sa kasunduang taun-taon ay gagawa siya ng isang larawang magagamit na palamuti sa iba't ibang gusali ng pamahalaang Pilipinas.
Naglakbay siya sa iba't ibang bansa sa Europa. Narating niya ang Roma, Italia at Paris kasama niya ang kanyang guro na si Alejo Vera.
Nagkamit ng medalyang ginto ang kanyang iginuhit na "Ang Kamatayan ni Cleopatra" at naipagbili niya sa pinakamataas na halagang maibabayad sa isang pintura.
Taong 1884 ng kanyang iginuhit ang bantog na "Spolarium" na nakilala at hinangaan sa lahat ng kanyang mga ginawa. Marami pang ibang likha si Juan Luna na hinahangaan ng marami habang siya ay nasa Europa.
Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1894.
Taong 1896 ng siya ay hulihin ng mga kastila at ibinilanggo sa Fort Santiago sa bintang na siya ay may kinalaman sa gawain ng mga katipunero, kasama niyang nakulong ang kanyang kapatid na si Heneral Antonio Luna.
Pinalaya siya noong 1897. Muli siyang umalis ng Pilipinas at naglakbay sa iba't ibang bansa sa silangan. Subalit inabot siya doon ng karamdaman.
Disyembre 7, 1899 ng siya ay bawian ng buhay.