Sino ang pilipinong nakasapit sa Hongkong na di nakakilala kay G. Jose Ma. Basa.
Gaya ng mga tunay na Tagalog, niyang liping tinatakbuhan sa kanyang mga ugat ng malinis na dugo ng mga Soliman, bata pa si G. Jose Ma. Basa ay nakapansin na ng mga katiwalian ng pagpapalakad ng nasirang Pamahalaan ng mga kastila dito sa Kapuluan.
At nang sumapit siya sa sapat na gulang, nang ang pagwawari ay lalo nang maliwanag sa tulong ng pinagaralan ay ipinagtanggol niya ng ubos kaya sa lahat ng kataon ang mga karapatan ng mga tubo rito sa atin. Ang ganito niyang mga kilos at gawi na kapansinpansin nang mga panahong yaon na ang pagibig sa bayan ay kasalanang ikinamamatay, ay naging sanhi ng boong pagiingat sa kanya ng mga naghahawak ng ugit ng Pamahalaan at di naglaon at si G. Jose Ma. Basa, kasama ni G. Antonio Regidor, Pari Mariano Sevilla at iba pa ay pinagdadakip at ipinatapon sa Pulo ng Marianas.
Ang kasalanang sa kanila'y ipinaratang ay kinaalam daw sa himagsikang kawal na nangyari sa Kabite niyaong 1872, na ikinabitay ng magigiting na Paring Tagalog na sina Padre Burgos, Gomez at Zamora.
Ang panahon ay lumipas, at sumapit sa pangyayaring ang noon ay pinaguusig ay naging karangalan at kabayanihan.
Ilang buwan ding nanahanan sa Guam si G. Jose Ma. Basa at pagkuwa'y lumipat sa Sakop ng Ingles na bayan ng Hongkong at doon na nga namuhay ng may mga tatlongpuong taon. Sa bayang ito isinagawa ni G. Jose Ma. Basa ang tahasa't walang kiling na paglingap sa kanyang mga kalahi.
Kailan ma't nakabalita si G. Jose Ma. Basa na may pilipinong lulan ang alin mang sasakyang dadaong doon, karakaraka niyang ipinasasalubong at di tinutulutang tumuloy sa ibang bahay kung mangyayari at ang kanyang tahanan, dulang at hihingan ay handa sa kanyang mga kalahi.
Buhat kay Gat Jose P. Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar at hanggang sa kahulihulihang grumete ng mga sasakyan, ay kanyang ginawaran ng pagkakandili sa lupaing yaon na napili niyang panahanan, kaya't lagi siyang naging sanggunian, kanlungan at takbuhan ng alin mang pilipino na nangailangan ng kanyang pagkukupkop.
Isang kahangahangang pagibig sa alin mang bagay na may kulay pilipino ang tinaglay ni G. Jose Ma. Basa, sa boo niyang buhay. Ang kanyang mga dulang o hapag, mga likmuan, mga palamuti sa bahay, mga kasangkapan sa pagluluto, palyok, tapayan, lumbo at mga iba pang kababakasan ng tinubuang lupa, saro, salakot, bilao, bakya, papag, ay nasa sa mabuting panig na lahat ng kanyang tahanan. Tungkol buhat sa sariling lupa ay kanyang ipinagmamalaki.
Kanyang ipinagpaparangalan at kailan ma'y hindi ikinahiya sa mga tagaibang lupaing sa kanya'y tumuloy, ang mga bagay na yari sa Pilipinas.
Ang mga aklat ng ating mga kalahi ay iniingatan niyang higit sa ginto sa kanyang mayamang aklatan.
Buhat sa Hongkong ay sumulat siya sa mga pahayagan sa EspaƱa at lagi niyang pinasapit doon ang tanang karaingan ng Pilipinas.
Namatay si G. Ma. Jose Basa niyaong ika 10 ng Hulyo ng 1907 na taglay sa puso ang kasiyahang loob na makatupad ng kanyang katungkulan sa Tinubuang Lupa at sa tanan niyang kalahi, lalong lalo na sa nangakasapit sa lupaing yaon ng mga Ingles na pinakipamuhayan niyang mahigit na tatlong puong taon.
Isang pangyayaring kapansinpansin sa himaling ni G. Jose Ma. Basa na di dapat maligtan bago tapusin ang bubot na alaalang ito sa kanyang kagitingan, ay itong sumusunod:
Kung siya'y may nakikitang kalahi roon na dahil sa kakulangan ng magugugol sa pagbalik sa sariling lupa, at wala namang hanap buhay bagang panggagalingan ng isang kabuhayang marangal, si G. Jose Ma. Basa ay may bukas na kamay upang sumaklolo sa nasabing kalahi, matangi pa ang pabaon at kaupahan sa sasakyan hanggang makabalik sa sariling lupa.
Isang panahon ay may sumapit doong panirang puri sa atin, na di iba't ang mga sipi ng mga hubo at hubad na mga igorrote na ipinangangalandakan nina Worcerter at mga kasamahan na yaon ang lahing nananahanan sa boong Kapuluang Pilipinas at siyang naghahagad ng kalayaan. Sa harap ng panirang puring ito ay walang minainam si G. Jose Ma. Basa na panlaban kundi ang bilhin lahat ang mga siping nakita, na sa mabuting palad ay hindi naman karamihan, at ang lahat ay iningatan ng boong pitagan, at ipinakita sa mga may aral na banyaga at anya:
Ito ang pinanggalingan ng aming lahi. Masdan ninyo ang pinagdaanan naming pagunlad.
Ang sariling wika ay minahal, lininang at ipinamana ni G. Jose Ma. Basa sa kanyang mga anak na karamiha'y sa Hongkong na nakakita ng unang liwanag.
Kay laki ng pagmamahal ni G. Jose Ma. Basa sa alin mang bagay na may kulay Pilipinas.
Nariyan ang isang dakilang pilipino.