Ang pangalang ito ay bago sa mga batang pandingig, nguni't sa mga mawilihin sa Tulang Tagalog ay isang Talang napakaliwanag. Siya'y naging Guro ng ating Balagtas sa pagtula at lahat halos ng mga binatang kanyang kapanahon ay pawang lumuhog sa kanya na itula ng mga panambitan, liham, lowa, at mga palabas dulaan na totoong hinangaan at pinapurihan ng kanyang mga kapanahon.
Sa kanyang kabataan ay wala siyang nadama kungdi pawang hirap, palibhasa'y anak dukha. Ang pintuan ng Paaralan ay bahagya na niyang napasok, at matangi sa pagunahing pagaaral na ginampanan ng kanyang ali at sa isang tanging guro na nagturo sa kanya hanggang 40 año ay walang masasabing tinuklasan niya ng dunong na naghatid sa kanya sa dalubhasang tawag na talaisip at pasimuno na sinunod na lagi ng kanyang mga kababata.
Umano'y isang araw, nang si Huseng Sisiw ay bata pang wawaluhing taon lamang ay naliligo siya sa isang ilog sa may tabi ng kanilang bahay at nang mga sandaling yaon ay dalawang naghahanap ng tawiran upang pasa ibayo at si Huse ang kinausap. Ang mga Hesuita ay hindi marunong ng Tagalog at si Huse sa tulong ng kanyang pagkapalabasa ay nakapakipagintidihan sa mga banyagang kausap sa sarili nilang wika.
Lubhang nahanga ang mga Hesuita sa katalinuhan at pagkamagalang ng bata, kaya,t nalibang na siya'y kausaping mahaba ng sandali. Noon ay sadaraan ang isang tao at sa pagka't hindi na nangakapagpatuloy ng pagtawid ang mga Pare, ay inusisa na lamang kung sino ang batang kanilang nakausap, kung kangino anak at kung saan nagaaral.
Siya anang mga Hesuita ay isang batang-matanda lubhang umindayog ng pagiisip.
Nang si Huseng Sisiw ay magbinata na, ay dito na kinapansinan ng isang kainamang pananagalog, malalaking kaisipan, mga lalang ng diwa na nakagigising ng pusong idlip kaya't halos inaakala ng mga kanayon na siya ay isang tunay na pantas na nakatatarok ng lahat ng lihim.
Ito'y nagbuhat sa walang maliw niyang pagbabasa ng mga Kasaysayan ng Biblia na natuturol niya ang mga banhay na kailanganin sa pagsasalita, na ikinapaghinala ng madla na siya'y isang taong nakatatarok ng lahat ng pagbabagong dinaanan ng Daigdigan buhat sa mula at mula.
Natuto siyang magisa sa sariling sikap ng Filosofia, Canones, Teologia at iba pang mga karunungan, gayon din ng latin at griego, tangi pa ng kastila na ginagamit niyang parang sariling wika. Dahilan ito nang kung bakit nang panahong yaon ay lubhang maraming paring Tagalog ang sumasangguni sa kanya ng kanikanilang mga sermon na paubayang ipinababago sa kanya kung mayroon siyang hindi mainamin na nasang iwasto.
May isang lalong himalang ginawa si Huseng Sisiw nang siya'y anyayahan ng Kura sa Batangan na maglabas ng kanyang mga dula sa Pista ng Bayan doon, at sabihin pa ba, dinala niyang lahat ang kanyang mga siping yari, na mga dulang bunga ng kanyang walang pagal na panitik at ipinagparangalan niya sa Kura na piliin ang nasang palabasin sa araw ng kapistahan, at sa masamang palad ay walang napili isa man ang Kura; nguni't ipinakita sa kanya ang isang Kasaysayan na siyang nasang palabasin, at noon din ay binasa ni Huse at boong tapang na nagsabing Hindi tayo mapapahiya among.
Dispiras na ng Pista ng Bayan nangibigay sa kanya ang sipi ng Kasaysayan at ang ating si Huseng Sisiw, pagkabasang saglit ng kasaysayan ay tinipon ang kanyang mga comediante at isaisang inanasan ng kanikaniyang sasabihin na tila bumabasa ng isang dulang yari at nasusulat sa wikang Tagalog.
Kinabukasan ay ipinasok sa kubol si Huseng Sisiw at ang kanyang mga sinanay na mga comediante ay nanganupad ng kanikaniyang tungkol sa dula ng boong kasiyahang loob ng lahat at tagingtangi ang Kura na lubhang namangha sa himalang yaon na ipinamalas ni Huseng Sisiw.
At di lamang ito ang katangian ni Huseng Sisiw. Siya ay nakadidikta sa limang tagasulat kung siya'y nagmamadali; gaya halimbawa ng kung may nagpapagawa sa kanya ng ano mang katibayan, paanyaya, sulat sa pangingibig at tula sa karangalan ni gayon at ni ganito. Pinauupo niyang sabay ang mga tagasulat at sabay na dinidiktahan ng kanikaniya, ano pa't nakatatapos na lahat na sabay at walang panaghilian.
Tinawag siyang si Huseng Sisiw, sa pagka't siya ay mahiliging kumain ng sisiw, kailan ma'y aayaw siya ng inahin o tandang; maging sa mga gulayin ma'y nasa niya ang lalong mura o wala pa sa panahon, kung makaisip siyang kumain ng inihaw na baboy ay ang kaniyang pinipili ay ang pasusuhin pa halos. At sa pagka't ito ang kanyang himaling lahat halos ng kanyang mga kaibigan na nagkakautang ng loob sa kanyang magpasulat, ay dinadalhan siya ng sisiw na lalong pinakamataba. At sa pamagat na Huseng Sisiw siya nakilala ng lahat ng kanyang mga kapanahon.
Si Jose Cruz ay tubo sa makasaysayang bayan ng Tundo at anang marami ay siya ang talagang ipinanganak na Makata. Nilang siya sa maliwanag niyaong taong 1778.
Umano'y isang araw ay pinagdayo siya ng mga Pantas at Dalubhasa ng kanyang panahon upang makilala ang dakilang Makata at Guro nina Balagtas, Florante at ni Ananias Zorrilla sa Dama Ines nina Juan at Prudencio Feliciano sa kanilang Loco por el viento, D. Alejandro at Don Luis, Atamante at Manople, Jason at Medea at Dn. Gonzalo de Cordoba, at kalunguyo at lagi nang sinambit ni aling Manding (Agapita Bernardo Rivera) na tanungan ng mga manunulat noon ay nangyari ang ganitong sagutan:
Mang Huse, saan po naroon ang mga aklat ninyong sanggunian?
Mga Ginoo, ang aklatan ko po ay ang sariling pagiisip. Inaakala ko po na hindi kailangan ang isang mayamang aklatan kungdi nasasaulo ang mga linalaman noon.
Kung saan mapagkikita na si Huseng Sisiw ay isang dalubhasang palalo, sanhi marahil nang hindi niya ikinapagpalimbag ng kanyang mga katha.
Anang mga matatandang aming napagtanungan, si mang Huse ay lubhang maingat sa kanyang mga sulat at kailan ma'y hindi siya nasiyahan sa mga hinahangaan na ng iba na kanyang mga katha, dahilan ito ng kung bakit iilan ang kanyang Corrido na nakilala at ito'y ang Clarita, Adela at Florante at Teodoro at Clavela.
Tungkol sa may mahigit na kung ilang daang Comedia at Dula ay nangingibabaw ang mga ito: La Guerra Civil de Granada, Hernandez at Galisandra, Reyna Encantada o Casamiento por fuerza at Rodrigo de Vivar.
Si Huseng Sisiw ay naging Tagasuri ng mga Comedia at Dula na itinatanghal sa Teatro de Tondo na ari ni G. Domingo Celis. Ang alin mang Dula o Comedia na kanyang bigyan ng subali ay hindi natatanghal doon. Ang kanyang pasiya ay walang tutol at iginagalang.
Ah Sayang na sayang, sayang nang pagibig sayang nang sinsing kong nahulog sa tubig kung ikaw din lamang ang makasasagip, mahangay hintin kong kumati ang tubig.
Ito umano ay kanyang tinula ng inip na inip na ng kahihintay sa isang katipan na di dumalo sa tagpuan.
Si Huse ay laging pidagdamutan ni Kupido.
At nang isang kataon ay tinugon siya ng isang dalaga na Magsabi po kayo sa aking mga magulang, ay tinugon pagdaka ng isang tula na gayari:
Sa aku'y' huwag mo nang matuimatuiranin na may magulang kang dapat sanguniin di baquin si Cristo ay nakapaghain ng Langit kay Dimas, di may magulang din?
Tatapusin namin ang ulat na ito sa pagsipi ng ilang tula ni Huseng Sisiw bilang alaala sa kanyang kabantugan, nang huag matulad sa bula na ginahasa ng hangin; sa bangong panandaliang linipasan ng halimuyak o sa kawiliwiling tinis ng kanyang kudyapi na napapawi sa pakinig, pagkalipas ng isang saglit na pagkaaliw at pagkawili.
Oh kaawaawang buhay ko sa iba Mula at sapol ay gumilio gilio na Nguni't magpangayon wakas man ay di pa Nagkakamit tungkol pangalang guinhaua.
Ano't ang ganti mong pambayad sa akin Ang ako'y umasa't panasanasain At ilinagak mong sabing nahabilin Sa langit ang awa saka ko na dinguin.
Ang awa ng langit at awa mo naman Nagkakaisa na kaya kung sa bagay? Banta ko'y hindi ri't sa awa mong tunay Iba ang sa langit na naibibigay.
Ano ang ganti mo sa taglay kong hirap. Sa langit na hintin ang maguiguing habag? Napalungi namang palad yaring palad Sa ibang suminta't gumiliw ng tapat.