Musmos pa'y namuhi nang lubha sa masasamang palakad ng mga kastila sa kanilang bayan; pamangking buo palibhasa ni Gat Marcelo H. del Pilar, ay nagpasasa rito buhat sa kamusmusan ng isang dalisay na aral ng pagibig sa bayang sarili, kaya't nang kasalukuyang ang Noli ni Dr. Rizal, ay di mabasa ng hindi maging isang malaking kasalanan si Gregorio ay isa sa mga lalong masipag na tagalaganap noon.
Sa ganang kay Gregorio ang Noli ay siyang aklat ng kaligtasan ng lahi.
Nang ang hiyaw ng laya ay lumaganap sa walong lalawigang Tagalog, si Gregorio, ay nahikayat na magsundalo at ang gayon ay isinagawa bata pa man siyang lubha, at buhay noon sa pamamagitan ng mga di karaniwang katapangang badha ng kanyang mga kilos, ay hinagdan niyang untiunti ang kabayanihan hanggang sa nang lagdaan ang Pacto de Biak na Bato ay nakarating na siya sa tungkuling Koronel.
Namahal siyang lubha kay Aguinaldo at siya ay ipinagsama sa Hongkong nang malagdaan na ang kasunduan, at sila'y tumulak niyaong ika 27 ng Disyembe ng taong 1897, gaya ng natulukoy sa nasabing kasunduan.
At nanatili si Gregorio del Pilar sa Hongkong samantalang si Aguinaldo ay doroon at sa parang tiniyap na pangyayari, ang mga kastila at amerikano ay nagkaroon ng sigalutan; at sanhi ng pagpapadala rito sa Pilipinas ng isang Hukbong dagat sa ilalim ng pamamahala ng Almirante Dewey. Ang Lupon Pilipino sa Hongkong ay inanyayahang manumbalik na muli at magpatuloy ng paghihimagsik.
Ang mga pangyayari rito ay lubhang maliwanag sa kasaysayan ng dalawang digmaan, subalit hindi kalabisang banggitin dito na si del Pilar ay dating katulong ng mga amerikano sa pagbaka sa mga kastila, sa paniwalang ang mga kawal na yaon ay katulong natin sa pagtuklas ng kasarinlan.
Si del Pilar ay nagpatuloy ng pakikibaka sa piling ng ating mga kawal, laban sa manlulupig, baga mang talos na ang pakikibaka ay tahas na pagpapatiwakal yayamang ang kaaway ay lubhang malakas, marami at makapangyarihan.
At ang hukbo natin ay napataboy ng napataboy hanggang sa kaitaasan, nang di humihiwalay si del Pilar sa pagtatanggol sa Kuartel Heneral na kinalalagyan ni Aguinaldo.
Si Gregorio del Pilar ang siyang nahirang na magtanggol sa Pasong Tilad na tanging pagdadaanan ng sino mang magnanasang lumusob sa Kuartel Heneral at ang kanyang limampuo't limang mga piling kawal sa katapangan at katapatang loob, ay nagpamalas ng di karaniwang kabayanihan.
Sa kung anong pakana, ay natalunton ng mga amerikano ang Pasong Tilad, at sila ay linusob ng walang patumangga hanggang sa ang lahat ng limampuo't limang kawal na doo'y nagbabantay, gayon din si Heneral Gregorio del Pilar ay pinuksang lahat nang walang pitagang kalupitan ng mga kawal na lumusob, na binubuo ng mahigit na 300 katao na kabayuhang pawa.
Sa lokbotan ni Gregorio del Pilar ay natagpuan ang isang araw-araw na tala na kinababasahan ng gayari:
Kung isang malaking hukbo ang lulusob sa akin at sa aking mga kawal, ay mapapasuko ako; nguni't lalong magiging kanaisnais sa ganang akin ang ako'y mamatay sa pagtatanggol sa aking pinakaiirog na Inang Bayan.
Ganito namatay ang isang matapang na sundalo na sa katiyagaan at sa walang maliw na pakikibaka ay sumapit sa tungkuling Heneral sa gulang na dalawampuo't dalawang taon lamang.
Siya'y anak ng mabulaklak na Bulakan at ipinagmamalaki siya ng tanang kababayan sa kanyang walang katulad na kabayanihan.