Sa lalawigan ng Iloilo ay doon sumilang ang isang kalahi nating naging isang dakilang mananalumpati, siya'y si Graciano Lopez Jaena.
Gaya ng lahat ng pilipino, ang kanyang unang pagaaral ay tinanggap niya sa loob ng tahanan, pagkatapos ay nagpatuloy siya sa Paaralang bayan upang ang mga pangunahing pagaaral ay maganap at doon na siya kinakitaan ng kanyang sibol na katalinuhan, at baga mang hindi karaniwan noon ang pakikipagtalo sa mga Guro si Jaena ay hindi nasiyahan sa alin mang bahagi ng kanyang pinagaaralan, hanggang hindi dinidingig ang mga paliwanag ng mga Guro, at sa pagnanasang ang pagaaral ay ipagpatuloy sa ibang lupain ay lumayag siyang tungo sa España, niyaong taong 1881.
Sa silong ng Langit ng dating Metropoli ay nakipagisa siya sa mga kalahing doo'y dinatnan na nangakikibakang kasalukuyan sa mga kabaguhang hinihingi ng bayan natin. Iisang taon pa siya sa España, nang itatag ang Kapisanang Hispano-Filipino at siya ay naging isang masugid na kasapi noon.
Ang kapisanang nabanggit ay naglalathala ng isang pahayagan at si Graciano Lopez Jaena, ay isa sa tumangkilik noon. Ang kanilang mga layunin ay ang ipakilala sa madla ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas at mangagsumakit sa mga kabaguhang dapat na gawin ng Pamahalaan at Pangasiwaan.
Ang kanyang mga tudling na pawang kinababakasan ng kanyang pagkamabuting anak ng Pilipinas, ay nangapalathala sa Filipinas, ante Europa, El Progreso, El Pueblo Soberano, at pagkaraan ng ilang panahon ay itinatag niya ang La Solidaridad, na kanyang pinamatnugutan at siyang naging tagapamansag ng mga kalahi natin doon. Niyaong taong 1899, ay nihalinhan siya ni Marcelo H. del Pilar sa Pamamatnugot ng nasabing Pahayagan.
Sa kanyang pagkamananalumpati, ay ipinalalagay na isa siya sa lalong pinakamabuti sa kanyang kapanahunan sa boong España, kaya't sa lahat ng piging tuwi na'y inaanyayahan siya upang manalumpati. At sa mga gayong kataon ay hindi niya nalimutan minsan man na di samantalahin ang pagpapakilala ng mga karaingan ng kanyang bayan.
Niyaong 1892 sa Madrid, sa pagdiriwang sa ikatatlong daan at siyam na puo't isang taon ng pagkatuklas sa America ni Cristobal Colon, sa talumpali ni Graciano Lopez Jaena, tungkol sa mga iba't ibang bagay, ay sinabi niya ang gayari:
Hindi umiiral ang pangaalipin sa Pilipinas, nguni't makalilibong mahirap ang kaalipinang doo'y naghahari at kaalipinang tinatangkilik ng mga batas, kaalipinan ng kalolwa, kaalipinan ng diwa, at dahil dito mga nginoo, ang aming bayan ay bayan ng baligtaran, sapagka't ang karunungan at katotohanan ay di napakikita doon.
Ayaw kami ng isang bayang kalahati ay malaya at kalahati ay alipin, ninanasa namin ang kalayaan sa pagsulat o pamamahayang; ninanasa namin ang kalayaan sa pagagalakal; ninanasa namin ang aming kapangyarihan sa paghahalal, (sufragio) ng aming sugo sa mga Kapulungan, na, kung saan namin mapasasapit ang aming mga adhikain upang dingin at malaman.
Sa isang piging na idinaos sa Madrid sa karangalan ni Juan Luna, at Resurreccion Hidalgo, dahil sa kanilang taggumpay sa Tanghalan ng Sining, si Jaena ay nagsabi ng gayari: Pilipinas, binabati kita ng boong pitagan. Malasin Siya! ang bughaw ng dagat ay siyang birang, ang kulay ng kanyang Langit, ang pinakamarikit sa sansinukob, na nasasabugan ng maniningning na bituin, ay siya niyang magandang lambong. Sino man na di pa nagkakapalad na magmalas sa kanyang mga Pulo, ay di nakakita ng pinakamagandang panig ng daigdigan.
Sa salaysay na ito ni Lopez Jaena, ay mapaguunawa na ang kanyang paningin ay pawang kagandahan sa kanyang Tinubuang Lupa, pagmamalas na di tinataglay niyaong di tunay na tubo sa Pilipinas, pagka't tanging ang pilipino lamang ang may kayang dumamdam ng kanyang mga dinaramdam.
Isa sa maiinam niyang talumpati, ay ang binigkas niyaong 1887, ng ipagtagumpay ni Juan Luna ang kanyang Batalla de Lepanto. Ito'y ulit ulit na sinabi, na kaming mga pilipino, ay di makagagawa ng ano man. Tinawag kaming mga umano, ay walang kayang gumanap ng anomang kaunlaran, kami umano ay hindi lumalaki at di umuunlad, nguni't ang aming; bayan sa linakadlakad ng panahon ay nagiging isang bayang dakila.
Kung mababasa ninyo ang mga talumpati ni Jaena, at maaaninag ninyo na wala na siyang sinikap kundi ipamalas ang kanyang pagmamahal sa Tinubuang Lupa at sa mga kalahi niyang marunong magmahal sa Bayang Tinubuan.
Mahigit na labinglimang taon na nanahanan si Jaena, sa España, at lahat ng kanyang sigasig sa loob ng panahong yaon ay iniukol niya sa ikauunlad ng kanyang minamahal na bayang Pilipinas.
Niyaong 1890, ay umuwi siya sa sariling bayan upang mangilak ng magugugol doon sa ubod ng bayang panginoon ng ating bayan, sa Madrid, at dahil sa nasang ito, ay nakipagkita siya kay Paez, at humingi siya ng tulong. nguni't sa kawalan, ng salapi sa kaban yaman ng samahang kanyang tinawagan ay pinangakuan siya ni Paez, pagkatapos na madingig ang kanyang mga balak at siya'y nanumbalik sa bayan ng mga Hari, upang gumawa ng walang patlang na paggawa sa ikapagbabago ng pamamalakad dito sa Kapuluan; at sa kanyang kinahimalingang yaon ay nahughog siya at namulubi, at niyaong ika 20 ng Enero ng 1896 ay tinawag siya sa sinapupunan ni Bathala, sa bayang Barcelona España, na siyang kinalagakan ng kanyang mga labi.
Si Graciano Lopez Jaena ay buhay sa mga puso ng bawa't pilipino at ang alaala sa kanyang mga gawa ay isang dakilang aral na karapatdapat uliranin.
Maging tibay ang mga talatang ito ng kanyang pagka walang Kamatayan.