Lahat ng sasabihin tungkol sa dakilang Bayaning ito ay nasabi na ng mga lalong Pantas at mga Dalubhasang tao ng sansinukuban, pagkapalibhasa ay napatangi siya ng gayon na lamang sa lahat ng Bayaning sumipot dito sa Pilipinas at siya'y napabilang sa mga dakilang Bayani ng sangkatauhan.
Lahat ng paraan ay sinikap ng kanyang mga kapanahon upang siya'y manatili sa puso ng madla.
Sa lalong mababang halagang selyo, ang kanyang larawan ay naroroon upang ang kanyang alaala ay huwag maliblib sa lalong katagutaguang nayon at kaabaabaang buhay na di makapagingat ng isang larawan niyang nakapagbibigay sigla sa mga pusong lumalamlam sa pagibig sa Tinubuang Lupa.
Si Gat Rizal ay pinarangalan din ng Pamahalaan natin na taglayin ng salaping papel na dadalawahing piso ang kanyang larawan, upang magpalipatlipat sa mga kamay ng lahat ng naninirahan dito sa ating lupain at sa labas man, na makapagingat ng salaping yaon na nakikilala sa tawag na isang Rizal.
Mga aklat na nasusulat halos sa lahat ng wika ang iniukol sa kanyang karangalan. Isang malaking bantayog na pinaggugulan ng salapi ng ating Pamahalaan ang sa gitna ng Luneta ay nagpapaalala ng kanyang kagitingan. Ang kanyang pangalan ay kilala ng lahat ng pilipino, pinipintuho at pinararangalan sa ating Kapuluan ng banyaga at kababayan man, ng bata at ng matanda, ng Pantas at ng hangal; ng puhunan at ng paggawa; at sa ibang lupain ay pinauunlakan din ng lahat ng pilipino sa kanyang dakilang araw, sa araw na ang kanyang buhay ay kinitil ng kalupitan.
Sumilang si Gat Jose Rizal niyaong ika 19 ng Hunyo ng taong 1861, sa bayan ng Kalamba, Laguna, at siya'y anak ni G. Francisco at ni Gng. Teodora Alonso.
Anak sa bayang Tagalog at liping Tagalog na tunay, kaya't ang pagibig sa Tinubuang Lupa ay kalangkap ng kanyang pagkatao. Aral sa tahanan, sa pagtuturo ng mga magulang na nagnasang magmulat ng kanyang bait sapol sa pagkamusmos, ay nagawa sa kanyang murang bait ang gulang na siyam na taon pa lamang ay makalikha na ng isang dula na kinagiliwan ng Kapitan sa bayan.
Sa kanugnog na bayan ng Binyang ay nagaral siya kay G. Justiniano Aquino at Cruz at sa loob lamang ng ilang buwan ay wala nang maituro sa kanya ang Gurong Bayan, yamang natutuhan na niyang lahat ang nalalaman noon kaya't nang Hunyo, ng taon 1872 ay lumipat siya sa San Juan de Letran, nguni't di siya nawili rito, kaya't lumipat agad sa Paaralan ng mga Hesuita hanggang sa tinamo niya ang katibayan ng pagka Bachiller en Artes.
Lumipat siya sa Universidad de Sto. Tomas, upang magaral ng Filosofia Medicina at Agrimensura at yamang napansin niyang hindi mabuti ang tingin sa kanya ng mga Guro doon, at sa payo ng kanyang mga kaibigan, niyaong Mayo ng taong 1882 ay lumayag siyang patungo sa Europa, pagkatapos niyang tamuhin ang katibayang pagka Agrimensor.
Dumaan siya sa Singapur, Kanal ng Sues, at sa Marselya siya lumunsad, at buhat doon ay napatungo sa Barselona na kinakilalanan niya sa mga kalupaing doroon. Tumungo siya sa Madrid at sa Universidad Central doon, ay nagpatuloy siya ng pagaaral ng Medicina, Literatura at Filosofia; kasaliw ng pagaaral niya ng mga karunungang nabangit ay di niya napaglabanan ang hilig ng kanyang diwa sa sining, kaya't nagaral din siya ng Paglililok (escultura) at ng pagkuha ng larawan sa pamamagitan ng lapis at ng kulay na lubha niyang ikinatangi.
Pagkatapos niyang tamuhin ang mga katibayan sa Medicina, Filosofia at Literatura niyaong taong 1885 ay lumipat siya sa Paris na kanyang kinatagpuan sa mga kalupaing Antonio at Jose Luna, at Pardo de Tavera; buhat sa Fransiya ay lumipat siya sa Alemanya upang makinyig ng mga bantog na Panayam sa Universidad de Heidelberg: lumipat siya sa Berlin at sa bayang ito niya tinapos ang walang kamatayang Noli.
Si Dr. Jagor sa Berlin na masikhay na sumuysoy ng mga kapakanan sa Pilipinas ay nakatagpo sa ating Rizal, ng isang mabuting kaibigan. Buhat sa Berlin ay lumipat si Rizal sa Austria at dito niya nakaniig si Prof. Blumentritt; mula sa bayang ito ay napatungo siya sa Italya. Dito niya isinalin sa Tagalog ang Wilhem Tell at saka umwi dito sa Pilipinas.
Si Rizal ay mawilihin sa pagaaral ng wika, at ito ang sanhi ng kanyang pagliklik sa lahat halos ng mga Pangulong bayan sa Europa, at nang siya'y dumating dito sa ating lupain, upang harapin ang panggagamot ay nagsasalita na siya ng halos lahat ng wikang linang sa Europa at Asia.
Noong 1888 ay ninasang muling maglakbay sa mga ibang dako ng sansinukob at siya'y dumaan sa Hongkong na kanyang kinatagpuan sa dakilang Tagalog doon na si Ginoong Jose Basa; pagdaan sa Hapon, upang pagaralan sa sariling lupa ang wikang Hapon, dumaan sa Amerika, bago nagtuloy sa Inglaterra at sa bayang ito nakaniig si G. Antonio Ma. Regidor. Sa Londres at sa bahay ni G. Regidor niya isinalin at tinuligsa ang Kasaysayan ng Pilipinas na sinulat ni Pari Morga, na lubha niyang ikinabantog sa panitikan.
Ika 9 ng Nobyembre ng taong 1887 nang sulatin ni Profesor Blumentritt ang paunang salita sa Morga ni Dr. Rizal.
Sa panitikan ay may isa siyang mainam na bakas na naiiwan sa bawa't panahon. Bilang pauna ng kanyang panunulat ay nasabi na namin na siyam na taon pa lamang ang kanyang gulang nang sumulat ng isang dula na noon pa ma'y kinabakasan na ng di karaniwang indayog ng kanyang diwa. Niyaong 1887 na magdaos ng isang Timpalak ang Licco Artistico Literario dito sa Maynila na sinalihan ng lubhang maraming manunulat ay napili at nagtagumpay ang kanyang tula na may pamagat na A la Juventud Filipina. Sa kapanahunang si Rizal ay nagaaral pa sa Ateneo sa pagpaparangal sa Mahal na Birhen ay sumulat siya ng isang dula na pinamagatan niyang Junto Al Pasig, na lubhang kinagiliwan ng nangagsipanood na pawang dalubhasa. Sa Timpalak na idinaos sa pagpaparangal sa ikaapat na raang taong ikinamatay ni Cervantes, ay nagtagumpay ang titik ni Rizal na may pamagat na El Concejo de Los Dioses. Sa Madrid ay nagkaroon ng ibang himig ang kanyang mga sulat at dito na nga nabunyang ang tunay na pagibig sa Tinubuang Lupa.
Ang kanyang Noli ay sinimulan niyang sulatin sa Madrid at natapos sa Austria, ang Filibusterismo ay sinulat niya sa Ghert Olanda, noong 1891.
Hulyo ika 3 ng taong 1892 nang nagpulong sa bahay ni G. Doroteo Ongjungco sa daang Ilaya blg. 176 Tundo tungkol sa Liga Filipina at ika 6 ng Hulyo ng 1892 nang ipinadakip ni Heneral Eulogio.
Despujol at ipapiit sa Fuerza Santiago.
Niyaong ika 11 ng Pebrero ng 1893 ay itinatag ni Dr. Rizal ang Liga Filipina isang kapisanang pilipino na pinagukulan ni Mabini ng gayaring kataga: Nang makitang ang lahat ng sikap ay walang taros at salat sa kaayusan, at di nagbibigay ng katampatang wakasin, ay linikha ni Rizal ang Liga Filipina.
Nang si Rizal ay ipatapon sa Dapitan siya'y nagsaka doon at nagtayo ng Paaralan sa mga tagaroon; kahit iisang iglap ay hindi siya natahimik at pawang iniukol sa kabutihan ang kanyang mga gawa. Ang mga maysakit doon ay nakatagpo sa kanya ng isang walang bayad na Manggamot.
Samantalang siya'y naroroon ay isang amerikanong nagngangalang Taufer na kasama ng isang anakanakan na nagngangalang Josefina Bracken ay dumalaw sa kanya, upang ipagamot ang mga matang hindi makakita at pinasiyahan na ng mga ibang Manggagamot ng walang lunas, ang Josefinang ito ay siyang naging kapalad ni Dr. Rizal at nakasama niya sa buhay na yaon sa tapunan.
Ang mga kahilingan ni Dr. Rizal upang siya ay patawarin ay hindi diningig ng mga makapangyarihan, nguni't kailan ma'y di nanawi sa kanya ang pagasa, at sa gayong kalagayan ay tumanggap siya ng isang sulat ng matalik niyang kaibigang austriako na si Prof. Blumentritt, na kanyang hilinging sa Pamahalaang siya'y makaparoon sa Kuba bilang Manggagamot ng mga kawal na kastila doon, at ang gayong kahilingan ay pinakinggan ni Heneral Blanco, kaya't siya, sa paniniwalang siya'y walang masamang nagawa kangino man na titigatig sa sariling budhi, kasama ni Josefina at ng kanyang pamangking si Maria Luisa, ay agad napa Maynila at sa kasamaang palad, nang sila'y dumaong sa luok ng Maynila ang sasakyang patungo sa Espanya ay nakaalis na, kaya't sila ay nangapilitang maghintay ng panibagong sasakyang lalayag, na di iba't ang Castilla. At si Rizal ay tumulak na nga, nguni't ang Himagsikang pinangunguluhan ni Gat Bonifacio ay nabunsod ng wala sa panahon at isang pahatid kawad na buhat kay Gobernador Polavieja ang tinanggap, nang ang Castilla ay dumaog sa Kanal ng Sues, hatid kawad na naguutos na dakpin si Dr. Rizal, at sinalubong sa Barselona ang ating kababayan upang ipiit doon.
Pagkaran ng ilang araw ay ilinulan siyang muli upang ihatid sa Pilipinas. Nang idaan sa Hongkong ay sinikap ni Dr. Regidor na siya'y palayain sa pamamagitan ng Habeas Corpus nguni't hindi ipinagtagumpay ni G. Regidor, ang kanyang banal na nais na mapalaya si Dr. Rizal.
Siya'y inusig dahil sa pagkakatatag ng Liga Filipina at pagtataguyod ng Himagsikan, at hindi siya pinahintulutang makapagtanggol maliban sa siya'y pinapamili sa mga Pamunuang doon ay natitipon. Napili niya si G. Luis Taviel Andrade, isang marangal na kastilang nagtanggol sa kanya ng ubos kaya, nguni't hindi diningig at hinatulan siyang barilin sa Liwasan ng Bagumbayan.
Sa pagkamanunulat ni Rizal ay wala nang maitatawad. Masasabi nang walang alinlangan, na ang kanyang panitik ang siyang lumikha ng mga kabaguhan sa kapamayanan, na kasalukuyan nating tinatamasa at siyang nagpayanig ng matibay na Pamahalaan ng kastila na mahigit ng tatlong daang taong sa atin ay naghari.
Ang dakilang Bayaning ito na pinaguukulan namin ng ulat ngayon, ay siniil ng kalupitan nang di malilimutang Heneral Polavieja at niyaong ika 30 ng Disyembre ng taong 1896 sa lawak ng Bagumbayan ay pinapagdanak ang kalinislinisang dugo ng isang banal na anak ng Pilipinas.
Ang hagunot na halakhakan ng kanyang mga kaaway ay nariringig pa halos nang dumating ang hatol ng tadhanang matapos ang kalupitan ng mga kastila rito sa ating lupain at niyaong Mayo ng 1898 ang makapangyarihang bayang amerikano, sa likha ng mga pangyayari ay nagpadala rito ng kanyang mga sasakyang pandigma, upang sa pamamagitan ng mga punglong ibinubuga ng mga kanyon sa Hukbo ng dating Panginoon at Hari ay mababa at mahalinhan ang watawat na ginto at dugo na sumaksi rito sa ating lupaing mapagkalinga ng mga di mahulilip nakalupitan.
At buhat noon ang mga unang banaag ng Bagong Araw ng Pilipinas ay namitak sa silanganan ng kanyang pagasa.
Bilang pagwakas sa ulat na ito ay ilalakip namin dito ang huling bunga ng panitik ng Bayaning Tagalog na pinamagatan niya ng Mi Ultimo Adios.
ANG AKING HULING PAALAM
(HANGO SA WIKANG KASTILA)
Paalam, sinta kong Lupang Tinubuan Bayang sinagana ng sikat ng araw Marikit na mutya ng dagat silangan Edeng maligayang sa ami'y pumanaw.
Sa iyo'y handog ko ng ganap na tuwa Malungkot kong buhay na lanta at aba Naging dakila man, boong pagnanasang Ihahandog ko rin sa iyong paglaya.
Ang nangasa digmang dumog sa paglaban Alay din sa iyo ang kanilang buhay Hirap ay di pansin at di agam agam Ang pagkaparool o pagtatagumpay.
Bibitaya't dusang linikha ng bangis O pakikibakang lubhang mapanganib Walang kailangan kung ito ang nais Ng bayan at madlang pinakaiibig.
Mamamatay ako, ngayong namamalas Ang bukang liwayay na nanganganinag Ng minimithi kong araw na sisikat Sa likod ng dilim na kagulat gulat.
Kung ang kulay pula'y kinakailangan Upang itina mo sa iyong liwayway Dugo ko'y ibubo pangiti kong alay Nang iyang sinag mo ay lalong dumingal.
Lagi kong pangarap mulang magkaisip Magpahangga ngayong maganap ang bait Ay mapanood kang hiyas na marikit Nang dagat silangang dito'y lumiligid.
Mata mong marikit sana'y lumigaya Walang bakas luha't puspos na ng sigla Tingala ang noo, balisa'y wala na Walang bahid poot wala nang pangamba.
Pangarap ng buhay! Marubdob kong nais, Ikaw ay lumusog, hiyaw ng pagibig Ng kalulwa kong gayak sa pagalis Upang lumaya ka, buhay ay lumawig.
Kay tamis malugmok, matanghal ka lamang Mamatay ng upang mabigyan kang buhay Mamatay sa silong ng langit mong mahal Malibing sa lupang puspos karikitan.
Kung sakasakaling sa aba kong libing Mayuming bulaklak ay iyong mapansing Sumilang sa gitna ng damong mahinhin Hagka't ang halik mo'y aking tatanggapin.
Sa noo kong hapo na doo'y ninidlip Sa libingang hukay na lupang malamig Ay tatanggapin ko ang iyong pagibig Init ng pagiliw ng ninintang dibdib.
Bayaan mong ako'y malasin ng buwan Nang kanyang liwanag na lubhang malamlam Bayaang ihatid sa aking libingan Mahinahong sinat ng kanyang liwayway.
Bayaang humibik ang simoy ng hangin At kung may dumapo sa Tanda ng libing Na ano mang ibon, bayaang awitin Ng huning matimyas ang payapang aliw.
Bayaang ang araw na lubhang maningas Ulan ay tuyuin, singaw ay itaas Maging panganuri't dalisay na ulap Kalangkap ang hibik ng aking pagliyag.
Bayaang ang aking maagang pagpanaw Itangis ng isang tapat na magmahal Kung payapang hapon sa aki'y magalay Ng isang dalangin, ako'y patungkulan.
Idalangin mo rin ang kinapos palad Na nangamatay na, yaong nangaghirap Sa tanang pasakit, at ang lumalangap Naming mga ina ng luhang masaklap.
Iyong idalangin ang bawa't ulila Ang nangapipiit na nangagdurusa, Iyong idalangin sana'y matubos ka Sa pagkaaliping laong binabata.
Kung nababalot na ang mga libingan Ng sapot ng gabing payak kadiliman Kung wala ng tanod kundi pawang bangkay, Huwag gambalain ang katahimikan.
Pakimatyagan mo ang hiwagang lihim At mapapakingan lungkot ng taginting Ng isang kudyapi, ito ay ako rin Inaawitan ka ng boong paggiliw.
Kung ang libingan ko'y limot na ng madla At wala ng kuros ni bato mang tanda Sa nangaglilinang ay ipaubayang Bungkali't isabog ang natimping lupa.
Ang mga abo ko bago pailanlang Mauwi sa wala na pinanggalingan Ay makalat uling parang kapupunan Ng iyong alabok sa lupang tuntungan.
Sa gayo'y wala nang ano man sa aking Ako'y limutin mo, aking lilibutin Yaong himpapawid, kaparanga't hangin At ako sa iyo'y magiging taginting.
Bango, tingig, higing, awit na masaya Liwanag at kulay na lugod ng mata, Uulit ulitin sa tuwituwi na Ang kataimtiman ng aking pagsamba.
Sintang Pilipinas, Lupang Tinubuan Sakit ng sakit ko, ngayon ay pakingan Ang huling habilin: Sa iyo'y iiwan Ang lahat ng lalong inirog sa buhay.
Ako ay tutungo sa bayang payapa Na walang alipi't punong mapangaba Doo'y di nanatay ang paniniwala At ang naghahari'y yaong si Bathala.
Paalam na ako, magulang, kapatid, Bahagi ng puso't unang nakaniig, Ipagpasalamat na ako'y malingid Sa buhay na itong puspos ng ligalig.
Paalam irog kong Banyagang hirang Aking sinisinta, aking kasayahan. Paalam sa inyo mga minamahal Mamatay ay ganap na katahimikan.