Gat Andres Bonifacio

Sinong anak ng Pilipinas ang di nakakikilala kay Bonifacio?

Si Andres Bonifacio ay anak ng paggawa at di pinalad na makapaglinang ng muni na gaya ng mga mapalad na iniwi sa duyan ng kariwasaan. Anak dukha at sa kabataan ay naulila sa mga magulang na nagpapala kaya't maagang nakitalad sa buhay upang sa palihan ng pangangailangan ay makayari ng isang kalolwang napakalaki, isang diwang di karaniwan, at isang panghalinang katutubo na lininang at pinamaibabaw sa kanyang pangkatao.

Siya'y tubo sa makasaysayang bayan ng Tundo, Maynila, at anak ni G. Santiago Bonifacio at Gng. Catalina Castro. Ang unang liwanag ay nakita niya noong ika 30 ng Nobyembre ng taong 1863.

Ulila palibhasa sa gulang lamang na labingapat na taon at may apat pang kapatid na nangangailangan ng kanyang pangangalaga ay napilitang ang kabuhayan ay kitain sa alin mang paraan at ang gayon ay kanyang tinuklas sa paghahanap buhay sa isang bahay kalakal, kina Fressel & Co., na kanyang pinaglakuan ng kanyang paglilingkod.

Sa kahirapang kanyang tinatawid ay lalong tumingkad sa kanya ang pagkakatuwas ng mga kalagayan ng tao, ang kaibhan ng bayang sakop at ng nakasasakop; ang kakayahan ng mga pinalad na nangagsidunong sa tulong ng salapi, at ang kaabaan ng mga sawi na di makarating sa likmuan ni Minerva sa kakulangan ng kaya na makapaglinang ng muni; at sa dapat na ikaligaw ng landas, ay lalong napanuto at magisang nagsamantala ng kanyang mga labis na panahon sa paggawa, at magisang ipinagaral; samantalang nabubuksan untiunti ang kanyang bait sa tanglaw ng mga dakilang aral na natatalunton niya sa malawak na kaharian ng karunungan, ay lalo namang tumitingkad ang kanyang pagibig sa kulang palad niyang Tinubuang Lupa.

Isang sulat na sumapit sa kamay ni Gat Bonifacio ang sa iba't ibang bagay na sinasabi, ay natatapos sa ganito.

Tunay na ang Bayang ito (Ang Pilipinas) ay aping api at supil ng isang Pamunuang taga ibang lupa; nguni't mahirap at mapanganib na totoo ang tayo'y magakala ng isang pagbabangon; baka pa ang mangyari ay lalo tayong mapahamak. Bayaan muna nating sila ay magtamasa sa kaginhawahan.

Sa ibaba ng sulat na ito ay tinitikan ni Gat Bonifacio ng gayari:

Kung ang paniniil ay Trono ng galak at busabos tayong tuntungang panatag kung ang tunay na Ley, sinira't hinamak, Iguho ang Hari ang siyang marapat

Kung Baya'y balot ng sapot na itim ang buhay ay laang inisin sa libing sa tabing ng gabi'y, may masisinag ding liwanag ng bagong panahong darating

Sa pagkamanunulat si Gat Bonifacio ay napabantog sa mga tudling niyang linagdaan ng May Pagaasa at Agapito Bagumbayan.

Sisipiin namin dito ang bahagi ng isang tula niya na iniingatan ng isang mapagmahal sa kanyang mga lathala.

Halaw sa mga Tula ni Gat Bonifacio

PAGIBIG SA BAYAN

Mayroon pa kayang pagsintang dakila Lalo pang maningning at kahangahanga Tangi sa pagibig sa sariling Lupa? Wala na marahil. Tunay na wala nga.

* * * * *

Nang mapasilang ka Lupang Tinubuan Ang laging nais kong pinagsasakitan Ang lahat kong awit o kaya'y tuwa man Tanging Bayan ko ang pinaguukulan.

* * * * *

Walang lalong sakit sa isang Bayani Na di ihahandog sa Bayan kong kasi Dugo ma't ligaya, dunong na pamuti Kahit kamatayang ikaruruhagi.

* * * * *

Bayan ko ay siyang nagbigay ng buhay; Tulad sa Ina kong tanging nagyayaman, Maningning na sinag tulad ng sa araw Na nagpapalusog sa aba kong lagay.

* * * * *

Masawi't mamatay singisang liwanag Kung danasin ito ng dahil sa Liyag Kung lalong malaki ang tiising hirap Lalo pang ligaya. Oh kaysarapsarap!

Sa tiklop ng papel na sinipian namin ng mga talatang nasaitaas ay di na mabasa ay hinalinhan namin ng malalaking titik P ang K.

Nagbasa ng mga aklat na La Triste Italia, Historia de la Revolucion Francesa, Ciencias Politicas (Karunungan sa Pamamahala) Derecho Internacional, Historia Universal ni Cesar Cantu, at Las Memorias de un Soldado (Mga tala ng isang sundalo). May isa siyang aklatan sagana sa mabubuting aklat, nguni't kinain mandin ng laho nang siya'y mamatay.

Si Mabini at si Rizal ay naging lagi niyang kasangguni sa mga kilusang nauukol sa Bayan, at sa pagkakita niyang ang Liga Filipina na itinatag ni Gat Rizal, ay laging nabubulabog ay inakala niyang ihalili roon ang pinagpalang K. K. K. na siyang bumigkis na tulad sa iisang tao sa tanang pilipino na nagbagong buhat sa pagkakahimbing upang pawiin sa Kapuluan ang tatak ng kaalipinan.

Unang bunga ng kanyang di karaniwang kislap ng diwa ay ang pagtatatag ng dakilang K. K. K. (Kataastaasan, Kagalanggalang, Katipunan) ng mga anak ng Bayan. Katipunang unangunang nagtanim sa puso ng mga tagarito ng isang marubdob na pagibig sa Tinubuang Lupa. Kapisanan ng mga magiliwing anak sa Inang Bayan palibhasa ang nangagsisibuo ng Katipunang yaon na itinatag ni Andres Bonifacio, ay pawang may likas na pagibig sa Tinubuang Lupa, isang kapatirang kahilihili; kaya't minamarapat naming sipiin ang kanyang dakilang aral upang uliranin ng ating mga huling sibol ang simula at binhi ng mga kalayaan nating sa ngayo'y tinatamasa.

MGA ARAL NG KATIPUNAN.

Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay hindi kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa; ang pangibig sa kapuwa, ay ang isukat ang bawa't kilos, gawa at pangungusap sa talagang katuwiran.

Maitim man at maputi ang kulay ng balat, ang lahat ng tao ay magkakapantay; mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda; nguni't di mahihigtan sa nagkatao.

Ang may mahal na kalooban ay iuuna ang puri kay sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban ay iuuna ang pagpipita sa sarili kay sa puri.

Sa taong may hiya ang salita ay panunumpa.

Huwag mong sayangin ang panahon: ang yamang nawawala ay mangyayaring magbalik; nguni't ang panahong nagdaan na ay di na muli pang dadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.

Ang taong matalino ay ang may pagiingat sa bawa't sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat na ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, ang lalaki ay siyang patnugot ng mga anak; kung ang umaakay ay patungo sa kasamaan, ang inaakay ay sa kasamaan din.

Ang babai ay huwag mong tignang isang libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo ng boong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang ina na pinagbuhatan at nagiwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa iyong asawa, anak at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao ay wala sa pagkahari, wala sa pagpapatangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkapari na kahalili (raw) ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, di umaapi, yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa Bayang Tinubuan.

Lumaganap ng gayon na lamang ang mga dakilang aral ng Katipunan sa lahat halos ng nasasakupan ng Walong Lalawigang Tagalog; at kahit na nakasapit sa kaalaman ng Marangal na heneral ng Hukbong kastila na si Don Ramon Blanco, palibhasa ay isang dalubhasang Pamunuan na di kaayon sa kagahasaan ay di napadala sa mga bulong na paghihimagsik ng kanyang mga nasasakupan. Ang unang balitang ito na boong katahimikang lumaganap sa matataas na kagawaran ng Pamunuang Panglahat nitong Kapuluaan, ay nangyari niyaong ika 9 ng Agosto ng taong 1896 sa sumbong ng Kura sa Tundo na Fr. Mariano Gil, at sapagka't di pinansin at di pinahalagahan ng Marangal na si Heneral Blanco, ay nagkaroon ng mga lihim na kilusan at pakana na nagpasapit sa Pamahalaan sa Madrid ng pangagailangang magpadala rito ng isang walang paulikulik na Heneral, upang mailigtas ang kapangyarihan ng Espanya sa isang di maiiwasang Himagsikan. At si Heneral Polavieja, ay kagyat dumating upang humalili sa dating Heneral Don Ramon Blanco.

Unang binangsakan ng kalupitan ng bagong Heneral ay si G. Pio Valenzuela at Aguedo del Rosario at sa isang maigsing bugso ng kapusukan ng pikit matang panunupad ng kabangisang walang kahulilip, ay mahigit sa tatlong daang magitan ng pagpapadakip ng walang ano mang abogabog sa bawa't matamaan ng malas ng kanilang mga tiktik na gumagalaw sa lilim ng kapangyarihan ng mga kaaway ng ating paglaya.

Halos araw araw ay may binabaril na kulang palad, at kabilang sa mga ito, ang nangyari niyaong ika 30 ng Disyembre ng taong 1896, ang lalong kalakilakihang upasala sa Bayang Pilipinas, ang kalakilakihang kabuhungan, na sa pangalan ng Espanya ay ginanap ng banyagang Pamunuan dito sa Kapuluan na pagpapabaril sa lalong pinaka dakilang Tagalog, sa Bayani ng mga Bayani, na si Gat Jose Rizal at Mercado.

Ang Himagsikan ay lumaganap nang gayon na lamang sa lahat ng pusong may bahagyang hinanakit sa Pamahalaang napakabigat na at di na ibig na talimahin, at buhat sa Hiyaw ng Laya sa Balintawak niyaong ika 20 ng Agosto ng taong 1896, hanggang Abril ng taong 1897 ay itinaguyod ng ama ng Katipunan ang Himangsikang napasimulan ng wala sa panahon sa kapusukan ng mga masasamang Pamunuan ng kastila rito sa Pilipinas.

At lumaganap ang lakas ng mga Katipunan sa lahat ng dako, subalit sa Kawit, ang lakas ni Aguinaldo ay kahangahanga.

Di kawasa ay kinilala si Aguinaldo na Pangulong Hukbo, sanhi ng ipinagkahati ng mga katipunan sa dalawang malaking pangkat, na: Aguinaldista at Bonifacista.

Nang panahong yaon si Bonifacio ay nasa Kawit, nguni't sa pagilag sa mga di maiiwasang pagbubungguan ng dalawang pangkat ay linisan ni Bonifacio ang Kawit at tutungo sana sa Batangas, nguni't sa Limbong, isang Nayong sakop ng Indang, ay kanyang nasagupa ang mga kawal ni Pawa, at ang inilagang pagbubunggo ay sumapit; si Bonifacio ay nasugatan at ang kanyang dalawang kapatid, si Ciriaco at si Procopio ay nangasawing napatay.

Binihag si Bonifacio ng kanyang mga kaaway at ihinarap sa Hukumang digma na naglagda sa kanya ng hatol na kamatayan, nguni't hindi isinagawa ni Aguinaldo, at bagkus pinatawad, nguni't itinagubiling siya'y papanawin.

Dinuyan si Bonifacio upang ihatid sa pook na kanyang pagdurusahan, nguni't siya'y ibinulid ng nangaguusong, sa isang banging malalim sa Marigondon, na kanyang kinalibingan ng buhay. Ito'y nangyari niyaong ika 26 ng Abril ng taong 1897.

Kalunoslunos na wakas na itinalaga ng kalupitan sa ama ng dakilang kilusang tungo sa paglaya.

Ang araw na ito ay ipinagluluksa hangga ngayon ng mga tunay na Katipunan ang kainggitan ay nagtagumpay, ang isang pulutong na kawal ng ating ding Hukbong naghihimagsik ay nagpatunay minsan pa ng isang di na mababawing kamalian at ang buhay ni Gat Andres Bonifacio ay linapastangan ng wala sa panahon, tinampalasan ng isang kahatulang napakalupit na tanging ang kasaysayan ang makatuturol ng tahasan kung sino ang dapat managot ng gayong nakalulunos na wakas. Ani Bonifacio sa kanyang mga salaysay: Hindi tayo dapat matakot kangino man kundi sa kasaysayan.

Talagang ang isang bayang bagong umuunlad sa pagtatanggol ng kanyang katuwirang naaapi ay naghahandog ng lalong dakilang buhay. Sa kalupitan ni Polavieja ay pinatigis ang dugo ng diwa ng Himagsikan: Si Gat Jose Rizal y Mercado; at sa kabilisan ng isang hatol na agaran ay pinadanak ang mahalagang dugo ni Gat Andres Bonifacio, na siyang tunay na bisig ng Himagsikan natin.

Nang si Gat Andres Bonifacio ay isakdal sa kasalanang Taksil sa Tinubuang Lupa ay boong lungkot na nagsabi ng ganito:

Taksil ako pagkatapos na kayong lahat ay aking matipon at maiparuto sa landasing ito na patungo sa isang ganap na kalayaan? Taksil ako? ... Salamat!

At ang kanyang kamatayan ay naging pasimula ng kanyang buhay na walang hanggan sa bayang Pilipinas, na sa kanyang karangalan ay nagpupuri namimintuho at lubos na gumagalang; at ang isang pagkawalang kamatayan na gaya ng sa lahat ng dakilang Bayani na nagpakatangi sa paglilingkod sa kanyang Tinubuang Lupa, ay kanyang kinamtan.

Isang Paaralang bayan sa Tayuman ang itinayo upang papurihan siyang lagi ng mga sisipot na angkan; upang doon ay pagaralan ang mga dakilang aral na isinulat niya ng kanyang malinis na dugo; upang ubos kayang pabulaanan ang paratang na taksil na ibig ibabaw sa kanya ng mga nagsiusig na mananagot sa kasaysayan ng ating bayan.

Isang araw na pangilin sa loob ng isang taon, ang putong na pambawi ng kalapastanganan sa kanya, ang iginawad sa kanyang karangalan ng Pamahalaang kasalukuyan.

Minsan santaon, ay binabawi ng bayang Pilipinas ang kalaitlait na paratang na naging halaga ng buhay ni Gat Bonifacio. Siya'y may matuwid ng kanyang sabihing: Upang ipagtanggol ang usapin ng bayan ay di lamang ang lakas ng loob at tapang ang kailangan.

Isang malakas ang loob at matapang na pinagagalaw ng diwang di nasasalig sa katarungan at katuwiran, ay maaaring makabawi ng upasala, makapinsala, makagunaw at pumatay, nguni't kaylan ma'y di makapagtatatag ng isang bayang may ganap na kalayaan.