Francisco Baltazar Balagtas

Hindi maaaring sumulat ng ukol sa panitikang Tagalog nang di babanggitin ang pangalan ng dakilang Makata ng Wikang Tagalog, ng Hari ng mga mangaawit, na si Francisco Baltazar.

Ang maykatha ng Florante at Laura ay isa sa mga napili at namukod na higit sa isang maningning na tala at karapatdapat na mapapiling kina Goethe, Virgilio, Dante Aligieri na pinipiging ng mga Diosa sa kanyang dulang, na di nadadaluhan nino man kundi ng mga tunay na diwa lamang ng mga lahi.

Si G. Hermenegildo H. Cruz ay nagukol sa kanya ng isang mahalagang aklat na katataluntunan ng kanyang mga lalong lihim na pinangdaanan at buhay. Si G. Epifanio de los Santos Cristobal sa pagsasalin ng kanyang Florante at Laura sa wikang kastila ay naninop ng boong panitikang Tagalog magbuhat ng 1593 hanggang 1886, upang sa gitna ng masayang halamanan ng panitikang Tagalog ay pagitawin siyang isang mabango at kahangahangang bulaklak noon na ang samyo ay walang pagkapawi.

Sa panitikang Tagalog nga ay si Balagtas ang dakilang tanglaw at sa mga tilamsik ng kanyang liwanag ay sukat mabuo ang lalong maririkit na kathain. Siya'y ipinanganak niyaong ika 2 ng Abril ng taong 1788.

Anak palibhasa ng mga tunay na Tagalog, si G. Juan Balagtas at Juana Cruz, at kumita ng unang liwanag sa mga lupaing Tagalog. Sa Panginay, Bulakan, ang singaw dito na lumilikha ng mga tulain ay gumising sa kanyang diwang silanganin na umawit tuwi na; nguni't isang pagaawit na nagbabadha ng mga dakila at laging kapanahong mga aral, gaya ng sabi ni G. Lope K. Santos, na ang kanyang mga kataga sa Florante ay isang ebanhelyo sa mga angkang Tagalog na naninirahan sa mga tagong nayon nitong Kapuluan. Ang Florante ay inawit, binasa, pinakinggan, at tinandaan, inulitulit na tandaan at awitin ng nangakaringig na di marunong bumasa, upang matandaan at tuwi na'y taluntunin at paganihan ang kanyang mayamang diwa ng ikapapanuto at ikapagiging mapalad ng madla.

Ani Mariano Ponce, si Balagtas ay ang Principe ng mga Makatang Tagalog, at ani Dr. Jose Rizal, nang tukuyin ang kanyang walang kamatayang awit: Ang Florante ay isang katha sa wikang Tagalog, nang kapanahunang ang wikang Tagalog ay lumulusog at dumidingal.

Nagaral si Balagtas gaya ng lahat ng mga tubo rito sa atin ng mga unang dako, sa Cartilla, Misterio, Trisagio at Doctrina Cristiana, mga aklat na ginagamit sa mga unang bugso ng pagaaral nang kanyang kapanahunan.

Anak dukha palibhasa at iniwi sa duyan ng karalitaan, ay di nagawang linangin nang gaya ng kanyang hilig ang sariling muni at napilitang ang lakas niya ay ilakong agad, at yamang walang ano mang katangiang gawain na mapagukulan sa pagngagdog buhay, ay minabuting masok na alila sa isang maganak sa Bayan ng Tundo, malapit lamang sa kamaynilaan (Atenas) na kung saan ninanasang tuklasin ang mga unang balita ng karunungan. Bukal palibhasa ang kabaitan at pagkamasunurin, biyaya na ikinapatangi tuwi na ng mga salat sa ginhawa, ay kinalugdan siya ng kanyang mga panginoon, at siya kinalingang tulad sa anak na tunay. Pinapangaral siya sa Paaralang San Jose, at doo'y kinapansinan siya ng isang sibol na katangian sa pagtula at isang di karaniwang talino na ikinamahal sa kanya ng mga Guro roon.

Niyaong 1835, ay nanahanan siya sa Pandakan, at binata siya palibhasa, ay linigalig ang kanyang puso ng himalang ganda ni M. A. R. (Maria Asuncion Rivera) isang magandang dalagang Tagalog na kinabalisahan ng tanang binatang kapanahon.

Dayo siya palibhasa sa bayang Pandakan, ay pinangimbuluhan siya ng mga binatang binihag din ng kagandahan ni Maria, at ang mga kabasangal (Adolfo sa kanyang awit) ay lumikha ng mga pakana na kanyang ikapapahamak hangang siya'y masadlak sa dilim ng isang kakilakilabot na bilanguan.

Sa palihang ito ng hirap, na kung saan linilikha ang mga dakilang kalolwa, ay dito binuo ang walang kamatayang Florante at Laura, tulad kay Victor Hugo ng Francia na sa kadiliman ng isang bilangguan sa Bruselas kinatha ang isa sa kanyang mga dakilang aklat na pinamatang Napoleon, el pequeño:

Nang tamuhin niya ang laya ay nanahanan siyang muli sa makasaysayang bayan ng Tundo, at dito ay nakilala niya ang isang babaing guro sa sining ng pagtula, si aling Manding (Agapita Bernardo Rivera) at ang balitan Husen Sisiw na lubos masasabing siya niyang unang pinagparangalanan ng kanyang kinathang awit bago limbagin.

Sa atas ng likas na pagnanasang tumuklas ng kaligayahan sa silong ng ibang langit ay tinawid niya ang luok ng Maynila at nanirahan siya sa Balanga at ipinasok na tagasulat sa Hukuman, at sa mga pista ng bayan sa mga napabantog siyang lubha sa kanyang mga maririkit na Moro-moro na siyang tanging libangan ng mga panahong yaon.

Niyaong 1842 ay lumipat siya sa bayan ng Udyong at dito tinamaan ng kanyang malas ang isang babaing pumukaw na muli ng kanyang puso si aling Juana Tiomngbeng, isang maharlikang babai na nabihag ng kanyang sinumpaan ng isang wagas, dalisay at di magmamaliw na pagibig.

Anang kanyang mga anak na nabubuhay pa hangga ngayon na dinalaw kong sadya upang makilala, ay naririnig, nila, umano, sa kanilang tatay kung naninibugho ang kanilang nanay, na ang M. A. R. sa Florante ay hindi Maria Asuncion Rivera, na lubhang pumupukaw ng kaligaligan ni aling Juana, kundi Maria Ana Ramos. Kung saan mapagkikitang ang Makata ni Laura ay natututo ring mamangka sa dalawang ilog.

Si Francisco Balagtas, ay naging maginoo sa bayan ng Udyong, at siya'y nagtaglay ng mga katungkulang Juez Mayor de Sementera at Teniente Mayor.

Sa isang kapusukan ng loob ay ginupitan niya ng buhok ang isa niyang alilang babai, na naging daan ng isang panibagong paguusig sa kanya at muling idinalaw sa mapanganglaw na silid ng bilangguan.

Ang ibon ay kahit piitin sa isang kulungang bakal ay di napipigilang umawit, at si Balagtas ay gayon, sa loob ng napipinid na bilangguan na pawang panglaw ang naghahari, pawang mukhang nanglilisik, pawang luha, at kadalamhatian sa pagkakawalay sa mga kapilas ng buhay, sa gitna ng buhay na yaon, ang kanyang panitik ay di nanglumo at ang kanyang La India Elegante y la Negrita amante, ang Orosman at Zafira at iba pang katha, ay binuo niya roon, at lumwal sa maliwanag at nagpayaman ng panitikang Tagalog.

Nang tamuhin niyang pamuli ang laya ay dinatnan niyang hughog na ang kanilang kabuhayan dahil sa malaking usaping hinarap ng kanyang asawa, at salamat sa kanyang mga katha at nabigyan niya ng maginhawang kabuhayan ang marami niyang anak na nangangailangan ng kanyang aruga.

Magsalita ng nanukol sa kabuhayan ng dakilang Hari ng Tulang Tagalog ay nangangahulungang gumawa ng sapagka't walang dakilang bunga ng lahat ng tanyag na panitik na hindi kumadlo sa mga dakila niyang simulain, walang kaliliklikang nayon na hindi umaawit ng kanyang Florante; walang sanggol na iniwi sa lilim ng langit ng Pilipinas na hindi ipinaghele ng kanyang mga magagandang tula; walang dakilang hatol na iginawad ang mga nuno sa kanilang mga apo na hindi sa simulain ni Balagtas hinugot; walang anomang paalaala ng kaibigan sa kaibigan na hindi nabanggit ang mga kataga ni Balagtas; ano pa't si Balagtas at ang mabuting gawi ay magkapatid na tunay. Kaaliwan ng nangalulunos, pambuhay sa nanglulupaypay na puso, panuto ng nagasa kamalian, at dakilang guro ng liping Tagalog.

Tinawag siya sa sinapupunan ni Bathala niyaong ika 20 ng Febrero ng taong 1862, nguni't ang luningning ng kanyang walang kahulilip na kaisipan ay tumatanglaw pa hangga ngayon sa ating panitikan at tatanglaw hanggang sa bukas ng ating lipi.

Sa Florante: "Ipinadala ako sa Atenas ..."

DAHONG LUGAS NG "FLORANTE"

Sa loob at labas ng bayan kong sawi kaliluhay siyang nangyayaring hari kagalinga't bait ay nalulugami ininis sa hukay ng dusa't pighati.

Ang magandang asal ay ipinupukol sa laot ng dagat ng kutia't lingatong balang magagaling ay ibinabaon at ilinilibing ng walang kabaong.

Nguni't ay! ang lilo't masamang loob sa trono ng puri ay ilinuluklok at sa balang sukab na may asal hayop mabangong incienso ang isinusuob.

Kaliluha't sama ang uloy nagtayo at ang kabaitay quimi't nakayuko santong katowiray lugami at hapo ang luha na lamang ang pinatutulo.

At ang balang bibig na binubukalan ng sabing magaling at katotohanan agad binibiak at sinisikangan ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

Oh! taksil na pita sa yama't mataas oh! hangad sa puring hanging lumilipas ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat niaring nasapit ko na kahabaghabag.

Ipinahahayag ng pananamit mo taga Albania ka at akoy Persiano ikao ay kaaway ng baya't sekta ko sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo.