Isang bantog na makamanggagawa at masigasig na mananagalog, si G. Felipe G. Calderon na sumilang sa maliwanag, sa bayan ng Sta. Cruz de Malabon, Kabite niyaong ika 4 ng Abril ng 1868. Siya ay anak ni G. Jose at ni Gng. Manuela Roca.
Nagsimula si G. Felipe G. Calderon ng pagaaral sa Ateneo de Manila hanggang magtamo ng katibayan Bachiller en Artes ay saka lumipat sa Paaralang madla ni Sto. Tomas upang magaral ng Derecho.
Gaya ng lahat ng masikap na magpakataas na magisa, ay kasabay ng pagaaral niyang ito ang paghahanap buhay, at siya'y sumulat sa mga Pahayagang La Opinion at El Resumen. Siya'y nakatapos ng boong ningning ng kanyang layon sa pagaaral niyaong 1894, at ang kanyang pagsasanay ay ginanap niya sa kagawaran ng naging bantog at pinagpitaganang Pangulo ng Kataastaasang Hukuman na si G. Cayetano Arellano.
Nagsigasig din siya ng pagaaral ng Ley Constitucional, Economia Politica, Historia, Filosofia y Letras at Ciencias Fisicas, tangi pa sa kanyang sadyang paglalakbay sa Hongkong, Singapur at India, na kung saan niya pinagaralan sa sariling lupa ang pamamahala ng mga Ingles sa kanyang mga sakop na bayan.
Ang mga karunungang ito na kanyang pinagpakatangian ay lubos niyang nagamit sa kapakinabangan ng ating Tinubuang Lupa, sapagka't niyaong 1898 ay siya'y nagbigay ng mungkahi kay G. Emilio Aguinaldo, na hingin nito kay Almirante Dewey, ang mga katibayang buhat sa Congreso ng EE. UU., upang makipagkayari sa isang Lupon ng mga pilipino tungkol sa hinaharap ng Pilipinas, at kung ang gayon ay hindi gawin ng Almirante, ang nangaghihimagsik na pilipino ay di dapat tumulong sa mga amerikano, sa kanyang digmaang laban sa EspaƱa.
Ang paningin ni G. Felipe G. Calderon ay nanguguna sa mga pangyayari, at para niyang nahuhulaang ang panahon ay sasapit na ang lahat ng pakikipagkasundo at nasa ni Dewey, ay hindi pahahalagahan ng Congreso sa Washington.
Ang kasaysayan ng Pilipinas ay siyang labis na makapaguulat kung ang mungkahing ito ni G. Felipe G. Calderon, na hindi tinanggap ni G. Emilio Aguinaldo, dahil sa malaking katiwala sa karangalan ng Almirante Dewey at ng Congreso ng EE. UU., ay may matuwid o wala. Ang mga pangyayari, ay hindi mababago at di matatalimwang ng sino man, sapagka't doo'y saksi ang sambayanang nagpakasakit magtigis ng dugo sa pagtatanggol ng kanyang katuwiran.
Naging Kinatawan sa Congreso sa Malolos, si G. Felipe G. Calderon, nang lalawikang Paragwa, at sa kanyang pagkakinatawang ito ay kanyang yinari at ihinarap sa Kapulungan ang kanyang pinaka dakilang gawa, na napabantog na Patakaran ng Republika Pilipina, at pinagtibay pagkatapos na mapagtalunan ng mga Kinatawan sa dambanang yaong ng mga Batas.
Nang maghari na ang kapayapaan ay ikinatiwala sa kanya ng Pamahalaang amerikano, ang Pagtatatag ng mga Pamahalaang Bayan at siya'y sumulat ng isang Palatuntunan ukol sa bagay na ito.
Itinatag din naman niya ang pinagpalang Proteccion de la Infancia ang Colegio de Abogados de Manila at Escuela de Derecho na kanyang pinagturuan at pinaghandaan ng mga bagong sibol na mga abogado na makapaglilingkod sa ating Tinubuang Lupa. Gaanong biyaya ang naihandog niya sa Pilipinas, sa mga natukoy na kapisanang kanyang likha!
Nagturo rin naman ng Matematicas at Historia Universal sa Paaralang Instituto de Mujeres ng mga taong 1902-1904, nang di tumangap ng ano mang kabayaran sa kanyang mga pagpapagal, sa paniwalang ang Paaralang ito ay gumaganap ng isang dakilang tungkuling maghanda ng mabubuti at may sapat na kayang mga mamamayan.
Sa kanyang mga sinulat na aklat na lubhang mapakinabang, ay matukoy ang A.B.C. ng mga mamamayang pilipino na siyang katututuhan ng mga karapatan ng mga mamamayan.
Kung ang kahoy ay nakikilala sa bunga, gaya ng kasabihan, si Ginoong Felipe G. Calderon ay makikilala sa kanyang mga ginawang pamana sa mga nahuhuli.
Siya'y namatay niyaong ika 6 ng Hunio ng 1908, nang hindi man natapos ang huli niyang ulat tungkol sa Enciclopedia Filipina.
Karapat dapat uliranin ang kanyang halimbawa.