First wise and most studious Filipino
Si Epifanio ay ipinanganak sa Malabon Rizal noong Abril 7, 1871. Nag-iisa siyang anak ng mayamang mag-asawang sina Escolastico de los Santos at Antonia Cristobal.
Kapwa nakatapos ng mataas na pinag-aralan ang kanyang mga magulang.
Una siyang nag-aral sa Ateneo de Manila at dito rin nagtapos ng Batsilyer en Artes nang may pinakamataas na karangalan.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Sto. Tomas kung saan siya nagtapos ng pagka-manananggol, at tulad ng una, siya naman ang nanguna. Sa buong panahon ng kanyang pag-aaral sa lahat halos ng asignatura siya ang nagkamit ng pinakamataas na grado.
Siya ang kauna-unahang Pilipinong sumali at naging miyembro ng Royal Academy sa Madrid. Hinangaan ang kanyang talino dito sa atin at maging sa ibang bansa. Kinilala siya bilang pinakapangunahing manunulat at mananalaysay, mamumunang pampanitikan at bihasang-bihasa siya sa ating kasaysayan. Hindi lang iyon ang kanyang katangian. Isa rin siya mahusay na piyanista at gitarista at isa ring pintor. Kung tutuusin karapat dapat na siyang tawaging paham sapagkat isa rin siyang manananggol, bibliograpiko, pilologo at pilosopo.
Taong 1896, panahon ng himagsikan ay naging miyembro siya ng Editoryal na pahayagang La Independencia na pag-aari ni Heneral Antonio Luna.
Naglingkod siya sa pamahalaang Amerikano bilang piskal sa Nueva Ecija at naging gobernador din siya doon. Nahirang din siyang hukom sa Unang Dulugan at pagkatapos ay naging direktor ng Philippine Library Museum ng Pilipinas.
Namatay si Epifanio De Los Santos noong Abril 28, 1928. Bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa para sa bayan ay ipinangalan sa kanya ang maraming lansangan at ilang paaralan.