Si Emilio Jacinto, ang kanang kamay ni Gat Bonifacio ay sumilang sa maliwanag, niyaong 1879, sa bayan ng Trozo, sakop ng Maynila; anak dukha at walang karangalan kundi ang likas na pagkatao, kaya't musmos pa'y nakita na sa kanyang paligid ang pagkakatuwas ng mga palad.
Nagaral na mag-isa sa pamamagitan ng mga magulang na nagturo sa kanyang kumilala ng mga titik at sa pamamagitan ng katipiran at pagsasakit ay napapag-aral din ang batang si Emilio Jacinto hanggang sa makasapit sa dambana ng karunungan sa Universidad de Sto. Tomas.
Gaanong pagsasakit ang ginawa ng kanyang mga magulang upang ang kanyang isip ay mamulat sa malawak na tahakin ng karunungan.
Sa Universidad ay naging kapanahon ni Emilio si G. Juan Sumulong, isa sa naging mataas na tao at dalubhasang nagtaglay ng lalong matataas na katungkulan sa Pamahalaan. Kapuwa sila palibhasa anak dukha, kaya't ang kanilang mga simulain ay nagkakatulad, at ang pagmamalas sa mga matataas na angkang kanilang nakasama sa pagaaral ay nakakiliti sa kanilang dalawa, kaya't pinasikap nilang sila'y mapalayo sa kalipunan ng mga yaon, na kanilang kinasusuklaman mandin.
Dahilan sa maagang hiyaw ng Himagsikan na kanyang inaniban pagdaka ay di nakatapos si Emilio Jacinto ng kanyang pangaaral, baga mang nagiwan siya ng isang mabuting talaan ng kanyang pag-aaral sa Universidad de Santo Tomas.
Lagi siyang matigas at di karakarakang nagbabago sa bisa ng mga tagubilin; tuwi na'y ipinagtanggol niya ng ubos kaya ang inaakala niyang katuwiran. Ganito ang kanyang pamamalakad sa sarili sa boong panahong siya'y nabuhay.
Niyaong taong 1896, si Emilio Jacinto at nanguna sa isang lupon na itinatag ni Gat Bonifacio upang makipagkita sa Kinalawan ng Bayang Hapon dito sa Pilipinas, upang pasapitin sa Emperador ng Hapon ang isang Pahayag. Isa sa mga bahagi ng Pahayag ay itong sumusunod:
Ang mga sinag ng liwanag na lumaganap sa Bansang Hapon ay nakarating din dito sa Pilipnas. Dapat kaming makinabang sa liwanag:
Nang taon ding yaon ay nagsuot insik siya upang makipagkita kay Dr. Rizal at yakagin itong makiisa sa kilusan sa paghihimagsik, nguni't sa pagkakakilala ni Doctor Rizal, na nang panahong yaon ay salat na salat tayo sa paghahanda at malayo sa pananagumpay ang himagsikan, ay tinugon siyang ang gayo'y hindi pa dapat. At nang simulan na ang pakikibaka buhat sa Balintawak, at ang kasarinlan ng Pilipinas ay ipinahayag na sa pamamagitan ng sandata, ay ginawang Heneral si Emilio Jacinto, at ang kanyang sakop ay ang ngayo'y lalawigan ng Rizal dating Morong, ang Laguna, Bulakan at Bagong Ecija.
Si Emilio Jacinto ay siyang unang kasangguni ni Bonifacio, hangga sa ito'y pinatay ng isang salanggapang niyaong 1897.
Sa isang tagpuan sa bayang Mahayhay, Laguna, sa isang malaking pulutong ng Hukbong kastila, si Emilio Jacinto ay nasugatan, at nabihag ng mga kaaway; nguni't hindi naglaon sa kamay ng mga kastila at niyaong Abril ng 1899 ay binawian ng buhay ang dakilang Heneral.
Ang kanyang sagisag na isinatuntunin ng katipunan ay itong mga sumusunod:
(Liwanag at Ningning; Kalayaan; Pagibig; Ang Pamahalaan at bayan; Maling Pagsampalataya; Paggawa;)
Liwanag at Ningning: Ang ningning ay nakasisira ng mata samantalang ang Liwanag ay tumatanglaw.
Kalayaan: Ang kalayaan ay ipinagkaloob sa lahat ng tao buhat sa pagkapanganak at siya'y dapat gamitin kailan man, hindi upang puminsala sa kahit sino. Ang kalayaan ay buhat sa langit at hindi kaloob ng ano mang kapangyarihan sa ibabaw ng lupa.
Pagibig: Sa mga karamdamang tinatanglay ng tao ay walang napakadakila gaya ng Pagibig. Kundi sa pagibig ang mga bayan ay napawi sa ibabaw ng lupa, ang mga kapisanan ng mga tao ay natulad disin sa lagas na dahon ng kahoy na ipinagliliparan ng isang buhawi, nguni't dahil sa pagibig ay malalaking bagay ang nayayari.
Ang Pamahalaan at Bayan: Ang pagkasulong ng mga Bayan ay nagbubuhat sa mga mamamayan at ito'y isang dakilang kapangyarihan.
Maling Pagsampalataya: Kung sino yaong nagsasabing anak ng Dios, ay dapat tumulad kay Kristo, maralita, mairugin at masintahin sa kawagasan.
Paggawa: Ang paggawa ay hindi Sumpa ng Dios na gaya ng paniwala ng ilan.
Sa mga banhay na ito ng mga kaisipan, ay makikilala si Emilio Jacinto na isang dakilang tao, may matataas na simulain sa buhay, may matayog na pananampalataya, may paniwalang hubog sa dakilang gawi at karapatdapat na pasimuno sa alin mang kilusan. Siya ay isang tunay na Bayani, tilansik ng diwa ng mga wagas na tao buhat sa Langit.