Kung sino yaong nagsasabing ang karunungan at kariwasaan ay kaaway ng mga dukha ay nabubulaanan sa halimbawang sa kanyang sariling kabuhayan ay ipinakita ng Mrgl. na G. Cayetano Arellano.
Buhat sa isang munting bayang nakilala sa tawag na Udyong, sakop ng lalawigang Bataan, at nakyat sa kataastaasang likmuan ng Pinakamataas na Hukuman dito sa Pilipinas. Nakyat na di sa tagubilin at pagkakalinga ng isang pagkating politiko gaya ng karaniwang mangyari sa mga tungkuling Pamahalaan, kundi sa sariling karapatan, kakayahan at karunungan, palibhasa'y isang dalubhasang karapatdapat sa alin mang lalong maselang na tungkulin.
Nagsisikip sa sangsinukob ang pagkilala sa kanyang maniningning na mga kurokuro sa kanyang mga hatol, maging sa pagsasarili niya sakaling ang pasya ng kanyang mga kasamahan ay di niya marapatin, maging sa kung siya'y makaayon na magbigay ng sariling ulat. Si Gat Cayetano Arellano ay isang taong may mabuting ugali, mabuting gawi at mabuting mga gawa na ipinamana sa kanyang mga kalahi sa haharaping panahon.
May mabuting ugali, sapagka't sa kanyang diwang nagsisikip sa karunungan ay may siwang ang mga suliranin ng liping tumatangis at tuwi na ay nakatagpo sa kanyang mga hatol ng isang kasiyahang loob, palibhasa ay nababatay tuwi na sa malinis na udyok ng budhi. Ang mga ulila ay nakatagpo sa kanyang maawaing puso ng isang tapat na tagapagkalinga at tagasaklolo; at walang sukat na paglilimos ang ginagampanan niya nang walang sino mang nakamalay, kahit na ng tunay na sinasaklolohan.
May mabuting gawi sapagka't sa habang panahon ng kanyang ikinabuhay ay walang unang naging himaling kundi ang tahas na paguubos kaya upang mapagaralan ang mga suliraning sanhi ng mga paghihirap ng sangkatauhan, at magawaran ng tumpak na lunas; pagaaral na walang maliw hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. At hindi sukat ang pagsisikap sa sarili ang kanyang hinarap, di mabilang na mga dukha, na walang kayang ipagpaaral sa kanilang mga anak, ang nakatagpo kay Gat Arellano, ng isang ganap na biyaya. Pinaggugulan niya sa pagaaral ang lubhang maraming maasahan sa haharapin, sapagka't sa ganitong paraan niya inaakalang makapaglingkod ng tahasan sa minamahal niyang Tinubuang Lupa.
Ang lahat ng kanyang inisip sa paghahandog ng ginhawa sa nangahihirapan ay kanyang isinangawang pawa, at kaypala'y di iilan sa ngayon ang tumatamasa ng ginhawa at nagpapasasa sa mga kaaliwang dulot ng karunungan, na pawang utang sa pagkakawang-gawa ng Mrngl. na G. Cayetano Arellano.
Isang masayang araw ng Marso, ikalawa sa buwan ng taong 1847, ang Pilipinas ay nagkapalad magkaroon ng isang anak na kagiliwgiliw, isang anak na nagtampok sa kanya sa isang kalagayang karapatdapat, at ito ay ang ating pinaguukulan nitong mga katagang ulat.
Ang mga pangunahing pagaaral ay idinaos sa sariling tahanan at nagpatuloy sa Paaralang San Juan de Letran at sa Universidad de Sto. Tomas na tinanggapan nang mga katibayang sumusunod: Bachiller en Filosofia (1862) Bachiller en Teologia (1867) Bachiller en Derecho Canonico at Bachiller en Derecho Civil (1871), Licenciado en Jurisprudencia (1876).
Naghawak ng tungkuling abogado ng Audiencia Territorial de Manila at niyaong 1879, sa mungkahi ng Pangulo ng Audiencia ay nahirang na Hukom na may pananahanan sa Gobierno Politico Militar de Tarlac, at nang makalipas ang tatlong taon, niyaong 1872, ay nahirang na Catedratico sa Sto. Tomas sa Karunungang Derecho Civil at niyaong 1886 ay ginawaran ng kapangyarihang maging Mangistrado suplente ng Audencia dito sa Maynila.
Nanungkulan ng pagkakasangguni ng Ayuntamiento niyaong 1887; at niyaong taong 1898 ay ihinalal na Kalihim panglabas ng ating Pamahalaang sarili sa Malolos.
Pagkatapos maging Presidente ng Servicio Civil ay ihinalal na Pangulong samantala ng Mataas na Hukuman sa lilim ng Pamahalaang Hukbo dito sa Pilipinas, at niyaong Hunyo ng taong 1901, ay nahalal na Pangulong Palagian ng nasabing Mataas na Hukuman.
Niyaong siya ay maglakbay sa Amerika niyaong 1904, ay pinagkalooban ng di karaniwang karangalang Doctor en Derecho ng Yale University, karangalang sa bihirang tao lamang ipinagkakaloob.
Nariyan ang kabuhayan ng isang maningning na Tala, ba ang liwanag ay di magkasiya sa ating lupain, hinangaan ng mga banyaga at kinilalang isang pantas na katangitangi.
Ang maliliit na bayan, magmula pa ng mula at mula, ay nangapabantog di sa kayamanan ng kanyang mga patanim, di sa kasaganaan at kasipagan ng kanyang mga magsasaka, di sa kabantugan ng kanyang tikma, di sa mga naglalakihang mga gamlayan, pagkapalibhasa ay di ito ang nangingibabaw at ikinatatangi sa iba, kundi ang pagkakaroon ng mga anak na di karaniwan, niyang mga tao nilang sa maliliit na bayan sumisibol upang ang mga bayang nasabi ay mapabantog at hangaan ng mga bayang lalong malalaki at maginhawa.
Si Gat Cayetano Arellano ay isang tapat na anak ng Pilipinas, at maituturing na isang karapat dapat na kawal ng sandaigdian na kanyang pinaglingkuran ng malaganap na kislap ng kanyang diwa.
Pagpalain nawa ni Bathala ang kanyang mabuting alaala at ang kanyang mga katangian ay ipagpatuloy ng di mabilang niyang kinandili.