Talagang kinusa naming hiyasan ang Sa Langit ng Bayang Pilipinas ng mga taong walang gasinong talino gaya ni Tandang Sora at ni Tininteng Polonio, na baga mang puklin ng sandakot na a ay di nila makikilala, gayon ma'y makapagmamalaki ng gayon na lamang at makapagsasabing nakapaglingkod sa Tinubuang Lupa.
Si Tininteng Polonio ay sumilang sa isang tagong Nayon na nakikilala sa tawag na Kangkong, sakop ng Balintawak, Kalookan, niyaong 1851 at isa sa mga unang katipunan na sa tawag ni Andres Bonifacio ay tumugong agad ng walang ano mang pasubali.
May kaunti ring kaya na nailiblib sa mahirap na pakikipamayani sa buhay, palibhasa ay tahas na mapagimpok, at ang kanyang lahat nang natitipon, bago pa si tandang Sora, ay kanyang ginugol ng walang patumangga sa mga kailanganin ng mga Katipunan. Dahilan ito na ikinamahal sa kanya ng gayon na lamang ng Supremo, na sa pagkilala sa kanyang maningning na paglilingkod ay inatasan siya ng tungkuling Kapitan ng mga sandatahan.
Si Tininteng Polonio ay isang bayaning sa tapang ay walang ipangigimbulo sa iba at ang gayon ay sinikap niyang mamalagi at sanhi ng ipinagmahal sa kanya ng kanyang mga nakasama.
Isang pabulaang walang kabalibali na ang tunay na pagibig sa Tinubuang Lupa ay di sa mga linang na tao lamang namamahay, may mga likas na kabaitang talagang dinaramdam ng tao, nang di sa tulong lamang ng dunong at ito'y ang likas na pagibig sa sarili at sa mga kapatid sa Inang Bayan.
Ang tawag na kapatid kung sa mga labi ni Tininteng Polonio pumupulas ay kababakasan ng tunay na kahulugan noon, at ang kanyang mga tao na di rin kakaunti ay pawang naging tapat sa kanya.
Nang magkalupitlupit sa dakong wakas, na ang ating mga marurunong ay madala na sa kilusang yaon na kinatakutan ng marami at pinawalang saysay sa mga pahayag sa nagsisiakit, ay itiniwalang na lahat ang mga hangal sa pamiminuno at ang gayo'y pinagbuhatan ng mahalagang salita ni Tininteng Polonio na gayari: Patakbuhin ninyo ang mga kastila sa pamamagitan ng tintero at pluma.
Si Tininteng Polonio, gaya ng mga limot na Bayani ay linapastangan ng isang kamay na pangahas niyaong 1902 at ang kanyang kamatayan ay kahanay ng pagkawakawak nina Rosendo Simon, Procopio at Ciriaco Bonifacio, Venancio Guevara at iba pa na pawang sa dilim ng gabi nangaiwan.
Maging pambawi ang mga talatang ito sa kanilang mga buhay na nawakawak, at hari nangang pagbuo ng ating kasaysayan ay pagukulan sila ng mga dahong karapatdapat sa kanilang walang kahulilip na pagibig sa ating Inang Pilipinas.