Nakikita mo ba giliw na bumabasa sa mga salaping papel na pipisuhin, ang larawan ng isang kababayan natin na sa kanyang kagitingan ay minapat ng Pamahalaan na siya, ay makilala ng tanan sa paraang yaon?
Ang larawang yaon ay dili iba't ang kay Apolinario Mabini, ang Kahangahangang Lumpo na siyang utak ng Himagsikan. Ano man ang ibinunga ng himagsikang nagguho ng kapangyarihan ng mga Hari dito sa ating lupain ay may kinalaman doon ang ating kababayang pinaguukulan ngayon nitong maigsing ulat ng kanyang buhay.
Kung palarin ka pang makatagpo niyaong napabantog na Patakaran ng Himagsikan na niyaong ika walo ng Hulio ng taong 1898, ay ipinasiya ni Gen. Emilio Aguinaldo, na limbagin at ipagbili ng mamiseta, upang sumakaalaman ng lahat ng mamamayan. Ang mahalagang kathang yaon, giliw na bumabasa, ay katas ng mayamang utak ng ating Mabini. Basahin mo ng boong kataimtiman sa puso at doo'y mababakas mo ang kabanalan ng ating Himagsikan, niyaong pinagpalang pakikipamiyapis ng iyong mga kalahi upang ihanda sa iyong pagdating ang isang bayang karapatdapat sa iyong lipi, bayang malaya, nagsasarili at puspos ng karangalan.
Si Apolinario Mabini, ay isang anak na maipagmamalaki ng kanyang lalawigan, maipagmamalaki ng kanyang lipi, at matatawag na isang Bayani ng bayang Pilipinas, baga mang ang kinamulatan niyang bayan ay isang maliit na bahagi lamang ng makasaysayang lalawigang Batangan.
Tanawan! pinagpalang bayang nakapaghandog sa Inang Pilipinas ng isang dakilang anak, binabati kita pinagpala ka ng mabuting Tala, sapagka't sa silong ng iyong Langit nakakita ng unang liwanag ang isang kawal ng sagkatauhan, si Apolinario Mabini.
Si Mabini ay anak nina G. Inocencio at Dionicia Maranan at sumilang niyaong 1864. Mga taong dukha at walang karangalang maipagmamalaki kundi ang karangalang mabuhay sa tulo ng pawis.
Salat palibhasa sa mga kailangan sa buhay, ay hindi nagawang itagubilin sa alin mang bantog na guro ang mga unang pagaaral ni Apolinario, at salamat sa tulong ng isang amain, si G. Juan Maranan, ang kanyang muni ay namulat, at pagkatapos ng mga pangunahing mga pagaaral ay lumipat siyang handa sa lahat ng hirap, sa pagkakalinga ng isang banal na Pare, si G. Valerio Malabanan, na siyang humawan sa kanyang diwa ng mga tabing ng kadiliman. Napamahal na lubha si Mabini sa kanyang bagong Guro, palibhasa ay may isang katalinuhang hindi karaniwan at kabaitang kahangahanga.
Natapos niya ang pangalawang bugso ng pagaaral sa kalinga ng Paring natukoy na; nguni't uhaw palibhasa sa mga iba't ibang lawak ng karunungan, kaya't niyaong 1881, ay lumwas sa Maynila at humandog na magturo sa Paaralan ni Ginoong Melchor Very, at samantala ay nagaral naman sa San Juan de Letran. Isang pagsusumakit na di karaniwan ang kanyang ipinamalas at ang katibayan ng pagka Bachiller en Artes ay tinamo niya na kasaliw ng pagtuklas ng pangagdong buhay.
Ninasa niyang lumipat sa Universidad de Sto. Tomas, nguni't ang kanyang kinikita sa Paaralan ni G. Melchor Very, ay hindi makasasapat sa kanyang mga kinakailangan sa gayong pagpapatuloy, kaya't sinikap niyang maglingkod sa Pamahalaan at natanggap siyang tagasulat hanggang sa siya'y naging masugid na kasamahan ng abogadong si G. Numeriano Adriano, bilang kawani roon na nagsasanay.
Ang piping kilusan ng mga api, ay lumaganap ng gayon na lamang sa walong lalawigang Tagalog, ang lihim ay hindi na maingatan at unti unting nahahayag sa mga taga Pamahalaan ang himagsikan ng Mga Anak ng Bayan. Sa Balintawak ay napilitang ihiyaw nang wala sa panahon ng Bayaning Bonifacio ang mga kahilingan ng api, nguni't hiyaw na kasaliw na ng talibong at pakikipamiyapis; ang banal na kilusan ay nagpaningas na lubha ng puso ni Mabini, upang agarang tumugon sa tawag na bayang humihingi ng tulong sa kanyang mga anak, upang makakalag sa gapos na kaalipinan. Dahil doon ay dinakip si Mabini at ipinapiit hanggang Hunyo ng taong 1897, salamat sa kanyang pagkalumpo ay pinalaya siya sa paniniwalang hindi na siya makapagtataguyod at di mapakikisapi sa Himagsikan.
Natapos ang unang bugso ng Himagsikan sa Kasunduang linagdaan sa Biyak na Bato. Si Mabini ay nagpagaling ng kanyang karamdaman sa Los BaƱos, nguni't nang ang Pamahalaan ng Kastila at ang sa Estados Unidos ay nagkakatitigan, at di nalaunan ay naging dulaan ng digmaan ng dalawang bansa itong Kapuluang Pilipinas, siya'y sumulat ng mga mahahalagang tudling ukol sa mga mabubuting balak ng pakikisangkot ng mga Tagalog sa dalawang nagdidigma, at ang gayong kasulatan ay sumapit sa kamay ni Aguinaldo, na isang mabuting Kasangguni. Inanyayahan ni Aguinaldo na pasa Kawit si Mabini, at sa pagtanggap sa anyaya ay nagsabi ng gayari: Hindi ako matiwasay, sapagka't ang mga kababayan ko'y walang katiwasayan. Ang kanilang mga kahilingan sa pagbabago ng pamamalakad ay hindi diningig.
Naging unang kasangguni ni Aguinaldo si Mabini at ang unang ginawa ay ang pagpapalit sa Gobierno Dictatorial ng Pamahalaan ng Himagsikan.
Itinatag ni Mabini ang mga Pamahalaang Bayan, Lalawigan, Hukuman at Kawal; at kanyang ilinathala ang saligan ng Pamahalaan ng Himagsikan na ikinabantog niya ng gayon na lamang.
Nang itatag sa Barasoain, ang kaunaunahang Kapulungan Himagsikan, si Mabini ay siyang Premier ni Aguinaldo, at ang saligan ng Pamahalaan, ay hindi nailagda, samantalang hindi niya nasusuri, at ito'y sumapit hanggang ika 21 ng Enero ng 1898, upang ang kapangyarihan ng Pangulo ay huwag mabawasan at siya niyang papangibabawin gaya ng tahas niyang paniwala na yaon ay kinailangan ng kapanahunan.
Sa isang di pagkakaunawaan niya at ni Aguinaldo sa mga panukalang dapat na isagawa ay tumiwalang siya sa Pamahalaan, at ang kanyang nakahalili, ay si Pedro Paterno; niyao'y Agosto ika 23 ng taong 1898.
Baga man siya'y tumiwalag kay Aguinaldo, sa kanyang pagka Unang Kasangguni, ay di rin siya naglikat ng pagsisigasig sa ikapangtatagumpay ng mga mithiin ng bayang Pilipinas. Mga tudling na pambuhay ng loob ang kanyang ilinathala sa La Independencia.
Nabihag si Mabini ng mga kawal na amerikano sa Kuyapo, Bagong Esija, niyaong Disyembre, ng taong 1899, at dinala siya sa Maynila at ibinilanggo hanggang Setyembre ng 1900.
Niyaong 1901, ay naglathala siya ng isang pagtuligsa sa Pamahalaan ng Estados Unidos dito sa Pilipinas, tuligsa na kanyang ihinayag sa El Liberal at naging sanhi ng muling pagpapadakip sa kanya at pagpapatapon sa Guam, kasama ng makabayang si G. Pablo Ocampo.
Ang kapayapaan ay naghari bilang hanggahan niyaong kakilakilabot na digmaan, at ang lahat ng tapon ay pinahintulutang makabalik sa sarili, sa pamamagitan ng pagsumpa ng pagtatapat sa Pamahalaan ng Estados Unidos sa Pilipinas, nguni't si Mabini ay di sumumpa, kaya't siya'y naiwan sa Guam na may mga anim na buwan, bago siya pinapanaw at makapaglibot, nguni't di makatatahan sa Pilipinas samantalang di siya sumusumpa ng pagtatapat sa Estados Unidos.
Pagkaraan ng ilang panahon nang pagmumunimuni, ay nakilala niyang lalong malaki ng kanyang maitutulong sa kanyang bayan kung siya ay bumalik, kay sa magpalaboylaboy, at niyaong Pebrero ng 1903 ay linagdaan niya ang pagtatapat sa EE. UU. Hinandugan siya ng lalong matataas na katungkulan, nguni't di niya tinanggap at ang sabi: Ang aking karamdaman ay nakapipigil sa aking makagawa pa ng mga dapat kong gawin, at ako'y inaanyayahan at mapipilitang mamuhay ng tahimik, upang doon ingatan ang kahihiyan, hindi kahihiyan dahil sa ako'y nakagawa ng isang bagay na kahiyahiya, kundi dahilan sa di ko nagampanan ng boong katumpakan ang mga kautangan ko sa aking mga kababayan at sa aking Tinubuang Lupa.
Ang kamatayan ay sumapit at binigyang hangga ang kanyang mahalagang buhay, niyaong ika 13 ng Mayo ng taong 1903. Namatay ang isang tapat na anak ng Pilipinas, at gaya ng mga dakilang tao ay nagiwan ng mga dakilang bakas na ikapagaaral sa kanyang kalakhan.
Sa karangalan ng kababayang ito ay ipinasyang ikintal sa mga pipisuhing papel ang kanyang larawan, at sa lalawigang Batangas ay ibinangon ang isang Bantayog sa kanyang di malilimot at walang kamatayang mga paglilingkod sa Tinubuang Lupa.
Hahanggahan namin ang munting kasaysayang ito ng isang anak-pawis, iniwi sa karukhaan at namatay na dukha rin, hindi dahil sa hindi nakatuklas ng mabuting panahon at paraan sa ikayayaman, hindi nga: kundi dahilan sa ang lahat niyang sikap, dunong at buhay ay kanyang inialay nang walang pangalawang hangad sa dambana ng Inang Bayan.
Ang Decalogo ni Mabini ay itong sumusunod:
Ibigin mo si Bathala at ang iyong kapurihan nang higit sa lahat ng bagay.
Sambahin mo si Bathala, nang ukol sa lalong minamatuwid at minamarangal ng iyong budhi.
Palusugin mo ang mga piling kayamanan na ipinagkaloob sa iyo ni Bathala.
Ibigin mo ang iyong bayan ng sunod kay Bathala, sa iyong kapurihan, at higit sa iyong sarili.
Pagpumilitan mo ang ikagiginhawa ng iyong bayan bago ang kaginhawahan mong sarili.
Pagpilitan mo ang pagsasarili ng iyong bayan.
Huwag mong kilalanin sa iyong bayan ang kapangyarihan nino mang tao na di mo pili at ng iyong mga kababayan.
Pagpilitan mo na ang iyong bayan ay maging isang Republica at huwag mong tulutan kailan mang maging Monarquia.
Ibigin mo ang kapwa nang gaya ng pagibig mo sa sarili.
Laging titignan mo ang kababayan ng higit ng kaunti sa iyong kapuwa.
Niyaong 1921, na pasyahang ang kanyang alabok na nasa sa libingan ng mga intsik ay ilipat sa isang libingang karapatdapat sa mga Bayani, ang bangkay ni G. Apolinario Mabini ay nahukay na buo. Iginalang at di tinunaw ng lupa ang banal niyang katawan; at pagtapos ng mga parangal na iginawad sa kanya ng Pamahalaan at bayan na lubhang humahanga, ay ilinipat ang kanyang labi sa Libingan ng mga Bayaning pilipino, na kilala sa tawag na: Panteon de los Veteranos de la Revolucion.
Kung isang araw ay makarating ka giliw na bumabasa sa Libingan sa Hilaga, ang Panteon de los Veteranos de la Revolucion ay maghahandog sa iyo ng mga pangalang, pawang pinagkakautangan mo nang mga kabaguhan sa Pamahalaan na tunay na pala ng kanilang mithi. Sa gitna noon ay matatagpuan mo ang kinalalagakan ng labi ng Dakilang Lumpo na sanhi nitong maigsing ulat.
Idalangin mo kay Bathala na ang pinamuhunanan nila ng buhay na ganap na kalayaan mo at ng ating bayan ay maging isang ganap na pangyayari.
Nawa'y masaksihan din natin na tayo'y laya na.
Ang walong sinag ng araw ng ating watawat.
Republica ay Pamahalaan ng bayan at ang naghahari ay mga pili ng bayan. Monarquia ay Pamahalaan na ang namamahala ay iisang tao.