Dito sa makasaysayang bayan ng Maynila ay sumilang niyaong taong 1843 ang isang dakilang pilipino: si G. Antonio Ma. Regidor.
Ang kanyang mga unang pagaaral ay ginawa sa Colegio ng San Juan de Letran hanggang sa tinamo ang katibayang Bachiller en Artes. Lumipat sa Paaralang madla ni Sto. Tomas upang doon tapusin ang kanyang layunin sa pagaaral at doon siya nagtamo ng katibayang sa pagka Doctor en Derecho Civil.
Naglayag siya at sa silong ng ibang langit ninasang lalong sumaklaw ng mga ibang matututuhan at mapagaaralan, at sa España, sa dati nating pangulong bansa, ay tinamo niya ang karangalan at katibayang nauukol sa Derecho Canonico sa Universidad Central, sa Madrid.
Sa kanyang panahon ng ipinagaral ay lagi siyang napatangi sa kanyang mga kapanahan at tuwi na ay nagtamo ng lalong matataas na kabukuran at minahal siyang lagi ng kanyang mga Guro.
Ang kanyang mga karunungang na tuklas ay pawang naging hiyas ng kanyang Tinubuang Lupa, at nang siya'y manumbalik dito sa minamahal na Pilipinas ay nanungkulan siyang Kalihim ng Audiencia na katumbas ng ngayo'y ating Mataas na Hukuman.
Sa sangunian ng Ayuntamiento ay ginanap niya ang mga tungkulang Tagausig ng Kagawaran ng mga Paaralan ng Artilleria at Inginieria, at naging Kalihim ng tanging Lupon ng Palatuntunan ng Pagtuturo sa mga tagarito sa ating lupain. Ang kakayahan ng Tagalog ay ilinagay niya sa mataas na kalagayan.
Naging Tagasiyasat at Pangulo ng Kagawaran ng mga Paaralan, at sa panunupad niya ng maselang na tungkuling ito ay nagawa niyang buhat sa España ay matamo ang isang pasya na magkahaluhalo ang mga nagaaral na mga anak ng mahirap at mayaman na dati ay nagkakabukod at nagpapanaghilian: Isang tagumpay ng demokracia sa loob ng isang Pamahalaang makahari.
Nang panahong Gobernador Heneral dito sa Pilipinas si G. Carlos Ma. La Torre, na pinausig dahil sa kanyang malayang pangangasiwa, dito sa Kapuluan, na nasa salungat sa dating palakad na makahari, si G. Antonio Ma. Regidor ang nagsanggalang at ang kanyang pagkamabuting anak ng Pilipinas at pagka dalubhasang Abogado ay pinatunayan niya sa harap ng madla.
Siya ay isang tanyag na manunulat sa wikang Kastila at Ingles noon pa mang panahong ang wikang Ingles dito sa ating tinubuang bayan ay isang wikang palamuti lamang at di pa panlahat.
Ang mga kahirapan sa pagkabilanggo ay dinanas din naman niya, sapagka't siya at sina G. Joaquin Pardo de tavera, Jose Ma. Basa at ibp., ay pinagdadakip at ibinilanggo niyaong Himagsikan sa Kabite niyaong taong 1872. Pagkaraan ng ilang araw na kanilang pagkabilanggo, sila'y ipinatapon sa Pulo ng Marianas. Nanahanan siya sa Guam na may ilan ding buwan na kayakap ang kahirapan ng isang tapon at tiwalang sa mga kapilas ng buhay. Buhat sa Guam ay nakasapit siya sa Pulo ng Yap sa pamamagitan ng isang sasakyang amerikano, at buhat dito, sa tulong ng isang sasakyang ingles ay nakasapit siya sa Pulo ng Solomon haggang sa Palaos.
Buhat sa Pulo ng Palaos, sa pamamagitan ng lahat ng paraan ng magagawa ng isang salat sa laya ay sumapit siya sa Pulo ng Malakan, buhat dito ay nagtanan siya hanggang sa karatig nating sakop ng Ingles na Lunsod ng Hongkong, at pagkalipas ng isang bugso ng panahon ay lumayag siya na patungo sa Pransia, doon sa bayan ng laya, at Ina ng bagong kabihasnan.
Niyaong 1876 ay nagharap siya ng isang kahilingan sa Konsul ng Kastila sa Paris upang gawaran siya ng indulto at ang gayo'y kanyang tinamo sa mabuting palad.
Lumipat sa Londres, sa makasaysayang bayan ng mga dakilang Politiko at mga Haring demokrata, nang siya'y makalagan na niyaong kasigalutan ng isang pinaguusig; ng masamang Tala, at sa bayang ito ay nakipagisang puso siya sa isang anak ng matimtimang Irlanda.
Niyaong 1896, nang ang punyaging magsarili ng boong bayanang Pilipinas ay nagsisikip na sa ating Kapuluan, ay tumanggap siya ng anyaya nina G. Felipe Agoncillo at Sixto Lopez, upang lumipat siya sa Washington, upang buhat doon ay sikapin ang pagtatamo ng mga kagalingang pambansa sa Pilipinas; nguni't isang pagkakalayo o di pagkakaunawaan ng mga kaparaanan ni G. Agoncillo, ang nakapagudyok sa kanyang muling bumalik sa Londres at doon ay sinikap niyang makatulong sa mga nagsisilakad sa pakikipagkayari sa Pransiya ng kapakanan ng palad ng ating mutyang Pilipinas.
Nang ang ating dakilang Bayani, si Gat Rizal ay lulan ng isang sasakyang dagat sa Hongkong upang iuwi dito sa Pilipinas, ay sinikap ni G. Antonio Ma. Regidor na si Gat Rizal ay magtamo ng laya sa pamamagitan ng Habeas Corpus, nguni't pinawalang bisa ng mga Hukom doon ang ganito niyang punyagi.
Nariyan ang maigsing banhay ng isang labi ng mga pininsala ng aklasang kawal niyaong 1872. Naging tagapagtanggol tuwina ng Pilipinas, ng mga mairugin sa Pilipinas, at ng mga pilipino.
Ang kanyang palad ay naging kayakap ng mga pangarapin ng tatlong unang pininsala ng kabangisan: ng tatlong Pareng Tagalog, na binitay dahil sa kilusang yaon.
Sa kanyang kabantugan ay nahandugan niya ng pala ang ating Inang Pilipinas at dahil dito ay dapat tumanggap ng turing ng lahat ng kalahing sumisibol.
Maging saksi ang maigsing ulat na ito ng paghanga ng aking mga kapanahon sa magandang halimbawa na ilinagak sa atin ng kanyang buhay.
Namatay si G. Antonio Ma. Regidor na nagiwan ng isang mabuting bakas bilang pamana sa kanyang Tinubuang Lupa.