Isang dakilang Heneral na pilipino gaya ng naging gawing pamagat sa kanya ng mga nakakilala sa kanyang di matatawarang katapangan. Anak ng bayang Maynila at niyaong ika 29 ng Oktubre ipinanganak ng taong 1868.
Ang kanyang ama ay si G. Joaquin Luna at ang kanyang ina ay si Gng. Laureana Novicio, magasawang nagbigay sa ating bayan ng mga anak na lubhang ikinararangal: Sina Juan Luna, ang diwang lumikha ng Spollarium; Joaquin Luna, naging Gobernador sa La Union, Jose Luna, bantog na manggagamot, na pawang mga kapatid ng aming pinaguukulan nitong maigsing ulat.
Sa Ateneo de Manila siya sibol, at gaya ng lahat halos na aral sa mga Hesuita ay lumabas siyang isang mabuting bata. Tinanggap niya ang katibayan ng pagka Bachiller en Artes ng taong 1883 at lumipat siya sa Santo Tomas, upang magaral ng Farmacia, pagaaral na kanyang ipinagpatuloy sa Barcelona, Espanya, at doon niya tinamo ang katibayan ng pagka Licenciado. Nagtuloy pa rin ng pagaaral sa Universidad Central de Madrid at doon naman niya tinanggap ang katibayang pagka Doctor sa nasabing karunungan.
Si Antonio Luna ay mahilig ding umawit at ang kanyang kudyapi ay napabantog din at isa sa rito ang kanyang ihinandog sa mga nagaaral sa Concordia, Paaralan ng mga babai, na kanyang pinamagatang Mga Bituin ng Aking Lahi.
Sa kanyang pagkakamanunulat ay nagpakatangi rin siyang lubos gaya ng hangga ngayon ay masusuysoy sa La Solidaridad sa Espanya nina Marcelo H. del Pilar, sa lilim ng pamagat na Taga-Ilog. Naglathala siya ng isang aklat na kinalalarawanan ng pagka tiwali ng pamamalakad ng mga kastila rito sa ating lupain.
Nagaral din naman si Antonio Luna ng Ingenieria Quimica sa Belgika at pagkatapos ay lumipat siya sa Paris upang magsanay sa laboratorio ng magiting na si Dr. Latteux.
Ang kanyang Las Impresiones ay kinamuhian ng gayon na lamang ng mga kaaway ng ating pagsasarili, sanhing ipinaghinala sa kanya na isa sa mga tagapagtaguyod ng Himagsikan at niyaong buwan ng Pebrero ng 1897 ay ipinadakip siya at ipinatapon sa Espanya at sa Carcel Modelo roon ay ipinalasap sa kanya ang lalong masasaklap na araw ng isang taong malayo sa tinubuang lupa at tumatangis sa madilim na bilangguan, tulad sa isang salarin.
Nang siya'y palayain ay lumipat siya kapagkaraka sa Alemanya at nagpasimula na sa kanyang puso ang tahasang pakikialit sa mga Panginoon ng ating bayan at kanyang pinagsanayang basahin ang mga katangian sa pagkamandidigma ni Napoleon, at sinikap niyang matuto ng mga mabubuting paraan sa digma.
Nanumbalik siyang agad sa Pilipinas nang ito'y maghimagsik na nga at samantalang ang kanyang katalinuhan sa pagkamabuting mandidigma ay hindi pa niya naihahandog sa kanyang bayan ay itinatag muna ang Pahayagang La Independencia at ang kanyang panitik ay kinakitaan ng mga tudling ng pambuhay na loob sa karangalan ng kilusang yaong tungo sa ganap na ikalalaya ng ating bayan.
Nang ang dating magkaibigang amerikano at pilipino, na magkatulong na nagpasuko sa mga kawal ng kastila, na dito, nang mga panahong yaon ay panginoon at hari; nang ang dalawang watawat ng laya na magkasamang nanagumpay sa mga kahangahangang pagbabaka ay nagkakatitigan at mandi'y di na magkawatasan; nang ang mga bayaning yaon ng kilusan nang isang bagong anyo ng kasaysayan ng ating kalahian ay pinaghaharian ng pangigimbulo at nagkakabawasan na ng pagtitiwala ang isa't at isa, ang kababayan nating si Antonio Luna ay napa sa Kabite agad at pinaghanap ang Pangulong Aguinaldo upang doo'y ihandog ang kanyang karunungan sa digma, at si Antonio Luna ay ihinalal pagdakang Heneral ng mga kawal sa katihan, at pagkatapos ay inatasan siyang maging Tagapatnugot ng hukbong pilipino, katangiang kanyang pinaunlakan ng kagilagilalas na pakikibaka na lubhang nagpahirap sa hukbong amerikano, magbuhat sa pamimiyapis na simula sa Tulyahan na kinalibingan halos ng pinakamalaking bahagi ng ating mga kawal ng Batalyong Maynila, at hanggang sa ilog ng Kalumpit na ipinagtanggol ng ating hukbo ng isang pagtatanggol na gumuhit sa ating kasaysayan ng mga tudling na ginto sa kabayanihan at katapangan.
Niyaong taong 1899, nang kasalukuyan siyang tumatahak ng lupang Kapampangan sa di mapigilpigilang paglusob ng mga kaaway, nakikinita marahil ang kanyang mga huling sandali kaya't kagyat sumulat ng kanyang Huling Pati, na anya:
Ipinagkaloob kong lahat ang aking mga ariarian sa aking pinakaiirog na ina.
Sakaling ako ay mapatay sa labanang ito, ay ninanasa kong ang aking bangkay ay balutin ng isang watawat ng Pilipinas at ako'y ilibing sa lupa ng aking sariling lupa na sanhi ng aking pagkakasakit.
Siya kong laging mithi ang ako'y mamatay ng boong kasiyahan ng aking bayan, sa pagtatanggol ng kanyang lubusang kasarinlan.
Kagilagilalas na lubha kung pagtutularin ang dalawang hukbong naglalamas noon sa kanikaniyang kakayahan, sandata at katalinuhan sa digma, sa kabayanihan ng pagsasalasaan na animo'y mga hukbong magkasukat ng lakas baga mang sa katutohanan ay hindi pa anino ng hukbong amerikano ang ating mga baguhang kawal; gayon man, sa katalinuhan ng pamamatnugot ng bayaning si Heneral Luna ay nagpapanatili sa ating mga kawal ng katapangan, at ubos kayang panunupad sa mga kautusang kawal na kanyang pinaiiral sa ibabaw ng mga sundalo nating pawang panandaliang tatag at di man nangakakakilala ng mga kautangan ng mga tunay na kawal ng isang tunay na hukbo.
Sa kabangisan ng kanyang pagpapairal ng mga kautusang digma at sa nasang ang baguhan nating mga pinuno ay mapantay sa isang kalagayang hindi mananaghili sa mga kawal na sanay sa digmaan, ay nakatagpo siya ng maraming naghinanakit sa kanyang kagahasan, at isang araw na ninasa niyang makipagkita at makipanayam sa Pangulong Aguinaldo, na noo'y na sa Kabanatuan, upang magmungkahi marahil ng isang bagong paraang inaakala niyang isagawa, ay hinadlangan ng isang punlo ng sarili ring Hukbo na niyaong ika 5 ng Hunyo ng taong 1899, at walang pangiming tumudla sa kanya at ang kanyang buhay ay tinampalasan.
Sa kanyang palad na yao'y naparamay ang kanyang ayudante na si Koronel Francisco Roman, at buhat na noon ay nawalan ng isang matalinong ulo at walang pagal na bisig ang ating hukbong pinagtamasahang itaboy ng mga kaaway hanggang sa napipilan na nang patuluyan.
Si Antonio Luna, gaya ng mga dakilang Bayani, ay namatay ng wala sa panahon; nguni't sa kanyang kamatayan ay naiwan niya ang aral na lubhang mapakinabang sa mga panahong hinaharap natin.
Ang kanyang kamatayan ay naging sanhi ng lubhang maraming mga kurokuro, na ipinaghihinalang yao'y likha ng kalupitan, nguni't sa ano man, talagang ang mga dakilang tao ay nakatatagpo ng isang kamatayang di karaniwan, upang maging sanhi ng isang matamang paglilimi at maging batong urian ng kanyang mga kahangahangang katangian.
Mga kamatayang gaya ng kay Luna, sa dapat na ikapauwi sa wala at maging sanhi ng isang paglimon na walang hanggan, ay lalong bumubuhay sa mga diwa, nagpapatibok ng puso at gumigising sa madla sa ikakikilala ng lubusan sa kanyang mga paglilingkod na karapatdapat.
Nagpupugay ako sa libingan mo, dakilang Heneral, at minsan pa'y uulitin dito ang lubusang paghanga sa iyong kabayanihan.