Si Ali Mudin ay isa sa mga lalong napabantog na Sultan sa Hulo. Siya ay anak ni Maula na napabilang sa mga lalong litaw na Hari sa nabanggit na Pulo. Ang magamang ito kailan ma'y hindi napasuko nang hukbong kastila ano mang sikap ng ginawa upang lupigin ang kanilang kaharian.
Nang humalili si Ali Mudin sa kanyang ama ay sinikap ng mga kastila na magtamo sa kanya ng isang kasunduan, at sapagka't si Ali Mudin ay maibigin sa kapayapaan ay nagpadala sa Maynila ng limang sugo, niyaong Enero ng 1737 upang makipagtalo sa mga mungkahing kasunduan ng mga kastila.
Sa mga sugong ito ay kabilang sina Dadia Deila, Radia Poot Salikaya at si Panduta Mahomed Ismalis. Ang mga sugong ito ng Sultan na si Ali Mudin ay siyang nangasiwa sa pakikipagkasundo sa mga kastila na pinagtibay niya sa Hulo, at sa pinagkasunduan ay nabibilang ang mga sumusunod:
I. Maghahari sa dalawang pangkat na nagkakasundo ang kapayapaan.
II. Ang dalawang pangkat, o ang mga moro at mga kristiano ay magtululong na makipagbaka sa alin mang kaaway nilang dalawa.
III. Magkakaroon silang dalawa ng malayang pagkakalakalan.
IV. Sakaling sino man sa dalawang dako ay puminsala sa kangino man sa kanila o maghasik ng sigalot sa isa sa kanila, ang naminsala o sanhi ng kapinsalaan ay magbabayad sa pininsala ng isang halagang hihigin ng napinsala.
V. Magpapalitan ng bihag.
Si Ali Mudin ay naging tunay na Hari, at ang kanyang kapangyarihan ay kinilala ng mga kastila hanggang sa niyaong taong 1749 ay sumira sa kasunduan ang mga kastila at si Ali Mudin ay nabihag at dinala sa Maynila niyaong Enero ng taong nabanggit.
Sa pagkabagsak ni Ali Mudin ay humalili si Bantilan, isang dakilang Dato ng panahong yaon.
Nanahanan sa Maynila si Ali Mudin na kasama ng kanyang anak na si Israel na pinahintulutan ng mga kastila na makapangaral sa Paaralang San Jose. Sa boong panahong ipinakipamayan ni Ali Mudin sa piling ng mga kristiano ay nahikayat na pabinyag at ang pangalang iginawad sa kanya ay Fernando I.
Pagkalipas ng ilang panahon, ay sinikap ng Gobernador Obando na si Ali Mudin ay mabalik sa kanyang pagka Hari, at si Ali Mudin kasama ng ilang sasakyang puno ng kawal ay tumulak na patungo sa Hulo binaka nila ang mga kuta roon hanggang sa nang di na maipagtanggol ng mga moro ay kanilang napasuko at isang panibago na namang kasunduan ang linagdaan ng mga moro at ng mga kagawad ng mga kastila.
Ang mga sasakyan ay lumayag na patungo sa Zamboanga at sa pagka't di nakasama si Ali Mudin sa mga kastila sa pagtulak na yaon ay sinapantaha ng mga kastila na siya ay nagtaksil, at siya, kasama ng mahigit na dalawang daang kasamahan ay dinakip at muling ibinalik sa Maynila at ibinilanggo sa Fuerza de Santiago.
Buhat noon ay pinasimulan na ng mga kastila ang walang maliw na pagbaka sa mga moro; nguni't pawang walang tagumpay na masasabi na kanilang tinamo sa Timog ng Kapuluan.
Hiniling ni Ali Mudin sa mga kastila na ang kanyang anak na si Fatima ay pahintulutang makapagbalik sa Hulo, niyaong Febrero ng 1753 upang magsikap sa ikapaghari ng kapayapan doon, at ang gayong kahilingan ay diningig at pinahintulutan ng mga kastila; bilang bunga ng paglalakbay na ito ni Fatima ay nagtamo siya ng isang sulat buhat kay Bantilan na nagsasabing si Ali Mudin ay pabalikin sa Hulo, upang magharing muli roon at lumagda sa isang bagong kasunduan ang dalawang dakong dating magkaaway na mga moro at kastila. Ang lahat ng kahilingan ni Bantilan ay dinging ng mga kastila, subalit hiniling na si Ali Mudin ay palayain nguni't mamamalagi sa Maynila sa piling ng Arzobispo Rojo na siyang kumuha sa kanya sa Fuerza Santiago at nagbigay sa kanya ng isang tahanan at mga lingkod.
Niyaong 1762 ang Maynila ay sinalakay ng mga Ingles at si Ali Mudin sa piling ng limampuo katao ay lumabas at nakibakang kasama ng mga kastila sa bagong kalaban na dumadagsa at humuhugos sa kamaynilaan.
Ipinamalas ni Ali Mudin ang isang di karaniwang katapangan na katutubo ng mga moro at lubhang maraming Ingles ang kanilang pinuksa baga mang ang Lunsod ay napasok at napasuko. Ang mga Ingles ay di naglaon sa Maynila at sa kanilang paglayas, sa kautusan ni Simon de Anda at Zalazar ay pinapanumbalik si Ali Mudin sa Hulo upang muling lumuklok pa kanyang luklukang hari.
Gumawa ng isang linangin sa Balambang ang mga Ingles na kanilang linibid ng matitibay na kuta at sa di pagkawili dahilan sa ang sigaw ay di nila matagalan ay lumipat sa isang pulo na malapit sa Hulo. Ang ganitong pangyayari ay di minabuti ng Sultan Mahomed at ni Israel na anak ni Ali Mudin, sapagka't di nila matiis na ang kanilang lupain ay ariin ng mga banyaga; at naghanap sila ng isang kataong ikapagtataboy sa mga manggagaga.
At ang panahong ito ay dumating niyaong bihagin ng mga kawal na Ingles si Dato Tenteng, isa sa mga malalakas at pinaniniwalaang Dato, at isa sa mga maiinit na araw ng Marso niyaong 1772 nang makalaya na si Tenteng, ay nakipagalam sa mga ibang Dato na sina Dakula at Zamanggo-Isaak, kasama ng ilang kawal na sumalakay sa kinalalagyan ng mga kawal na Ingles, at sa ganitong sagupaan ay nangagsitakas ang mga Ingles sa mga bangkang lunday na pinaghabol ng mabibilis na sasakyang moro. Sinikap ng Gobernador na Ingles na makipagkasundo, nguni't di tinalima ng mga moro at sila ay ipinagtabuyan at sa pagtakas ay nangaiwan nila ang kanilang mga sasakyan, mga kanyon, baril at apat na puo at apat na libong piso.
Namatay si Ali Mudin sa Hulo, ng boong kasiyahang loob, sapagka't naitaboy niya ang mga manlulupig sa kanyang bayan.
Si Ali Mudin ay naging tudlaan ng di kawasang paghanga ng kanyang mga sakop.