Ang bayan ng San Pablo, isang maunlad at may angking ganda na nasa timog-silangan ay kilala bilang isang siyudad ng Pitong Lawa. Lahat ng lawang ito ay may kani-kaniyang kasaysayan at ang pinakapaborito ay ang pinakamaganda at pinakamalaking Lawa ng Sampalok.
Noong unang panahon sa bayan ding ito, ay may mag-asawang naninirahan. Maykaya ang mag-asawa. Malaki ang taniman nila ng sampalok. Sa katunayan ay dinarayo pa ang kanilang sampalok dahil sa angking katamisan nito. Bagama't masagana ang kanilang pamumuhay ay may kulang pa rin sa kanilang buhay. At ito ay ang anak. Ang mag-asawa ay di biniyayaan ng kahit isang anak man lang.
Sa takot na may magnakaw ng bunga ng kanilang sampalok, ang paligid ng kanilang bakuran ay pinalagyan nilang ng mataas na bakod at isang malaking aso.
Isang araw, isang engkantada ang nag-anyong matandang pulubi upang masubukan ang kabaitan at mapagkawanggawa ng mag-asawa. Lumapit siya sa mag-asawa at nagmamakaawang humingi ng kaunting bunga ng kanilang sampalok.
"Para na ninyong awa pahingi po ng ilang butil ng sampalok. Gutom na gutom na po ako." Pagmamakaawa ng matangdang babae.
"Layas! Hindi namin ipanamimigay ang bunga ng aming sampalok," bulyaw ng galit na mag-asawa na pulubi.
"Parang awa na ninyo, kahit na po isa o dalawa lamang ay makasasapat na sa akin. Alam ko pong napakatamis at napakasarap ng inyong sampalok," pakiusap ng pulubi.
Hindi na matiis ng matandang pulubi ang kagutuman kaya't pilit niyang inabot ang isang bnga na nasa mababang sanga ng puno. Nagalit ang mag-asawa kung kaya't pinakawalan nila ang malaking aso at ipinakagat ang matandang pulubi.
Namimilipit sa sakit ang kawawang matanda. Pinilit niyang makatayo, hinawakan ang puno ng sampalok at nagsabing, "Pagsisihan ninyo ang inyong kasakiman." At marahang lumisan ang matandang pulubi.
Hindi pa gaanong nakalalayo ang matandang pulubi nang biglang magdilim ang kalangitan at bumagsak ang bagyo na inabot ng magdamag. Kinaumagahan ay payapa na muli ang panahon at tulad ng kanilang nakaugalian, ang mag-asawa ay bababa ng bahay upang bisitahin ang kanilang taniman ng sampalok. Subali't sa kanilang pagkagulat hindi ang malalagong puno ng sampalok ang bumungad sa kanilang paningin. Ang buong paligid ay naging isang malaking lawa at ang kanilang ipinagmamalaking mga puno ng sampalok ay pawang naglaho. Patuloy na naglakad ang hindi makapaniwalang mag-asawa hanggang sa sapitin nila ang gilid ng lawa. Sa kanilang kinatatayuan ay kitang kita nila ang puno ng sampalok na nakatanim pa rin sa lupang nababalutan na ng mga tubig.
Magmula noon ay lawang iyon ay kinilala sa pangalang "Lawa ng Sampalok." Dinarayo pa rin ito sa kasalukuyang panahon, hindi dahil sa matamis na bunga nito kungdi dahil sa kagandahan at kaaya-ayang tanawin nit.