Sa bayan ng Obando, malapit sa look ng Maynila, ay maraming palaisdaan. Doon ay maraming alimasag. Ang pista sa Obando ay buwan ng Mayo. Maraming tao ang dumadayo at deboto sa Mahal na Birhen ng Salambao.
Noong unang panahon, ang mga alimasag ay walang marka ng Mahal na Birhen sa kanilang mga talukab, Noon ay may naninirahan sa Obando na isang mangingisda. Siya ay binata na may matipuno at malakas na pangangatawan. Madalas ay marami siyang huling isda mula sa laot.
Ang A binatang mangingisdang ito ay kilala sa kanilang nayon nguni't isa lang ang hindi nila gusto sa taong ito. Hindi siya naniniwala sa Diyos.
"Kung totoong may Diyos, bakit hindi niya pakinggan ang inyong dasal," katwiran niya. "Bakit lagi na lamang tayo sa dagat, gabi at araw?"
"Nalalaman ng Diyos kung ano, ang mabuti," ang sagot naman ng mga matatanda. "Alam ng Diyos na ang kayamanan ay hindi magbibigay sa atin ng kaligayahan."
Sa ganitong sagot ay laging malakas na tawa lamang ang ganti ng binata. Pagkatapos ay susumbatan ang mga kasama na bakit hindi sila makahuli ng limpak-limpak, bakit may nababalo o namamatay, bakit may mag—asawang hindi magkaanak sa kabila ng kanilang pagdarasal at pananalig. Sa tuwing babanggitin ng binata ang mga salitang ito ay nagsasawalang-kibo na lang ang kanyang mga kasama.
Isang araw, papalaot na sana sila upang manghuli ng isda nang biglang magdilim ang kalangitan. Darating ang isang malakas na ulan. Minabuti ng mga mangingisda na magpalipas ng sama ng panahon at magdasal maliban sa binatang hindi naniniwala sa Diyos.
"Huwag naman kayong takot, marami na tayong bagyong nasagupa sa laot, di ba?" kantyaw ng matapang na binata. Dahil sa kantyaw na ito ay napilitan na rin pumalaot ang ibang mangingisda. Hindi pa sila nakakalayo sa pampang ay biglang bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Ang mga bangka nila ay parang laruan na sinisiklot-siklot ng mga alon. Ang mga kasama ng binata ay nagsiluhod sa pampang at nagdasal. Patuloy pa rin ang bagyo. Palakas nang palakas. Lalong lumaki ang mga alon. Nawasak na rin ang salambao. Dahil na rin marahil sa takot ay napaluhod na rin ang binata. Ngayon lamang siya humingi ng tulong sa Diyos. Biglang huminto ang malakas na ulan. Sa salambao ng kanilang bangka ay nakita ng binata ang Mahal na Birhan.
"Tingnan ninyo ang Mahal na Birhen. Ayun sa ating salambao. Sigaw ng binata. "Oo nga, iniligtas tayo ng Mahal na Birhen" At sabay-sabay na nagsiluhod ang magkakasama at nagpasalamat sa Diyos. Nagpatuloy sa pangingisda ang magkakasama at laking tuwa nila nang marami ang kanilang nahuli ng araw naiyon. Nang sila ay nakadaong na, nakita ng binata ang hugis imaheng marka sa takip ng alimasag. Kamukhang—kamukha ng imahen na nakita niya sa kanilang salambao.
"Nakapagtataka, marahil ay isinugo ng Diyos ang Mahal na Birhen," ang sabi ng binata sa sarili. Mula nang araw na iyon ay malaki ang ipinagbago ng binata. Hindi na siya nanunuya sa kanyang mga kasama. Natuto na siyang magdasal at maniwala sa Diyos at ang kanilang patron ay tinawag nilang Nuestra Sanora de Salambao. Ito ang Mahal na Birhen sa Obando.