Sa kalagitnaan Luzon ay may kaisa-isang bundok, ito ay ang baundokng Arayat. Mala-maharlika ang tindig ng bundok na ito. Dito nagmula ang magandang alamat ni Mariang Sinukuan.
Noong unang panahon, sagana sa bungang kahoy at malulusog na hayop ang bundok ng Arayat. Sa paligid nito ay mayabong ang mga halaman at masagana ang ani.
Ang may-ari ng bundok na ito ay si Maria. Siya ay ubod ng ganda, kayumanggi, mahaba ang buhok, matangos ang ilong ngunit mahiwagang babae. Marami siyang alagang hayop tulad ng manok, ibon, baboy, kambing at iba pa. Siya ay matulungin sa mga tao. Sa tulong ni Maria ang mga tao doon ay masayang namumuhay. Paminsan-minsan, makikita ng mga taga Arayat at karatig pook si Maria na namamasyal kung hatinggabi. Madalas, kapag may kinakapos ng pagkain, nagigisnan na lang nila ito sa kanilang punong hagdan.
Isang araw, may mga sakim at mga tamad na tao ang nangahas na manguha ng prutas at manghuli ng hayop sa bundok ni Maria. Malalaking supot at sako ang kanilang dala. Kumain sila ng maraming prutas, Dumating si Maria at nagwikang "Sige, kumain kayo ng magugustuhan ninyo, nguni't huwag kayong mag-uuwi."
Pagkaraan ng isang oras, akala ng masasamang-loob ay umalis na si Maria. Nanghuli sila ng mga hayop at pinuno nila ng prutas ang mga supot. May natakot na baka magalit sa kanila si Maria nguni't dala ng kasamaan ay nakisama na rin sa pangungulimbat. Hindi nagtagal at napuno na ang kanilang mga lalagyan at dali-daling lumisan sa pook na iyon. Ni hindi nila pinansin si Maria na noon ay dumarating bagkus ay binilisan pa nila ang kanilang mga hakbang.
Hindi nila namamalayan na pabigat nang pabigat ang kanilang mga dalahin at nang ito ay kanilang buksan, wala silang makita kungdi mga bato.
Nakita sila ng isang matanda, "Aanuhin ninyo ang mga batong iyan?" Napag-alaman niya na galing sila sa bundok. "Uli-uli huwag kayong kukuha ng hindi sa inyo at lalong masama kung walang pahintulot. Kung sabagay mabait si Maria, hindi nga kayo sasaktan. Igalang naman sana natin siya. Marami na siyang nagawang kabutihan sa atin."
Marami pa ang sumunod na nagtangkang magnakaw kay Maria. Dahil dito, nagtampo at nagalit na si Maria. Dumating ang panahon na hindi na siya nakikita ng mga tao. Hindi na rin siya tumutulong sa mga tao. Unti-unting humina ang mga hayop, ang mga halaman ay nalalanta. Ang mga tao ay kinapos at nagutom.
Nagtipun-tipon ang lahat at napagkaisahan nilang sumuko na kay Miria. Kailangan nilang humingi ng tawad sa mabait na mahiwagang babae. Nguni't ang lahat ng kanilang pagsisikap na makahingi ng tawad kay Maria ay balewala nang lahat pagka't ang kanilang sinukuan ay hindi na nagbalik pa. Kaya, kinailangan na nilang magpatulo ng maraming pawis upang sila ay mabuhay.