May isang magandang halamanan sa Eden. Sari-saring uri ng halaman ang makikita dito. Bawa't bulaklak dito ay may angking bango at kagandahan. Sa kabila nito ay mayroong namumukod sa lahat. Wala itong bango at salat pa sa ganda. Ito ang sampagita.
Tampulan ng tukso ang sampagita dahil sa wala raw itong silbi, walang bulaklak na magbibigay kulay sa kanya. Iyong bulaklak na may bango.
Hoy, Sampagita! Hindi ka nababagay dito. Ang pangit-pangit mo. Tingnan mo ako, marami ang nawiwili sa akin dahil sa aking kagandahan at kulay. Nakakapawi ako ng kalungkutan. Ang pagsigaw na tukso ni Gumamela.
"Ako ang amuyin mo, sa bango at sarap ng aking samyo, ako ang iniaalay sa Mahal na Birhen kung Santa Krusan. Ginagawa rin akong magandang kuwintas para sa ina ng Laging Saklolo. Madalas na ako ay hagkan ng mga tao," sabi ni Maligwas.
"At ako, ako ang simbolo ng pag-ibig. Ako ang pang-aliw sa mga may tampo o galit. Inihahandog din ako sa mga may karamdaman upang kahit paano ay maisan ang kanilang paghihirap." Wika ng Rosas.
Dahil sa mga narinig ay lalong nalungkot ang sampagita. Labis niyang kinahabagan ang sarili. Umiiyak siya nang lumapit ang matandang tagapag alaga ng halaman.
"Bakit ka lumuluha, halamang Sampagita?" ang naawang tanong ng matandang tagapag-alaga.
Hindi umimik ang sampagita. Iniyuko lamang niya ang kanyang puno.
"Huwag mo siyang pansinin," sambit ng Gumamela. "Halika rito sa ilalim ko at walisin mo ang aking mga dahong tuyo. Kailangang malinis ako palagi upang lumapit sa akin ang mga tao."
"Pagkatapos mo sa kanya ay walisin mo rin ang aking paligid. Maraming pupunta sa akin ngayon dahil sa araw ng dalaw ngayon ni Romeo kay Julieta," ang sabi naman ni Rosas.
Sumunod ang matanda sa kanilang ipinag-uutos. Pagkatapos niyang maglinis ay muling binalikan ang Sampagita.
"Bakit kaya sa halamanang ito ay ako lamang ang walang ganda at bulaklak na mabango?" Ang pananangis ni Sampagita.
Laking gulat ni Sampagita nang biglang magbago ang anyo ng matanda. Naging isang napakagandang Diyosa ito. "Ako ang Diyosa ng mga bulaklak. Huwag kang manimdim, dahil sa iyong kababaang-loob ay pagkakalooban kita ng mga bulaklak na walang makakatulad sa bango at ganda.." Wika ng Diyosa.
Pagkumpas ng Diyosa sa hawak niyang mahiwagang patpat, sumabog ang mumunting bituin sa dulo nito. Bawa't bituin ay dumikit sa puno ni Sampagita at naging bulaklak ng Sampagita, maputi at walang kasimbango.
Mula noon ay natigil sa pang-aapi ang mga kapwa niya halaman at siya ay naging maligayang-maligaya na.
Sa kasalukuyang panahon, ang Sampagita ay ginagamit na sa halos lahat ng okasyon at dahil sa kanyang walang katulad na kabanguhan, ang Sampagita ang tinaguriang pambansang bulaklak ng Pilipinas