Noong unang panahonay may isang binata na nakatira sa isang malaking pulo. Siya ay nabubuhay sa pamamagitan ng mga sariwang gulay at prutas. Ang tawag sa kanya ay taga-ilog.
Minsan, may isang matandang lalaki na nakituloy sa binata. Napangiti ang mabait na taga-ilog sapagkat magkakaroon na rin siya ng kasama at pagkakataong makapaglingkod sa kapwa. Pinagsilbihan niyang mabuti ang matanda na labis namang hinangaan nito.
"Salamat napakabait mong bata," ang sabi ng matanda. "Siyanga pala, napansin ko na maraming ibon at isda sa pook na ito. Humuli tayo at nang masarap ang pagkain natin mamaya."
"Naku, huwag po, sila po ang aking mga kaibigan," ang magalang na pagtanggi ni taga-ilog.
"Totoong mabait at masipag kang bata. Saan naman galing ang iyong kasuotan?" usisa ng matanda.
"Bigay po ito sa akin ng mga taga bukid. Ako po ay tumutulong sa kanila kung sila ay nagtatanim at nag-aani," sagot ng taga-ilog.
Lalong tumibay ang paghanga ng matanda sa taga-Ilog. Maraming natutuhan ang binata sa mga pangaral ng matanda tulad ng "Kung ano ang itinanim ay siya ring aanihin. Ganyan sa halaman at sa buhay ng tao. Ang iyong kabutihan at kabaitan ay gagantihan din sa ibang araw. Huwag tayong aasa na ang ating inilibing ay sa atin din makikipaglibing, Huwag tayong dudura Sa langit sapagkat laway din ang sa iyo'y sasapit."
Mula noon ay naging maisipin at malikhain si taga-ilog. Dahil sa siya ay mabait, at magiliwin sa mga nilalang ng Diyos ang binata ay tinawag niyang "Irog."
Ang natutunan, ni Irog sa matanda ay kanyang napakinabangan. Nagawa niyang panali ang mga baging. Nakagawa siya ng isang bahay sa gitna ng ilog. Nagawa rin niyang higaan ang isang bunton ng water lily.
Isang gabi mahimbing ang tulog ni Irog sa kanyang balsa ay hindi niya namamalayan na ito ay unti-unting umuusad na para bang itinutulak ng isda. Nakapaligid naman sa kanya ang mga ibon na nag aawitan.
Mataas na ang araw kinabukasan nang magising si Irog. May mga gulay at prutas na nakahain na para sa kanya na dulot ng mga ibon. Malaya na siya sa gitna ng dagat. Napadpad siya sa isang pook na malapit sa batis.
Ang batis ay kaakit-akit na para bang isang paraiso. Ito ay nahahawig sa kanilang pinanggalingan. Isang umaga, may nakita si Irog na isang grupo ng naggagandahang mga dilag. Ang mga dilag na ito ay may mga pakpak, Kasalukuyang naliligo ang mga dilag sa batis, nang maakit si Irog na damputin ang isa sa mga pakpak na nakalapag sa batuhan.
Nang matapos maligo ang mga dilag ay nalungkot at naiwan ang isa dahil sa wala siyang maisuot na pakpak at hindi siya makalipad. Siya ay umiiyak nang dumating ang binata. "Patawad po sa aking kapangahasan. Labis lang po akong naakit sa inyong pakpak kung kaya't ito ay aking hiniram nang walang paalam. Ako po ay ulila at naghahanap ng makakasama at mamahalin sa buong buhay ko. Kung iyong mararapatin ay nais kitang makasama at pagsilbihan. Sige na, pumayag ka na," ang samo ni Irog.
Pumayag naman ang dilag na tinawag ni Irog ng Giliw sa kundisyong hindi mag-uuwi si Irog ng hayop na mabilis lumipad, dahil sa sandaling gawin niya ito ay iyon ang hudyat upang mawala sa piling niya si Giliw. Naging maligaya ang kanilang pagsasama. Nagkaanak sila ng dalawa. Si Ligaya at si Tagumpay ang bunso. Si Ligaya ay lumaking maganda at kaakit-akit. Pareho silang masipag at matulungin sa kanilang magulang.
Minsan sa kanilang pag-uusap, "Bakit kaya bihirang mag salita ang nanay? Marunong naman siya at maraming alam" ang tanong ni Ligaya.
Sumagot si Irog. "Huwag kayong magtaka. Lagi ninyong tandaan na pag ang dagat ay maingay ito ay mababaw at ang alon na malalim ay hindi umimik. Makinig kayo at magmasid sa iba at piliin lamang at tandaan ang maganda at iwaksi naman at limutin ang gawain at salitang pangit lalo na kung ito ay nakasasakit ng dam-damin ng inyong kapwa.
Si Tagumpay ay magiliwin din sa mga hayop tulad ng ibon. Minsan sa kanyang pagpapahinga sa lilim ng puno, isang ibon ang dumapo sa kanyang balikat. Hinawakan niya ito at naganyak na iuwi ng bahay. Maganda at ibang-iba ang kulay ng ibong ito. Pagdating sa bahay ay dali-daling inagaw ito ni Ligaya at ipinakita sa kanyang ina. Napaluha si Giliw at nagwika ng, "Oo, iyan ang Panay." Mabilis na nagtungo sa silid si Giliw, isinuot ang pakpak at dagling lumipad. Siya'y umalis at di na babalik pa kailanman.
Malungkot na ibinalita ng magkapatid sa ama ang malungkot na paglisan ng kanilang ina. Mula noon ay naging malungkuting muli si Irog. Wala siyang inaasam-asam kundi ang muling pagbabalik ni Giliw. Palagi siyang nag-aabang sa batis sa pagbabakasakaling maligaw doon ang kanyang mahal na si Giliw.
Ang batis na ito ay pinagmulan ng isang magandang kasaysayan ng pag-ibig ngunit mayroon din itong isang mapait na katapusan. Dito nagmula ang pangalang "Panay." Ang batis na iyon ay tinawag na Panay at sa ngayon ang Panay ay isang malaking pulo sa kabisayaan.