Sa dakong baybayin isang bayan ng Ilokos, may naninirahang mga tao. Sila ay nananalig at sumasamba sa diyoses ng kanilang ninuno. Bilang ganti, sila naman ay pinagkakalooban ng kanilang anito ng isang masagana at maunlad na pamumuhay.
Ang kanilang kasaganahan at kaunlaran ay kinaiinggitan ng kanilang karatig-bayan. Pilit nilang inalam ang pinagmulan ng kanilang kayamanan. Sa kanilang pagmamatyag, natuklasan na ang mga taga-tabing-dagat ay may tinutugtog na malaking kampana tuwing nag-aalay at nananalangin sa sinasambang Apo Binayen. Gayugndin ang gawain sa oras ng kagipitan.
Ang kampanang hugis-sombrero ay kaloob ng bathala sa bundok ayon sa mga taga-tabing dagat. Dahil dito ipinasiya ng mga taga—karatig bayan na nakawin ang kampana. Sa pagliit ng buwan ang takda nilang paglusob sa mga baybaying dagat.
Natunugan ng mga taga baybaying dagat ang masamang balak taga karatig-bayan kung kaya't itinago nila ang malaking kampana. Ibinaon nila ito sa masukal na gubat. Na malapit sa kanila, Tinambangan nila ang paglusob ng mga kaaway. Malaking labanan ang namagitan sa magkabilang panig. Maraming namatay nguni't nanaigi parin ang kampo ng kabutihan.
Nanalo man ang taga—baybaying-dagat sa labanan ay malungkot pa rin sila sa dahilang walang makapagturo sa kinababaunan ng malaking kampana. Ang mga kalalakihan nangasiwa sa pagbabaon ng malaking kampana ay pawang nangasawi sa labanan.
Magmula noon ay naging malungkot aa lugar ng baybaying-dagat. Dumanas sila ng tagtuyot. Namatay ang kanilang mga pananim dahil sa matinding init. Ang mga panalangin ay nawalan ng kasagutan. Nisaisip nila na ito ay bunga ng pagkawala ng malaking kampana.
Nagpatuloy ang ganoong kahirapan. Minsan isang bata ang naghahanap ng makakain sa kagubatan ang nakapansin sa isang puno na hitik na hitik sa bunga. Ang buganang ito ay hugis-kampana. Pumitas siya ng isa at nasarapan siya sa lasa ng bungangkahoy. Pumitas siya nang pumitas sa abot ng kanyang madadala. Iniuwi nya ito sa kanilang lugar. Nagustuhan din ng ibang tao ang lasa ng bungangkahoy. Nguni't ang ipinagtaka ng mga taga baybaying dagat ay kung bakit ito hugis-kampana. Nagtalu-talo sila hanggang sa maalaala nila ang malaking kampanang nawawala. Naghukay sila sa tabi ng puno at laking tuwa nila nang matagpuan doon ang malaking kampana. Bglang nagdilim ang kalangitan at bumuhos ang isang malakas na ulan. Walang pagsidlan sa tuwa ang mga tao. Inisip nilang ito ay sagot ng Apo sa bundok bilang tugon sa pagkakatuklas nila sa malaking kampana.
Magmula noon ay muling umunlad ang buhay ng mga taga baybaying dagat. Tumubong muli ang kanilang mga pananim. Palagi rin nilang tinutugtog ang malaking kampana tulad ng kanilang nakagawian. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa halamang naging dahilan ng pagkakabalik ng nawalang kampana, nagtanim pa sila ng marami pang mga punong ito at ang mga bungang punong ito ay tinawag nilang "Makopa."