Sa isang bukid sa gawing silangan ng ilog na may asawang naninirahan. Sila ay may kaisa-isang anak na babae. Kaiba sa mga karaniwang bata si Pacifica ay tahimik at walang kibo. Ang tawag sa kanya ng mga tao ay Paz.
Dahil sa malayo ang paaralan sa kanilang tirahan hindi na nagaaral si Paz. Subalit hindi ito naging dahilan upang maging matalino si Paz. Mahilig siyang magbasa at ang kanyang ina ang kanyang guro. Ang itay naman niya ay laging nag-uuwi ng iba't ibang aklat.
Kapag tapos nang tumulong si Paz sa gawaing-bahay, mag-isa siyang naglalaro at namamasyal sa tabing-ilog. Nakalakihan ni Paz ang ganitong paglilibang. Lumaki siyang isang napakaganda at matalinong babae. Wala siyang kasintahan dahil sa ang mga kalalakihan ay nangingiming lumigaw sa kanya sa pag-aakalang alangan sila sa pusong dalaga.
May isang binatang Kastila ang may matinding gusto kay Paz nguni't tulad ng iba, siya rin ay nag-aalangang lumigaw sa dalaga. Nagkasya nalamang siya sa ligaw-tingin.
Isang hapon habang nagtatampisaw sa tubig si Paz, isang binata ang bumati sakanya.
"Magandang hapon sa inyo, magandang binibini. Ako po si Serafin, taga-Maynila. Ngayon lamang po ako nakarating dito sa inyong pook. Maaari ko po ba silang makilala?"
"Bakit naman hindi. Ako si Paz. Mutya ng ilog ang taguri sa akin dahil madalas ako rito sa ilog..."
Dahil sa likas na makuwento at palabiro si Serafin nagka-palagayan sila ng loob ni Paz. Ipinakilala ni Paz sa kaniyang mga magulang si Serafin. Hindi tumutol ang mga magulang ni Paz sa binata.
Minsan ay naisipan ng magkasintahan na sumakay sa isang bangka. Hindi nila napansin na ang binatang Kastila ay nagmamasid sa kanila. Matindi ang panibugho ng Kastila kay Serafin. Sumakay din ng bangka ang binatang Kastila upang sundan sina Serafin at Paz. Palibhasa'y hindi sanay sumakay sa bangka, nagpagiwang-giwang ang sinasakyan ng binatang Kastila. Malayo na sa kanya ang mag kasintahan, nang biglang nawalan ng panimbang ang bangka at ito ay tuluyang tumagilid.
Nahulog sa tubig ang binatang Kastila na hindi rin pala marunong lumangoy. Sumigaw siya at humingi ng tulong kina Paz at Serafin. Agad na tumalon si Serafin sa tubig at tumulong ngunit huli na.
"Paz, sigue me! Paz, sig..." ang huling salitang narinig sa nalunod na Kastila.
Magmula noon, naging malungkutin si Paz. Madalas niyang maalaala ang binatang Kastila na namatay at nalunod na pangalan niya ang sinasambit. Umaawit siya ng kundiman alay sa binatang Kastila kapag siya ay nasa ilog.
Bilang pag-alaala sa binatang Kastila, ang ilog ay pinangalanang Pasig, at si Paz ang tinaguriang Mutya ng ilog Pasig.