Sa isang malayong bukid ay may isang mag-asawang matagal na ring umaasam na magkaroon ng kahiit na isang anak man lamang, Sa kabila ng kanilang kasaganaan ay hindi pa rin lubos ang kanilang kaligayahan. Ganoon pa man ay hindi sila tumitigil pagdarasal kay "Bathala". Ipagpapalit nila ang kanilang kasaganaan pagkalooban lamang sila ng anak.
Isang gabi, habang nananalangin ang matandang babae sa halamanan ay isang anghel ang bumaba buhat sa langit at nagwika, "huwag kang matakot. isinugo ako ni Bathala upang dinggin ang iyong panalangin."
Sa labis na tuwa ay lumuhod matandang babae sa harap ng anghel. "Huwag, hindi ako ang iyong Bathala. Ako ay kanya lamang inutusan upang mag hatid sa inyo ng magandang balita. Sa kanya ninyo iukol ang inyong pasasalamat.
"Kayo ay bibigyan ni Bathala ng isang anak na babae. Ito ay magiging isang napakagandang bata tatawagin ninyo siyang ilang. Subalit iwasan ninyong mahipo ng lalaki ang inyong anak sapagkat sa sandaling mangyari ito ay mawawala na sa inyo ang inyong anak," ang bilin ng anghel.
Pumayag ang babae sa kasunduang iyon. Lumipas ang isang taon at isinilang ang kanilang anak na babae. Sa murang gulang nito ay kapansin-pansin na ang kakaibang ganda nito..gandang may kaakibat na bango ng isang kahali-halinang bulaklak. Tulad ng sabi ng anghel, tinawag nilang Ilang ang bata.
Nang magdalaga na si ilang ay maraming lalaki ang naakit sa dalaga. Labis na nangamba ang mga magulang ni Ilang na baka ang kanilang anak ay mahipo ng lalaki. Sa labis nilang takot ay ikinulong nila sa isang silid ang kanilang anak. Hindi na nila ito pinayagang lumabas ng silid.
Labis na nanimdim si Ilang. Araw at gabi ay umiiyak siya. Ang itaimtim na panalangin ni Ilang ay narinig ni Bathala. Ang bintana ng silid ni Ilang ay biglang nabuksan at siya ay nakalabas. Tuwang-tuwang lumanghap ng sariwang hangin sa labas si Ilang. Isang lalaki ang nakakita sa kanya at ang hawak nitong aso ay tumahol kay Ilang. Nakilala ng lalaki si Ilang at lumapit ito sa dalaga.
"Kaytagal mong nawala ilang araw kitang hinahanap," wika ng lalaki na ginagap ang palad ni ilang.
Ang tagpong iyon ay dinatnan ng ina ni Ilang. Gustuhin man ninyang pigilan ang lalaki sa paghipo kay Ilang ay huli na. Unti-unti ay lumulubog sa lupa si Ilang hanggang sa ang dalaga ay tuluyang maglaho.
"Ilang, Ilang...nasaan ka anak ko?" Umiiyak na nasambit ng matandang babae.
Maya-maya'y may isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng matanda. Ito ay nanggagaling sa lugar na kinalubugan ni Ilang. Sinilip niya ito at may nakita siyang isang halaman na unti—unting umuusbong sa lupa. Tumaas pa ito at nagkaroon ng mga bulaklak na ang hugis ay pahaba at ang amoy ay tulad ng bango ni Ilang.
Ang halamang iyon ay pinangalanan nilang Ilang—Ilang bilang pag-alaala sa kanilang anak.