May isang batang matigas ang ulo. Hindi siya sumusunod sa payo ng kanyang ina bagkus ay ginagawa pa niya ang mga bagay na ayaw ng kanyang ina. Siya ay si Badoy.
Minsan, pagkatapos magsaing, si Badoy ay nanaog ng bahay at pumunta sa kanilang bakuran. Lumakad siya nang lumakad ngunit hindi siya makarating sa kanyang patutunguhan. Inisip niyang umuwi nguni't hindi na niya makita ang daan pauwi. Sa pagod ni Badoy ay nagpahinga siya sa isang punung kahoy at nakatulog. SamantlIa, ang nanay niya ay hindi mapakali sa kahahanap sa nawawalang anak. Tumulong na rin ang ilang kapitbahay niya sa paghahanap. "Tila ang anak ninyo ang nakita ko roon sa kabilang bukid. Paikot-ikot siya sa dalawang puno na para bang pinaglalaruan ng tiyanak," wika ng isa.
"Kung hindi ninyo siya makita, kumuha ka ng bilao, ipukpok ninyo sapuno ng hagdan at tawagin nang mnalakas ang kaniyang pangalan," ang payo naman ng isang magsasaka.
Sinunod iyon ng ina ni Badoy nguni't napagod lang siya pero walang dumarating na Badoy.
Si Badoy ay nagising sa malakas na palahaw ng iyak ng isang sanggol. Hubad ito at malaki ang tiyan. Nakahiga ito sa isang dahon ng sagging, Kinalong ni Badoy ang sanggol, pinaghele, nguni't patuloy pa rin ito sa pag-iyak. Nayamot na si Badoy at akmang papaluin ang sanggol ng biglang magbago ito ng anyo. Ang sanggol ay naging matanda, mahahaba ang buhok at balbas at mukhang hindi naliligo ibinagsak ni Badoy ang matanda at kumaripas ng takbo. Nang lumingon siya, muli siyang natakot nang nawala ang matanda. Takbo siya nang takbo nguni't sa paligid lamang pala ng kawayanan tumatakbo. Magdidilim na noon at si Badoy ay pagod na pagod na. Nadapa siya pero nagpumilit pa rin siyang makauwi kahit na siya ay gumagapang na sa hirap.
Samantala, ang ina naman at kasama ay may lungkot na pauwi. Laking gulat pa nila nang makita si Badoy na gumagapang sa matinding pagod. Gumapang siya nang gumapang dahil sa pinaglalaruan siya ng tiyanak. "Iyan ang napapala ng batang salbahe at matigas ang ulo. Mabuti at hindi ka niya kinagat. At mabuti na rin at nabigkas mo ang Hesus, Maria at Jose. Kaya ikaw lagi kang magdarasal."
Magmula noon ay naging bukambibig na ng mga tao ang "Baka matulad ka kay Badoy, gapang nang gapang." Dahil dito, ang pook na kinaroroonan ng bukid na napaliligiran ng kawayan na kung saan nakita si Badoy na gumagapang ay pinangalanang Gapan. Sa ngayon ang Gapan ay isang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.