Ang mga taga-Negros sa Bisaya noong araw ay namu-muhay ng tiwasay at mariwasa. Ang pangalan ng kanilang hari ay Laon, isang taong may magandang kalooban. Ang mga tao roon ay nagsisigawa sa kanyang mga bukid at sila'y kahati sa ani.
Isang araw ay umulan at ang ulan ay lumakas nang lumakas hanggang sa bumaha sa mga bukid; anupa't ang tubig ay umapaw nang hanggang tuhod, saka tumaas nang hanggang baywang, at nagpatuloy ng paglaki nang hanggang liig.
Ang mga tao ay natigatig at ipinalagay nilang masisira ang mga pananim.
Palibhasa'y mahal sa hari ang mga tao ay inisip niyon na "mawala na ang anihin, huwag lamang mawala ang mga tao." Tinipon nga ng hari ang lahat ng kampon niya, at sinabi niya sa kanila: "Gumawa kayo ng mataas na bunton ng lupa." Nguni't ang sagot ng mga kampon ay "Kami po ay walang mga kasangkapan." Iwinagayway ng hari ang kanyang birang at pagdaka'y nagkaroon ng mga piko at pala. Sinabi pa ng mga kampon ang "Wala po kaming mga bato. Ang bunton po ng lupa ay dapat maligid ng mga bato."
Sa isang uling wagayway ng birang niya ay nagkaroon ng lahat ng kailangan.
Sa sikap at tiyaga ng mga kampon ay kagawa ng isang bundok. Ang naging taas ng taluktok ng budok na yaon ay 6,000 talampakan. Don sila nanahan hanggang sa humupa ang tubig. Nagsipagpatuloy pa rin sila ng paggawa, nagsihukay sila ng bambang na tungo sa dagat upang siyang hugusan ng tubig at sa gayon ay humupa ang tubig.
May isang malaking ahas naman na nananahan sa bundok na yaon. Ang ahas ay may pitong ulo kakila-kilabot. Ang kulay ng mga mata ay luntian at ang inihihinga ay kakatwa, na kung araw ay usok at kung gabi ay apoy.
Isang araw ay may dumating na isang binata na ang pangalan ay Kan. Siya'y makisig at mahiwaga. Nalalaman niya ang ligalig sa bayan at sinabi niyang. "Papatayin ko ang ahas; hindi ako natatako."
At sinabi ng hari: "Patayin mo ang ahas at pagkakalooban kita ng mga gabok na ginto at saka ang aking anak ay ipagkakaloob ko rin sa iyo upang maging asawa mo.
Sa gayon ay pinatay ng binata ang ahas, dahil sa may kapangyarihan siya sa mga hayop, at siya'y marunong ng wika ng mga hayop. Tinawag niya ang mga langgam at iniutos niya ang kanilang: " Magsigapang kayo sa buong katawan niya at inyong kagatin." Tinawag niya ang mga putakti at iniutos niya sa kanilang. "Pupugin ninyo ang kanyang mga mata hanggang sa mabulag." At tinawag niya ang mga uwak at iniutos naman niyang, "Inyong kalmutin at tukain ang kanyang nga ulo at katawan hanggang mamatay."
At sila'y sumunod, at nangyari yaon. At ang ahas ay kanilang napatay.
Nang magkayo'y pinugot ni Kan ang pitong ulo ng ahas. Ang mga ulong yaon ay inialay sa haring Laon, at mula noon ay tiwasay na uling namuhay ang mga taga Negros. Ang binatang si Kan ay nagkamit ng yaman at naging asawa ng anak ng hari.
Ang binata naman at gayon din ang hari ay inalaala ng mga tagaroon, kaya't ang bundok na yao'y pananganlan nilang Kan-Laon o Kanlaon, bilang parangal kay Kan at sa haring Laon.
At siya'y naging dahilan kung kaya ang bundok na nasabi ay kilala ngayon sa pangalang Bundok Kanlaon.