Ang bayan ng Binangonan ay nasa dakong silangan ng Laguna de Bay. Ang dagat na ito ay nasa pagitan ng mga lalawigan ng Rizal at Laguna.
Noong una, ang mga nakatira sa bayan ng Binangonan ay pawang magkakamaganak. Sila ay madasalin at palasimba. Uso sa kanila ang bayanihan, nagtutulungan sila at nag dadamayan sa oras ng kaginhawahan at kalungkutan.
Ang pista rito ay ipinagdiriwang nang husto taun-taon. Bisperas pa lamang ay maligaya na sa paghahanda at pagluluto ang mga tao.
Subalit ang lahat ng paghahandang ito ay nawalan ng saysay dahil sa isang napakalakas na bagyo ang dumating sa bayan. Marami ang nasaktan at mga napinsalang kabuhayan. Marami rin ang ipinadpad doon ng malaking alon. Isa narito ang isang lalaki.
Pinulsuhan ng isang albularyo ang lalaki. Inakala nilang patay na ito at hindi na humihinga. Patuloy paring menamasahe ito ng albularyo. Diniinan ang likod upang lumabas ang nainom na tubig. Patuloy ang albularyo hanggang sa ilang saglit ay huminga, kumilos at nagpilit bumangon ang inaakala nilang patay na.
"Sa ayos ng pantalon at mga kasuotan niya ay hindi basta mangingisda lamang iyan. Tulungan at dalhin sa amin," ang sabi ng alkalde ng bayan.
Mabilis na kumalat ang balita sa nayon at sa karatig-pook tungkol sa "bumangon ang patay." At magmula noon, ang baybay-dagat na iyon ay tinawag na "binangunan ng patay."
Ayaw magsalita ng patay na nabuhay kaya't inakala ng lahat na ito ay pipi. Malinis at masipag ang "pipi" kaya't pinagkatiwalaan na ito ng alkalde hanggang sa opisina ng munisipyo. Maging sa anak na dalaga ng alkalde ay napalapit ang binata. Si Diaga, ang anak ng alkalde ay nagingg kasintahan ni "pipi."
Natuklasan ni Diega na hindi pala talaga pipi ang binata. Isagani ang pangalan niya. Pinag-aaral pala siya ng isang pari sa Maynila. Naglayas siya dahil pinagbintangang nagnakaw ng iba't ibang bagay. Nanuluyan siya sa kanyang kaibigan sa Patoros.
"Isang araw, ako ay namangka upang mapawi ang aking sama ng loob. Noon lamang ako namangka ng nag-iisa. Sa laot ay inabutan ako ng malakas na hangin. Inanod ako sa malayo. Lumaki ang alon at ang bangka ay lumubog sa tubig. Pinilit kong kumapit sa bangka nguni't sa sobrang pagod ay nawalan ako ng malay-tao, ang malungkot na salaysay ni Isagani.
"Kawawa ka naman pala ang wika ng nahahabag na dalaga. Lalong nagkalapit ang dalawa at naipasiya nilang magtanan upang matupad ang kanilang mga pangarap. Sa kabilugan ng buwan, dahan-dahan silang nanaog at sa tabing dagat sila dumaan. Sa kasamaang palad ay nasalubong sila ng alkalde na nagpapahangin pala sa pook na iyon. Napansin ng alkalde na sila ay magtatanan. Sa galit kay Isagani ay nasaktan niya ito nang malubha at namatay. Nabigla ang alkalde. Tumakas siya at naiwan ang luhaang dalaga sa tabi ng bangkay ni isagani. Sa sama ng loob ay nagpakamatay ang dalaga sa tabi ni Isagani.
Kinabukasan ay natagpuan na lamang ng mga tao ang dalawang bangkay doon mismo sa pook na binangunan ni Isagani. Doon na rin sa lugar na pinagbangunan inilibing ang mga bangkay. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag na Binangonan.