Noong unang panahon, may isang batang ubod ng pilyo at pakialamero sa lahat ng bagay. Marami tuloy ang nagagalit, kaya madalas mapalo at mapagalitan si Kiko ng ama't ina. Gayunpaman, wala ring kadala-dala ang batang ito na lalong tumigas ang ulo at wala pang galang sa mattanda. Dahil dito, walang may gustong makipagkaibigan sa kanya. Palibhasa'y walang kalaro, ang mga hayop na lang ang ginawang libangan nito. Ang maaamong hayop ay nagiging mailap dahil sa pananakit ni Kiko. Kalaunan, pati ang tanim ng may tanim ay lihim nitong sinisira.
Isang araw, habang nagwawalis ng bakuran ang ina ay lumapit si Kiko sa punso at walang sabi-sabing winasak ito. Galit na galit ang ina sa anak.. Pagkatapos ay abut-abot ang kanyang paghingi ng paumanhin sa mga duwende.
"Mga nuno, patawarin po ninyo ang aking anak. Hinding-hindi napo siya uulit. Mag-babait na po siya. Pangako po."
Pinangaralang mabuti ng ina si Kiko na huwag uulitin ang ginawang paglapastangan nito sa punso dahil masamang magalit ang mga lamang-lupa.
Subalit kinabukasan, matapos isuga ang kalabaw ay bayawak naman ang napagtuunan ng pansin ng batang sutil. Sinundan ito ngunit nawala nang sumuot sa nakausling ugat ng puno. Hawak ang tirador ay sinaliksik ni Kiko ang buong paligid.
Laking galak nito nang matagpuan ang maraming itlog ng bayawak, at tuwang-tuwa na tinirador ang mga itlog. Biglang nagulat ang bata nang lumitaw sa harp niya ang isang duwende.
"HOY! BATANG SALBAHE, BAKIT MO BINASAG ANG MGA ITLOG? HINDI MO BA ALAM NA MAY BUHAY SALOOB NITO? SA GINAWA MONG IYAN, KITA'Y PARURUSAHAN. MAGIGING KALAHI KA NG BAYAWAK...!"
"Huwag po, maawa po kayo sa akin. Magpapakabait napo ako, peks man."
"SINUNGALING! ILANG BESES KA NANG NANGANGAKO TUWING PINAPALO KA NG TATAY MO. AT KAHAPON LANG, NANGAKO ANG NANAY MO, PERO NAGBAGO KABA? NGAYON, BILANG PARUSA, IKAW AY HAHALIK SA LUPA BAGO MAGTAKIP SILIM AT DAHIL IKAW AY TAO NA NILALANG NG MAYKAPAL KAYA SA TAHANAN KA RIN MANANAHAN. BUTIKI ANG ITATAWAG SA IYO!" Pagkawika'y dagling naglaho ang duwende.
Dali-daling kumaripas ng takbo ang nahintakutang bata at nagsisigaw nang...
"AYOKONG MAGING BUTIKI NANAY, TULUNGAN MO AKO... AYAW KONG MAGING BUTIKI...!"
Napadungaw ang ina at kitang-kita niya ang pagkasubasob ng anak bago paman ito nakaakyat ng hagdan. Nagtaka ito sa pagbabagong-anyo ni Kiko hanggang maging maliit na hayop na animo'y bayawak.
Palibhasa'y "BUTIKI" ang huling katagang narinig sa anak, kaya butiki na rin ang itinawag niya rito. Bagama't mabait ay mailap ang hayop na ito dahil sa hiya.
Patuloy pa rin ang paghalik ng butiki sa lupa tuwing dapithapon. Panahon na lang ang hahatol kung nararapat na ngang ibalik sa dating anyo si Kiko. Para sa mga duwende, mabuti nang manatili itong butiki sa habang panahon. (HOY! BATA, GUSTO MO MAGING BUTIKI?)