Sinasabing ang unang layunin ng pagsakop ng Espanya sa Pilipinas ay upang mapalaganap ang Kristiyanismo, kaya magkasabay na dumating sa bansa ang hukbong sundalo nito at ang mga prayle. Mapapansin na nang panahong iyon ay madaling masakop ng mga misyonero ang bawat bayan na kanilang mapuntahan, sa pamamagitan ng ebanghelyo at pagtatayong simbahan.
Isang bayan na malapt sa lawa ang sunod sanang pupuntahan ng mga misyonerong prayle datapuwa't naudlot ito dahil sa pagsama ng panahon. Halos sampung araw na walang humpay ang pagbuhos ng matinding ulan at sinundan pa iyon ng malakas na bagyo. Naging sanhi tuloy ng pag-apaw ng tubig sa lawa at pagbaha sa buong kapaligiran. Ang mga pananim ay nasalanta. Gumiray at nawasak ang maraming bahay. Sapagkat may kalaliman ang baha, kaya kailangang mamangka ng mga tao upang makarating sa kanilang paroroonan.
Inutusan ng mga prayle ang dalawang sundalong kastila upang alamin ang pangalan at kalagayan ng bayang lumubog sa baha. Kapagdaka'y nagtungo ang mga ito sa pook na iyon. Nakita nilang halos nakalubog ang mga bahay sa baha, ngunit ang mga tao ay masaya namang lahat, lalo na ang mga batang walang sawang naliligo sa tubig-baha. Sumakay ng bangka ang mga kastila at nagpahatid sa walang tiyak na patutunguhan.
Nais lamang nilang malaman kung hanggang saan at kung gaano kalawak ang lugar na binaha. Habang namamangka ay tinanong ng kastila ang bangkero...
"ANONG BAYAN BA ITO ?" at itinuro nito ang paligid?
Palibhasa'y nasa gitna nga sila ng baha kaya sa isip ng lalake, "marahil itinatanong ng mga kastila kung gaano kalalim ang baha sa lugar na iyon". Kaya madaling sumagot ang bangkero ng ..." TAGA-LEEG!"
"MUCHOS GRACIAS," sabi ng mga dayuhan, sapagkat alam na nila ang pangalan ng bayang lumubo sa baha.
Mga ilang oras din ang lumipas bago nakabalik ng kumbento ang mga sundalong kastila. Ang nasabi nila sa prayle: "PUEBLO DE TALEEG" at isinalaysay ng mga ito sa prayle na kaya madaling bumaha sa bayan ng Tagleeg ay dahil sa mababa ito at malapit pa sa lawa.
Iba naman ang pagkakabigkas ng prayle sa Obispo nang ito ay humingi ng pahintulot na makapagtayo ng simbahan sa nasabing bayan kapag humupa na ang baha. Sabi niya'y "TAGA-EEG". Nang matanggap ng misyonerong prayle ang kapahintulutan, ang nakasulat naman doon ay "TAGUIG". Mula sa salitang TAGA-LEEG ito ay naging pirmihan nang TAGUIG magpasahanggang ngayon...