Ang ating mga ninuno ay may sariling paraan ng pamumuhay noong unang panahon. Wala silang sariling mga bahay. Palipat-lipat sila ng tirahan. Kung saan sagana ang pagkain ay doon sila titigil. Tumitira sila sa loob ng mga kweba. Ang iba ay gumawa ng bahay sa itaas ng malalaking puno. Ang iba ay nagtirik ng bahay na yari sa kugon.
Kabilang sa grupong nagtatayo ng bahay na kugon sina Burnik at Paway. Iisang taon pa lang silang mag-asawa at pinagdadalantao ni Paway ang kanilang unang supling.
"Tumigil na lang tayo sa isang lugar. Malapit na akong manganganak kaya kailangan natin ng pirmihang titirhan," wika ni Paway.
Naunawaan ni Burnik ang asawa kaya naghanap siya ng lugar na masagana sa mga tanim na puno at malapit sa ilog para mapangisdaan. Nagtayo siya roon ng isang maliit na kubong gawa sa kugon.
Pansamantala ay maraming nakuhang pagkain si Burnik. Sagana ang lugar sa mga prutas at nahuhuling isda. Habang tumatagal ay nauubos ang pinagkukunan ng makakain ni Burnik.
Isang araw, sa paghahanap ng pagkain ni Burnik ay nakarating siya sa lugar na maraming tumutubong damo. Kulay ginto ang bunga niyon.
Isang katutubo ang nagsabi na manguha siya ng mga butil niyon, bayuhin hanggang lumabas ang kulay puting bunga at pagkatapos ay iluto. Palay daw ang tawag doon.
Tuwang-tuwa si Burnik. Ngayon ay may tiyak na silang pagkukunan ng pagkain. Nagtanim siya ng maraming palay at pagkatapos ay itinuro sa ibang katutubo kung paano iyon pararamihin.
Hanggang ngayon ang pagtatanim ng palay ang hanapbuhay ng karamihan sa mga magsasaka.