Noong unang panahon ay magkakasama ang limang daliri ng tao. Kahit saan magpunta ay wala silang hiwalayan. Katunayan ay maraming naiinggit sa lima dahil sa mabuti nilang samahan. Lagi kasi silang masaya at nagkakasundo.
Kung paano nagkahiwa-hiwalay ang mag kakaibigan ay dahil narin sa isang malaking pagsubok na dumating sa kanilang buhay.
Nagkaroon ng malawak na taggutom sa nilang lugar. Naging napakahirap ng pagkain dahil kakaunti ang nabuhay na pananim kumpara sa maraming mga taong kakain. Ang mga hayop haman ay unti-unti naring nangaubos.
Lahat ng uri ng trabaho ay pinasukan ng lima. Nagtrabaho sila araw at gabi pero totoong mahirap ang buhay kaya madalas silang sumasala sa oras. Wala silang nagawa liban sa magtiis.
Isang araw ay nakita ng apat na daliri si Hinlalaki. Sarap na sarap ito sa pagkain ng karne kung kaya hindi na halos sila napansin.
Nang makita ni Hinlalaki ang apat na kaibigan ay bigla naman itong namutla.
"Saan mo kinuha ang karneng iya?" tanong ng apat kay Hinlalaki.
Bago pa makasagot si Hinlalaki ay isang galit na babae ang lumapit sa kanila. Pagkakita nito kay Hinlalaki ay agad sinampal. Gulat na gulat ang apat.
"Ipakukulong kita!" banta ng babae na namumula sa galit.
"Teka, huminahon kayo!" wika ni Hintuturo. "Pag-usapan natin ito."
"Opo nga nama," sabad ni Hinlalato. "Ano po ba ang problema?"
"Magnanakaw ang kaibigan ninyo! Ninakaw niya ang aming pag-kain!" ang sumbong ng babae.
Sabay na napatingin sa isa't isa sina Palasingsingan at Kalingkingan. Tulad nina Hintuturo at Hinlalato ay nagulat sila sa narinig. Alam nilang matakaw si Hinlalaki pero hindi nila inakalang magnanakaw ito para mairaos ang katakawan.
Napatungo naman si Hinlalaki bilang pag-amin sa kasalanan.
Mabuti at napakiusapan ng apat ang babae na huwag ipakulong si Hinlalaki subalit mula noon ay naiba na ang pagtingin ng apat sa kanya.
Iniwasan ng apat na magkaka-ibigan si Hinlalaki. Ibig nila itong bigyan ng aral dahil sa masamang ginawa. Sa sobrang hiya naman ay nakahiyaan na rin ni Hinlalaki ang lumapit sa apat kaya hindi na sila muling nagkasama-sama.