Noong unang panahon, maraming taon na ang nakalilipas, ang mga lalawigan ng Camarines, Mindoro at Timog Kanlurang bahagi ng Laguna ay nasasakop ng barangay ng Batangas. Ang namumuno sa barangay na ito ay si Datu Batumbakal. Ang Datu ay may napakagandang anak na dalaga, si Mutya Maria. Si Mutya Maria ay itinuturing na Reyna ng Katagalugan, sapagka't taglay niya ang mga katangian ng isang reyna.
Maraming manliligaw si Mutya Maria. Kabilang na rito ang mayamang Datu ng Mindoro, Laguna at Camarines. Nguni't sinuman sa tatlong ito ay walang damdamin si Mutya. Ang kanyang napupusuan ay isang hamak na lalaki, si Garduke na kilala sa tawag na Duke. Si Duke ay mahilig umawit at kumatha ng mga tula. Isa siyang mangingisda.
Ang tatlong datu ay malayang nakakadalaw kay Mutya samantalang si Duke ay maraming ulit na pinagbawalan ni Datu Batumbakal. Minsang nakita ng Datu si Duke sa palasyo, ito ay kanyang kinagalitan at ipinagtabuyang palabas. Kahit pa sinabi niyang kagustuhan ng Mutya ang kanyang pagtuntong sa palasyo upang makinig ng kanyang mga tula ay hindi pa rin siya pinahintulutan ni Datu Batumbakal.
Magmula noon ay hindi na nakita si Duke. Labis na nalungkot at nangulila si Mutya Maria. Naglalakad-lakad siya sa bukirin sa pag-asang baka makita niya doon si Duke. At sa dulot ng tadhana, ang dalawa ay nagkita sa baybayin ng ilog Pansipit.
"Kung sadyang ako'y mahal mo, ipaglalaban mo ito sa anumang paraan." Hamon ni Mutya kay Duke. Bago naghiwalay ay napagkasunduan sa dalawa na magkita sa hardin ng palasyo sa pagsapit ng dilim.
Hindi nalingid kay Datu Batumbakal ang pagtatagpo ng dalawa. Kinagalitan niya ang anak at pinagbawalang makipagkita kay Duke. Isang kautusan ng kanilang barangay na ang mga dugong maharlika ay nababagay lamang sa kapwa dugong maharlika. Ang kautusang ito ay nilabag nina Maria at Duke.
Ipinahuli ni Datu Batumbakal si Duke at ito ay pinapugutan ng ulo. Labis itong ikinalungkot ni Mutya Maria. Ang pag-iibigan nina Maria at Duke ay naging bukambibig sa buong barangay at dito rin hinango ang pangalan ng isang lugar na ngayon ay kilala sa tawag na lalawigan ng Maringduque.