MATAGAL bago nagkaanak si Sultana Luvimi. Nang magsilang naman ay triplet ang naging mga anak ni Sultan Karif. Mahal na mahal ng sultan ang asawa kaya ang pangalan ng triplet ay hinango sa mga pantig ng pangalan ng babae.
"Tatawagin natin silang Lu, Vi at Mi," ang sabi ng sultan.
"Lu, Vi at Minda," ang wika ng sultana, "Ibig ko ng pangalang Minda." "Kung iyon ang nais mo ay masusunod," sang-ayon ng sultan. Wala pang anim ng buwan ang mga anak nang yumao si Sultana Luvimi. Lungkot na lungkot ang sultan. Dahil wala na ang asawa, buong panahon at yaman ay ibinuhos ng sultan sa mga anak.
Lumipas ang panahon. Nagkaroon ng gulo sa nasasakupan ni Sultan Karif. Isang datu ang nais sakuping ang kaharian kaya inihanda ni Sultan Karif ang mga mandirigma sa posibleng pag-atake ng mga kaaway.
"Sasama kami sa laban, mahal na ama," sabi ni Lu kay Sultan Karif. "Marunong kaming humawag ng armas kaya tutulong kami," ani Vi. "Hindi kami papayag na manood lang dahil mayroon kaming magagawa," sabad ni Minda, na pinakamatapang sa tatlo.
Gaya nang inaasahan ay lumusob ang mga mandirigma ng datu. Nang mapawi ang usok ng labanan ay natanghal sa mga mata ng Sultan ang patay na mga anak na hawak pa ang kanilang mga sandata.
Ipinalagay ng sultan sa malaking bangka ang bangkay ng tatlo at ipinaanod sa dagat upang doon malibing.
Ilang buwan makaraan ay napansin ang pag sibol ng tatlong mala laking pulo sa dagat na pinagpaanuran ng bangkay ng tatlong dalaga. Tinawag ni Sultan Karif na mga pulo ng Lu, Vi at Minda ang mga iyon pero nang lumaon ay naging Luzon, Visayas at Mindanao.