Noong araw ay napakasisipag ng mga tao. Masisipag sila sa pagtatanim ng mga halaman. Masisipag rin sila sa pag-aalaga ng iba't ibang mga hayop.
Bagamat karamihan ay may mga alagang hayop, ang inaalagaan nila ay itong siguradong makatutulong sa kanilang pagtatanim at pagsasaka.
Sa lugar na iyon ay may isang pamilya na bagong lipat. Sa halip mag-alaga ng mga hayop na maka-tutulong sa pagsasaka ay nag-alaga sila ng mga baboy.
Mabilis dumami ang kanilang mga alaga kaya naman naging katuwaan ng mga bata na panoorin ang mga ito lalo na sa oras ng paliligo.
Dahil maraming alaga, karaniwan na ring nagkakatay ng baboy ang pamilya para ipamigay ang karne sa mga kapitbahay.
Mabilis dumami ang mga baboy kaya nagpasya ang pamilya na magpagawa ng malaking kulungan.
Minsan ay nayaya ang pamilya sa isang pagtitipon. Hindi agad sila nakauwi kaya nagwala ang mga baboy dahil sa gutom. Nagawa nilang sirain ang kulungan kaya nakatakas ang iba.
Humingi ng tulong ang pamilya sa mga kapitbahay. Nagkagulo ang lahat sa paghuli sa mga nakawalang baboy. Sa pataniman kasi ng mga halaman nagtakbuhan ang mga ito at tiyak nilang pag hindi agad nahuli ay maraming tanim ang mapipinsala. Dahil sa pagkakagulo ay naiwan ng isang babae ang niluluto. Naging dahilan iyon ng pagkasunog ng bahay nito at ng buong lugar.
Nang bumalik ang mga tao dala ang nahuli nilang mga baboy ay sunog na ang kanilang mga bahay.
Nanggipuspos sila dahil sa nangyari. Pero sabay-sabay silang natigilan nang mapansin ang isang kakaiba at masarap na amoy.
Sinundan nila ang pinanggagalingan ng masarap na amoy. Nanggagaling iyon sa nasunog na kulungan ng mga baboy.
Nilapitan nila ang mga nasunog na baboy. Isang babae ang natuk-song kumurot ng piraso noon saka tinikman.
"Masarap," sabi ng babae.
Gumaya ang iba. Tinikman nila ang mga baboy na naihaw dahil sa sunog. Tulad ng babae ay nasarapan sila sa karne nito.
Dahil sa pangyayaring iyon ay nagkaideya ang mga tao. Nag-alaga narin sila ng mga baboy at iniihaw ang mga ito para muli nilang matikman ang masarap na luto sa karne. May iba namang nakaisip na gawing hanapbuhay iyon para ipagbili sa kalapit na mga bayan.
Lumaon ay naging bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang lutuing iyon na tinawag na litson.