Sa isang malayong bayan ay may isang mag-anak na kabalitaan sa sobrang sipag. Mula ama hanggang sa ina at mga anak ay makikitang nagtatrabaho na sila pagsikat pa alng ng araw sa silangan.
Marami ang naiinggit sa samahan ng pamilya dahil bihira ang mga mag-anak na lahat ay nagtutulungan.
Ang kasipagan ng lahat ng miyembro ang dahilang kung kaya naman kapansin-pansin ang tuwina ay masagana nilang ani.
Sa kabila ng maalwang buhay ay hindi kinakitaan ng pagod ang mag-anak. Habang gumaganda ang kanilang kabuhayan ay lalo silang sumisipag.
"Sila ang gayahin ninyo para kayo umunlad," madalas ay payo ng matatanda sa iba.
Nagkaroon ng taggutom sa nasabing bayan. Pininsala ng labis na baha ang mga pananim. Karamihan sa mga tagaroon ay hindi nakapag-ipon ng makakain dahil nakuntento na lagi silang makapagtatanim.
Mabuti na lang at mabuti ang loob ng masisipag na mag-anak. Inihati nila sa mga kababayan ang mga pagkaing inipon nila.
"Walang masama na maging handa tayo sa mga panahong hindi inaasahan," anang ama ng pamilya. "Maging aral sana sa lahat ang pangyayaring ito."
"Napakayabang mo naman," wika ng isang lalaki na minasama ang narinig. "Nakapagbigay ka lang ng kaunti ay ang dami mong sinabi."
"Wala naman akong intensyong masama. Ibig ko lang pare-pareho tayong maging handa sa panahon ng pagsubok,"
"Ang sabihin mo ay mayabang ka dahil kailangan naming umasa sa inyo!" diin ng lalaki.
Natigil lamang ang diskusyon nang mamagitan ang isang matanda. Sinabi nito na mas kailangan nila ang magkasundo kaysa mag-away.
Hindi inakala ng lahat na magbubunga iyon ng trahedya. Nainsulto ang lalaki na dahil makitid ang isip ay binalak gumanti. Isang gabi ay sinunog nito ang bahay ng pamilya na humantong sa kamatayan ng mag-anak.
Nagluksa ang buong bayan.
Nanghinayang sila sa pagkawala ng ideyal na pamilyang nagbukas sa isip nila sa halaga ng kasipagan.
Ilang buwan maraang malibing ang mag-anak, dalawang matanda ang dumalaw sa nasunog na bahay.
Agad ay napansin nilang ang isang grupo ng maliliit na insektong namamahay sa isang bahagi ng bakuran. Nakalinya ang mga ito at bawat isa ay may dalang butil na iniipon sa tirahan nila.
Nagkatinginan ang dalawang matanda. Alam nilang ang mga insek-tong iyon ay ang masisipag na mag-anak. Tinawag nila itong mga langgam.