Noong araw ay may isang mag-asawa na labis na kinaiinisan ng mga kakilala. Paano ay parehong tamad ang mga ito. Ayaw nilang magtra-baho at kuntento nang umasa sa mababait nilang mga kapitbahay para makatawid sa gutom.
Bukod sa pagiging palaasa sa ikabubuhay ay may pangit pang ugali ang dalawa. Naging gawain na nila na kapag may handaan ay dumadalo sila kahit hindi imbitado. Ang nakaiinis pa ay lagi silang nau-una sa pagkuha ng pagkain kaysa mga inimbitahang panauhin.
Saan man makakita ng pagkain ang mag-asawa ay tiyak na tutunga-nga sila sa harap niyon hanggang sila nabibigyan. Kapag nakakita naman sila ng mga pagkaing naka-bilad tulad ng daing o isdang tinutuyo ay tiyak na mangungupit sila kapag nalingat ang may-ari.
Napakalakas ng pang-amoy ng dalawa pagdating sa pagkain. Tila sila ay may makapangyarihang pang-amoy na kung saan may pagkain ay natutunton nila.
Isang araw ay napansin ng mag-asawa na nakabihis nang maayos ang kanilang mga kapitbahay. Lahat ay tila pahangos na papunta sa isang lugar.
Nagkaideya sila na marahil ay sa isang malaking handaan patungo ang mga ito.
Palihim na sumunod ang dalawa sa mga kapitbahay. Gayon na lang ang kanilang tuwa nang makitang handaan nga ang kanilang pinun-tahan.
Gumawa ng paraan ang dalawa para makapasok sa bahay kahit hindi imbitado. Napakaraming handang pagkain kaya nagpakasawa sila.
Nang inaakala nilang wala nang kakain at nakalingat ang may-ari ng handaan, nagtungo sila sa mesang kainan at nagsimulang magbalot ng mga pagkain para iuwi. Nagkataong napalingon ang may-ari ng handaan at kitang-kita ang ginawa ng dalawa.
Sa galit ng may-ari ay isinumpa ang mag-asawa. Sinabi nito na hindi na sila makapagdadala ng anumang pagkain kahit kailan at hindi sila pakakainin kahit nasa handaan pa sila. Binalewala lang iyon ng mag-asawa na napilitang umuwi.
Pagdating ng bahay ay bigla na lang nagbago ang anyo ng dalawa. Naging maliliit silang kulisap na may mga pakpak.
Hindi na nakita pa ng mga kapitbahay ang mag-asawa. Sa halip ay dalawang insektong dapo nang dapo sa mga pagkain ang lumitaw. Kahit bawalan at paalisin ay dadapo pa rin ang mga ito sa pagkain basta nakalingat ang nagbabantay. Ang mga insektong iyon ay tinatawag na langaw.