Noong unang panahon ay may isang binata na tunay na mapag-mahal sa kalikasan. Ang pangalan niya ay Tiyago. Nakatira si Tiyago sa paanan ng isang malawak na bundok.
Gawain na ni Tiyago ang bantayan ang bundok at kagubatan nito. Tinitiyak niya na walang sinumang manghuhuli ng mga hayop, mamumutol ng mga puno o maninira kaya ng mga halaman.
Isang araw ay napansin ni Tiyago ang kalapit na gubat. May itim na usok na nanggagaling sa isang bahagi noon na makaraan ang ilang saglit ay naging kulay pulang apoy.
"Nasusunog ang gubat!" bulalas niya na hindi malaman ang gagawin.
Dahil sa nangyari ay nangako sa sarili si Tiyago na hinding-hindi pababayaan ang bundok na binabantayan.
Araw at gabi ay hindi na natulog si Tiyago lalo pa at lumaganap ang balita na may isang grupo ng mga bandido na nanununog talaga ng gubat.
May mga kakilala si Tiyago na nagboluntaryong magbantay rin sa kanilang bundok at gubat pero maari lang magbantay ang mga ito tuwing umaga. Dahil mga pamilyado ay ibig ng mga ito na masamahan ang asawa't mga anak sa gabi.
Sa gayon ay nakagawian ni Tiyago ang matulog sa umaga at gising sa magdamag. Kahit nang magkasakit ay hindi siya napigil sa magbantay sa gabi. Aniya ay baka sa oras na ito umatake ang masasamang loob dahil alam na walang bantay.
Nang mamatay si Tiyago ay may humalili sa kanya sa pagbabantay ng gubat. Ito ay isang ibon na may malalaking mata at gising sa buong gabi. Bilang pag-aalala kay Tiyago ay tinawag nilang kuwago ang ibon na hanggang ngayon ay bantay ng gubat sa magdamag.