AYON sa alamat, sina Kalangitan at Katubigan ay may dalawang anak. Sila ay sina Langit at Tubigan. Si Langit ang kinilalang diyosa ng kalawakan at si Tubigan ang diyos ng katubigan.
Sina Tubigan at Langit ay nagpakasal. Dalawa rin ang kanilang naging mga anak. Sila ay sina Dagat at Paros. Si Dagat ang naging diyosa ng karagatan at si Paros ang naging diyos ng hangin.
Lumaon ay nagpakasal din sina Paros at Dagat.
Apat ang naging mga supling nina Dagat at Paros. Tatlo sa mga ito ang lalaki at nag-iisa ang babae.
Ang panganay ay pinangalanan din nilang Dagat, isang makisig at malakas na lalaki. Sumunod sa kanya si Adlaw, isang masayahing lalaki na may katawang ginto. Kulay tanso ang katawan ng sumunod na si Bulan ngunit mahina ang kanyang katawan. Ang tanging babae, si Bitoon, ay kulay pilak at may ma-gandang tindig.
Nang mamatay sina Paros at Dagat ay inalagaan nina Langit at Tubigan ang kanilang mga apo.
Dahil patay na ang mga magulang ay naging ambisyoso si Dagat lalo pa at na punta sa kanya ang kapangyarihan sa hangin. Ibig niyang sakupin ang kaharian ng lolang si Langit. Napapapayag niya ang dalawang kapatid na sina Bulan at Adlaw na sumama sa kanya.
Pinakawalan ni Dagat ang hangin upang puwersahang mabuksan ang kaharian ni Langit. Sinira niya ito kasama sina Bulan at Adlaw.
Sa galit ni Langit ay nagpakawala siya ng tatlong kidlat laban sa suwail niyang mga apo.
Agad na natunaw sina Bulan at Adlaw. Si Dagat naman ay nahulog sa ibaba. Sa kasamaang palad ay tinamaan din ng kidlat si Bitoon kung kaya nagkapira-piraso.
Pinagbintangan ni Langit ang asawang si Tubigan. Aniya ay ito ang nag-utos upang salakayin siya ng kanilang mga apo. Itinanggi iyon ni Tubigan. Nagkasamaan sila ng loob ngunit napawi rin lalo at napa-tunayan ni Langit na walang kinala-man si Tubigan sa ginawa ng mga apo.
Nagpasya ang mag—asawa na pagkalooban nalang ng liwanag ang kanilang mga apo dahil hindi na rin nila mabubuo pa ang katawan ng mga ito na winasak ng mga kidlat.
Si Dagat ang ginawa nilang lupain. Si Bulan ay ginawa nilang buwan. si Adlaw ang naging araw at si Bitoon ang naging mga bituin.
Ayon sa alamat ay sa ganitong paraan nabuo ang daigdig.