Noong araw ay magkakasama ang lahat ng mga tao. Nakaka-sundo sila at laging masaya, Maalwan ang kanilang buhay dahil ipinagkaloob sa kanila ng Diyosa ng Kasaganahan ang lahat ng maaari nilang hilingin.
Isa lamang ang kapalit ng lahat ng iyon. Ibig ng diyosa na huwag silang aalis sa kanilang paraiso.
Sa kabila ng mabuting kabuhayan ay hindi makuntento si Raga. Isa siyang binatilyong may malikot na imahinasyon. Ibig niyang malaman kung ano ang nasa kabila ng kanilang paraiso. Bawat araw ay may udyok siyang nadarama sa kanyang puso na nagsasabing tuklasin niya kung ano ang nasa kabila ng naka-mulatang paraiso.
Isang gabi ay lakas-loob na tumakas si Raga. Wala siyang kasingsaya dahil ang pakiramdam niya ay nakawala siya sa isang gintong kulungan.
Gayunman ay hindi niya inasahan na kabaligtaran ng buhay sa paraiso ang matutuklasan.
Subalit dahil bagong karanasan iyon para kay Raga kaya sabik parin siya. Lumakad siya at nagtatakbo sa putikan, natulog siya sa maruming paligid. Kumain din siya ng mga pagkaing noon lang nakita ng mga mata. Naging eksayted din siya sa pakikisalamuha sa iba't ibang klase ng mga taong na may malaking kaibahan sa mga nakatira sa paraiso.
Nalibang si Raga sa bago niyang daigdig. Inubos niya ang panahon sa pag-gala at pagdiskubre ng mga bagay-bagay. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng mga araw.
Isang gabi ay dumating kay Raga ang pangungulila. Naalala niya ang ina na marahil ay labis nang nag-aalala.
Naalala rin niya ang ama na tiyak niyang hinahanap siya.
Bigla rin niyang naalala ang mga kaibigan at mga kakilala.
Nagmumuni-muni siya nang may dumampot sa kanya.
"Teritoryo namin to!" sabi ng isa.
"Maghanap ka ng sarili mong lugar!" wika naman ng kasama nito.
Nalungkot si Raga. Sa paraiso ang lahat ay pantay-pantay. Walang inaapi at walang nang-aapi. Noon niya nakuro na mas maganda parin ang kanilang paraiso.
Marusing at mabaho, hindi naki-lala si Raga ng mga taga-paraiso. Pinalayas siya ng mga ito. Kahit anong paliwanag niya ay walang gustong makinig. Napaiyak si Raga na tinawag ang kanilang diyosa. Ngunit sa halip papasukin sa paraiso ay isinumpa siya nito sa pagsuway sa utos.
Si Raga ay naging isang malitt na hayop na nakadidiri ang itsura. Sa marurumi at mababahong lugar lang siya nakatitira tulad ng mga pusali at mga lungga. Si Raga, ang binatang dating taga-paraiso, ang pinagmulan ng lahi ng mga daga.