Noon daw unang panahon ay may isang matandang lalaki na nagpapalipat-lipat sa mga bayan upang mangaral. Ang sabi ng ilan ay si Apostol Pedro raw ito ngunit may nagsasabi naman iyon si San Pablo.
Anu't anuman, isang araw ay nakarating ang mangangaral sa isang malayong bayan makaraan ang mahabang mga oras ng paglalakbay. Pagod na pagod ang matanda at gutom na gutom din.
Lihim na nakadama ng tuwa ang matanda nang marating ang isang bahayan kung saan maaamoy sa hangin ang mabangong samyo ng tinapay na ibinebeyk. Lumapit siya sa bahay na pinanggagalingan ng mabangong amoy ng tinapay at humingi mula sa babaing may-ari.
Ang babae ay gumagawa ng tinapay para ipagbili. Maraming nagpapagawa rito ng araw na iyon kaya marami ng luto nang dumating ang matanda. Subalit nanghinayang ang babae na ipamigay ang mga naluto na dahil masyadong malalaki ang mga iyon.
Pinaghintay ng babae ang matanda. Aniya ay ipagbibeyk niya ito ng bago. Ang ginawa ng babae ay nagmasa ng mas maliit na arina para sa apostol. Nang mabeyk ang minasa ay lumabas pa ring malaki iyon. Muling nagmasa ang babae ng mas maliit saka iyon iniluto. Muling nanghinayang ang babae dahil ang tingin niya ay malaki parin iyon para ipamigay. Ilang beses pang nag-masa at nagbeyk ang babae pero muli at muli niyang itinatabi para magluto ng mas maliit pa.
Alam ng matanda kung bakit matagal na siyang naghihintay sa kapirasong tinapay ay hindi pa rin iyon maibigay ng babae.
Nasabi tuloy ng matanda ang ganito, "Labis-labis na mga biyaya ang ipinagkaloob sa iyo pero ubod ka pa rin ng damot. Mula ngayon, paghihirapan mong mabuti ang lahat lalo na ang iyong kakainin."
Hindi nagtagal ang apostol ay umalis para maghanap ng mabuting loob na magbibigay sa kanya ng makakain.
Lilang hakbang pa lang ang nalalakad ng mangangaral ay isang pangyayari na ang naganap sa loob ng iniwan niyang bahay. Unti-unting nagbago ang anyo ng babae hanggang maging isang ibon. Nang makita ito ng alagang pusa ay agad nilundag. Nakalipad lang agad ito kaya hindi nasunggaban ng pusa.
Sa takot ng babae na maging ibon ay lumipad ito patungong gubat. Doon ay hindi na ito tumigil sa pag-tuktok sa mga kahoy para makakuha ng makakain. Ang ibong iyon ay ang batuktok o woodpecker.