Ang malawak na palayan sa dakong hilagang-kanluran ay pag aari ng mag-asawang ubod ng sungit at mapang-api. Sila ay sina Don Badong at Dona Lilang. Palibhasa'y mangmang ang mga magsasakang gumagawa sa kanilang bukirin kaya nadadaya at nalalamangan sila ng mag-asawang mapag-imbot sa paghahati ng mga inaning palay. Sanhi nito, talagang kakapusin ang mga dukhang kasama at mapipilitan tuloy na mangutang sa suwitik na mag-asawa. Sa laki ng tubong kinukuha ni Don Badong ay lalong nababaon sila sa kahirapan. Ito ang dahilan upang lalong maging kahabag-habag ang kalagayan ng mga magbubukid.
Pagkatapos ng maraming araw na gawain at pagtatanim sa bukid ay nakapagpahinga na rin ang mga magsasaka. Datapuwa't habang tumataas ang mga palay at habang pinagmamasdan ang luntiang bukid ay nakadarama lamang sila ng panlulumo. Hindi magawa ng mga magbubukid ang magalak sa halip ay kalungkutan ang namamayani sa kanilang mga puso't kalooban. Paano nga ba sila makapagsasaya kung ang makakaparte nila sa aanihing palay ay sapat lamang na pambayad kina Dong Badong at Dona Lilang?
Isang araw, may matandang pulubing nangahas pumasok sa bakuran ng malaking bahay at humingi ng limos sa mag-asawa. Gula-gulanit ang suot nitong damit.
Bakas sa mukha ng matanda ang matinding pagod at gutom. Sa halip na kaawaan ay pinagalitan pa ni Dona Lilang ang pulubing lalaki.
"Aba! Sino kang pulubi na basta na lang pumasok dito at magpapalimos? Sulong, lumayas ka sa aking bakuran! Patay-gutom!"
"Parang awa napo ninyo. Kahit isang dakot na bigas...ako sanay ay inyong limusan..."
Hindi naantig ang bakal na damdamin ng mag-asawa. Pinagtabuyan lamang nila ang matanda hanggang makalabas ng tarangkahan. Napamulagat ang mga ito nang biglang naging mabalasik ang tinig ng lalaking pulubi.
"Tunay na wala kayong kasing sama kaya nararapat na kayo ay parusahan! Hindi kayo marunong maawa! Hindi ninyo nadarama ang paghihirap ng inyong kapwa dahil kayo ay parehong walang puso at damdamin! Alalahanin ninyo na sa bawat kasamaan ng tao, ang Diyos ay may nakalaang parusa. Ito ngaon ay inyo nang tatanggapin!"
Pagkawika ng matanda ay nakaulinig sila ng kakaibang huni ng mga kulisap. Napalingon saglit ang dalawa. Nang muling humarap sina Don Badong at Dona Lilang ay wala na roon ang matanda, na labis nilang ipinagtaka. Kapwa kinakabahang hinanap ang hindi mawaring mumunting ingay na kanilang naririnig hanggang mapalapit sila sa dakong imbakan ng palay. "TILA NASA LOOB NG BANGAN?" sambit ni Don Badong at dali-daling tinawag ang mga katulong upang pabuksan ang naka kandadong pintuan. Lahat sila ay nasindak nang maglabasan ang libu-libong kulisap! NASAAN ANG MGA PALAY! PAANO ITONG NAWALA? Nagtigilan si Don Badong sa nakapangingilabot na kaparusahan na sa kanila ay iginawad. Nawalan ng malay-tao si Dona Lilang dahil sa pagkabigla.
Naligalig ang buong nayon nang lumusob sa bukid ang inaakala nilang tipaklong. Agad naman nilang napagtanto na hindi pala ito mga tipaklong kundi mga mapaminsalang kulisap. Palibhasa'y sa bangan nina Don Badong at Dona Lilang nanggaling ang mga mapanirang insekto kung kaya pinangalanan nila itong "BALANG". Hindi ikinabahala ng mga magsasaka ang pangyayaring iyon dahil wala naman silang makukuhang kaparte pagdating ng anihan. Ikinatuwa pa nila nang matuklasan masarap palang kainin ang "balang".
Nakapagtatakang isipin, matapos masaid ang lahat ng pananim sa bukiring pag-aari nina Don Badong at Dona Lilang ay naglaho na lamang ang mga balang.
Sa takot na muli itong lumitaw, ang mag-asawang salbahe ay tuluyan nang nagbago. Pinagsisihan nila ang lahat ng kamalian at kalupitang kanilang nagawa sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha at mangmang. Bilang pagbabayadpuri sa kanilang mga kasalanan ay nagpatayo sina Don Badong at Dona Lilang ng munting paaralan para matuto ang lahat nilang kasamahan na hindi marunong bumasa't sumulat.
Bagama't may panahon pa ring sumasalakay an mga balang sa iba't ibang dako, ito ay nagpapaalala lamang sa tao na dapat bigyan ng halaga at pasalamatan ang lahat ng kabutihan at biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos. Huwag sanang kalilimutan ninuman na ang tao'y hindi dapat maging makamkam at makasarili.