Kinaiinggitan ang mabuting samahan ng magkaibigang Masong at Lito. Maliliit pang mga bata ay lagi na silang magkasama. Lagi nilang inaalala ang isa't isa. Lagi rin silang magkasama sa bawat lakaran.
Nanatili ang magandang samahan ng dalawa kahit nang magbi-natilyo na sila. Naging bahagi na ng buhay nila ang pag tutulungan. Mula sa paggawa sa bukid hanggang sa pangangahoy sa gubat ay lagi silang magkasama.
Hindi inasahan ninuman ang pagkakaroon ng malubhang sakit ni Masong. Humantong iyon sa kamatayan ng binatilyo. Labis na nagluksa si Lito. Hindi niya matanggap na wala na ang kaibigan. Araw-araw niyang dinadalaw ang puntod nito at nililinis. Madalas ay kinakausap rin niya ito na parang nasa tabi lang at nakikinig sa kanya.
Minsa ay sumama ang pakiramdam ni Lito. Kaunting lakad lang ay hilung-hilo na siya. Pinigilan siya ng ina sa pagdalaw sa libingan ni Masong. Ilang araw siyang ganoon.
Sa buong panahon ng pagkakasakit ay may isang maliit na hayop na umuwi kina Lito. Lagi iyong itinataboy ng ina ngunit balik nang balik sa tapat ng silid ng binatilyo na tila nagbabantay sa kanya.
Nang mabawi ang lakas ay ang puntod ni Masong ang unang pinuntahan ni Lito. Doon ay nakita niya ang hayop na araw-araw na itinataboy ng ina. Nakatayo iyon sa tapat ng puntod at kawag nang kawag ang buntot.
Hindi na humiwalay ang hayop hanggang sa pag-uwi niya. Natu-tulog ito sa paanan niya at pag-gising niya sa umaga ay sasalubungin siya ng kahol at kawag sa buntot nito. Dahil sa hayop ay nalimot ni Lito ang lungkot ng pagkamatay ni Masong.
Pinangalanan niyang Masong ang hayop pero nang lumaon ay naging aso ang tawag dito.