Sabi ng matatanda, ang mga magsasakang naninirahan sa kapatagan noong pahahon ng Kastila ay nagsilipat sa kabundukan upang makaiwas sa kalupita ng mga dayuhan. Sa kagubatan na sila namalagi para huwag masangkot sa kaguluhang nagaganap sa bayan. Ang patuloy na paghihimagsikan ay lalong nagpagalit sa mga Kastila. Umisip sila ng paraang maka-paghiganti. Maraming walang malay na Pilipino ang kanilang pinag-bintangang kasapi ng Katipunan at ipiniit sa madilim na karsel.
Nabalitaan ng mga naninirahan sa bundok ang gagawing paglusob ng mga guardia sibil sa kanilang lugar at sila ay natakot. Araw-gabi ang nangangambang mga kababaihan ay walang tigil sa pagdarasal upang sila ay iadya sa panganib na darating.
Hanggang isang araw, umakyat na nga sa bundok ang mga Kastila. Nakarating sila sa lugar na kung saan nagkakatipon-tipon ang mga nagdarasal. Sa pagtataka ng lahat ay biglang nagningning ang punong TIPOLO. Kaginsa-ginsa ay lumitaw ang Birheng Concepcion sa itaas ng puno. Palibhasa'y mga relihiyoso ang mga dayuhang ito, sila ay nahintakutan at nagsisi.
Marami ang nakakita sa pagmimilagrong iyong ng Birhen. Sila ay nagpasalamat sa saklolong ibinigay nito. Angmasamang balak ng mga Kastila ay hindi na natuloy, bagkus sila ay nanganakong ang pook na yaon ay kanilang igagalang. Masaya nilang ipinamalita sa kapwa nila Kastila ang nakitang pagmimilagro.
"Saang lugar iyon at kami man ay pupunta roon", tanong ng mananampalataya.
"Sa bundok. Itanong ninyo kung saan ang Tipolo at ituturo nila sa inyo." ang kanilang sagot.
Dahil sa paulit-ulit na pagtatanong ng mga taong doon ay dumarayo ng "Saan ang Tipolo?" tinawag nilang SANTIPOLO ang pook na ito na kalaunan ay naging ANTIPOLO.
Buhat noon, nakagawian na ng lahat, mahirap man o mayaman, ang pamamanata sa mataas na bundok na ito ng ANTIPOLO lalo na sa panahon ng Mahal na Araw.