Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama't ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang parin siya.
Mahal na mahal ng ama't ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito. Ayaw siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Nakasanayan ni Ranay ang umasa dahil sa pagpalayaw na tinatanggap.
Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na payat na ang ama't ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan. Si Ranay naman ay lalong nagkakagana sa pagkain. Kahit ano ay masarap sa panlasa niya.
Kanin, tinapay, ulam, prutas, karne, minatamis at kung anu-ano pa. Minsan, maging ang kakainin na lang ng mga magulang ay si Ranay pa ang kakain.
Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina.
Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma-buhay na siya ang kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.
Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy.
Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.