Ang mga alamat ay kawili-wiling basahin lalo't mahusay ang pagkakasulat. Isa sa mga paksang malimit pagbatayan ng mga alamat ay ang paglalang sa daigdig at ang pinagmulan ng mga unang tao sa ibabaw ng lupa. Ang lahat ng bansa halos ay may alamat ukol diyan. Iba't ibang paraan ang hinabihabi sa guniguni ng mga nagsisisulat at nagsisikatha ng mga alamat upang maging kawili-wili ang kanilang pagsasalaysay.
Karaniwan sa mga alamat ay hindi nasusulat o kung nasusulat ma'y nito na lamang mga huling panahon napatitik. Mga salaysay na nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga magulang at mga anak ng mga nuno at mga apo ang marami sa mga alamat na ating pinananabikang basahin ngayon. Sa bawa't pagkasalin sa bawa't bibig na pagdaanan, ang isang alamat ay karaniwan nang nadaragdagan ng kariktan, palibahasa ang bawa't isa'y nagpapasok ng inaakala niyang lalo pang pampaganda sa kanyang kuwento.
Ang alamat ay kuwento tungkol sa pinanggalingan ng isang bagay. Karaniwan sa mga alamat ay kawili-wiling basahin lalo't mahusay ang pagkakasulat, nguni't huwag nating kalilimutan na ang alamat ay kathang -isip o gawa-gawa lamang.
Sinasabing ang tao, sa paghahanap ng katotohanan sa maraming katanungang walang kasagutan kung paano at kung saan nagmula ang ganito at gayang bagay, ay nagsikap na gamitin o pairalin na lamang ang imahinasyon o guni-guni upang kumtha ng kuwento tungkol sa pinagmulan ng isang bagay-maaring ito'y tungkol sa hayop, halaman o pook.