Noong unang panahon ay may isang isda na napakaganda. Makinis at kumikinang ang kanyang mga kaliskis. Nakaaaliw pagmasdan ang mga palikpik niya at buntot kapag lumalangoy. Nangungusap ang mga mata niya kapag itinitig at manipis ang kanyang mga labi. Napakarami niyang tagahanga kung kaya naman naging mayabang siya. Wala siyang ginawa liban sa pagpapaganda.
Lahat ng mga isda ay may kanikanyang gawain sa ilalim ng dagat. Tanging ang magandang isda ang ayaw magtrabaho. Aniya ay baka masira ang kanyang mga kaliskis at mga palikpik.
Nainis ang ibang mga isda. Anila ay nararapat lang na gawin ng bawat isa sa tungkulin nila. Nagkaisa sila na huwag linisin ang tirahan ng magandang isda.
Nagkataong bumisita sa lugar nila ang Diyosa ng Karagatan. Malayo pa ay naamoy na ang diyosa ang mabahong mga dumi na naipon sa tapat ng bahay ng magandang isda. Nagalit ang diyosa dahil hindi ginampanan ng magandang isda ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa ilalim ng dagat.
Nalaman din ng diyosa na dahil sa pagmamahal ng isda sa sariling ganda kung kaya ayaw na nitong magtrabaho.
Dahil doon ay pinarusahan ng diyosa ang magandang isda. Pina-pangit niya ang isda. Umitim at kumapal ang balat niya. Kumapal din ang kanyang nguso at tumigias ang kanyang katawan.
"Inaatasan din kitang maging tagapaglinis ng buong karagatan!" ang wika ng diyosa. "Kapag sinuway mo ako ay kakamitin mo ang pinakamabigat kong parusa!"
Mula noon, ang isda ang naging tagapaglinis ng mga isda. Kilala ang isdang ito bilang janitor fish.